Kabanata 2
Prito na itlog, hotdog, ginisang kanin at kape ang nakahain sa pansariling lamesa ni Rosie sa almusal. Magulo pa ang kaniyang buhok dahil katatapos lang nito maligo.
Isang maliit na kuwarto lang ang kaniyang inuupahan sa siyudad. Mag-isa ito lumuwas ng Maynila 'pagkat siya ang inaasahan sa pamilya, breadwinner. Ang sahod niya'y napupunta lahat sa tuition ng bunsong kapatid na kumukuha ng kursong piloto. Nasa ikatlong taon naman na ng kapatid sa kolehiyo kaya tinitiis na nito kahit mahirap.
Kumagat si Rosie ng hotdog nang tumunog ang kaniyang cellphone. "Hello, 'Nay?" sagot nito.
"Neng, enrollment na ni Robby sa Lunes para sa susunod na semester," bungad ng ina.
Sanay na si Rosie sa tuwing nakatatanggap ng tawag mula sa Nanay. On point ito at ni walang kumusta man lang sa kaniya.
Pinunasan ni Rosie ang labi at tiningnan ang laman bangko. "Magkano ho ba ang tuition niya this sem?" Nasa isandaang libo pa ang savings ni Rosie kahit papaano.
"Kulang kulang kalahating milyon, neng, kasali na ang bagong uniporme pati miscellaneous fee."
Nalunok ni Rosie ang sariling laway sa sinabi ng ina. "500k? W-wait lang, Nay, tama ho ba ang narinig ko?" nauutal nitong tanong.
"Oo neng. Kung puwede rin sanang makuha ng kapatid mo na dollar para hindi na kami mahirapan magpapalit dito," pakiusap pa ng ina.
Lumung-lumo ang dalaga sa narinig ngunit pinili nitong manahimik dahil ayaw niyang makonsensiya ang kapatid sa pagpili ng kursong kinuha.
Gustong iparanas ni Rosie sa kapatid ang kalayaang pumili na hindi nito naranasan no'ng kabataan niya.
"Sige ho, Nay. Gagawan ko ng paraan."
"Salamat neng. 'Wag kang magpapalipas ng gutom diyan. Mag iingat ka palagi. Osiya sige na," paalam ng ina bago mawala sa linya.
Apat na daang libo pa ang kailangan nitong salikupin. Ang malaking problema lang ay kung saan ito kukuha ng ganoon kalaking halaga?
"Magandang umaga, Rosas!" bati ni Frances dito.
Walang enerhiya ang dalaga para tumugon sa kaibigan. Dumukdok na lang ang kaya niya sa mga sandaling 'yon.
"Ano 'to, pasan pasan mo yata ang mundo ngayong araw?" usisa ng kaibigang inilapit pa ang upuan upang tumabi sa kaniya.
Tumingala si Rosie, "sana umulan ng dollar, Fran. O sana nasa loob tayo ng isang nobela tapos anak na lang ako ng bilyonaryo. O kahit makapulot na lang ako ng matambok na wallet sa daan..." kung ano-ano niyang sambit bago dumukdok ulit.
"Ahhh— kailangan mo ng pera, 'no? Para sa kapatid mo na naman?" tanong ni Frances na nang tingalain ni Rosie ay nakaekis na ang braso.
Humugot siya ng malalim na hininga. "Third year college na si Robby. Hindi maaatim ng konsensiya kong matigil siya sa pag aaral ngayon pa na malapit na siya sa finish line."
"Hindi ba kapapadala mo lang no'ng nakaraan?"
"Para sa living expenses naman nila 'yong huli kong pinadala. May 100k ako na naipon pero kulang pa."
"Tinitirhan mo pa ba ang sarili mo, Rosie?" seryosong tono ng kaibigan. "Okay I get it, mabuti kang anak at kapatid at ikaw ang inaasahan ng pamilya. Pero may natitira pa ba para sa iyo? Pambili mo ng bagong damit, ng bagong sapatos, wala?"
Inayos ni Rosie ang sarili dahil nanliit ito sa winika ng kaibigan.
"Malapit ka na magtrenta. Anong plano mo sa buhay, maging sekretarya forever?" patuloy ni Frances. "I am not against your selfishness, Rosas, kaya lang hindi habang buhay malakas ka. Payong kaibigan lang, matuto kang magreklamo paminsan minsan."
BINABASA MO ANG
The Scent of You [Under Revision]
RomansaMatinik hindi lang sa babae kungdi pati sa kama ang boss ni Rosie na si Echarri. Hindi mabilang sa daliri ang nadala na nito sa cloud 9. Siya man ay nagnanais mapansin ng kaniyang boss ngunit pagiging sekretarya lang ang papel nito sa buhay ni Echar...