First date or not?

138 13 3
                                    

ALAM ni Thirdy na naka-dalawang tasa siya ng kape kaninang umaga. Pero iniisip niya na true love ang nararamdaman niya at hindi sa nagpa-palpitate lang siya. Malapit na kasi siya sa boarding house ni Shasha.

Itinigil niya ang motorsiklo sa harap ng isang sari-sari store. Sa gilid niyon ay isang malaking bahay na may hagdan sa gilid papunta sa maraming silid sa itaas. Sa harap ng bahay ay nakita niyang nakaparada ang kotse ni Shasha.

Tinanggal niya ang suot na helmet at pinagmasdan ang sarili sa side mirror ng motorsiklo. Agoy! Pinagpapawisan siya.

Umayos ka, Almanzor. Date ang pupuntahan mo, hindi giyera, sa isip niya.

Pero mas kalmado pa yata siya kapag sa giyera ang punta niya.

Huminga siya nang malalim at pilit na kinalma ang sarili. Inayos niya rin ang kulay puti na T-shirt na suot, pinagpag ang pantalon at tiningnan niya ang kanyang sapatos para lang kabahan ulit. Ayos naman yata ang porma niya. Parang guwapo naman.

Dahil palagi siyang nakasuot ng camouflage uniform ng marines, hindi na siya komportable magsuot ng mga pang-civilian na damit.

May tatlong pintuan sa ibaba na bahagi ng bahay at alam niyang isa sa mga iyon ay ukupado ni Shasha. Sinabi nito iyon sa kanya sa chat, pati ang address ng boarding house nito.

Pakiramdam nga niya challenge iyon ni Shasha sa kanya na kapag nahanap na niya ito ay saka lang may date na magaganap. It was a piece of cake. Parang mapping lang na walang gubat at mga ahas.

Gusto niya ring hulaan kung saan banda ang silid ni Shasha. In-asses niya ang buong lugar.

May malawak na balkonahe sa labas ng mga silid. Sa dulo niyon ay may counter na nahati sa lutuan at sink. May mataas din na steel matting na nagsilbing bakod at may nakahilera na mga cactus sa gilid. Pero bago pa niya mahulaan ang silid ni Shasha, bumukas na ang pinto sa pinakadulo. Niluwa noon si Shasha. Nakabihis na ito ng itim na blouse at pantalon.

“Third!” tawag nito sa kanya. Nagmamadali nitong binuksan ang gate.

Nang magkaharap na sila ay napansin niyang parang balisa ito. Naku naman! Huwag nitong sabihin na walang date na magaganap?

“What happened?” tanong niya rito.

Umayos si Shasha at tumikhim muna bago magsalita. “Ano kasi…” Tumingin ito sa kanya at napangiwi ito.

“Ano nga?”

“Ganito kasi ‘yon. May friend ako na ikakasal bukas.”

“And?”

“And invited ako pero nakalimutan ko lang naman ang tungkol doon,” Shasha sounded guilty. “Wala pa akong regalo sa kanya.”

Tumango-tango siya. “Ano'ng problema doon?”

“Malaki,” tugon ni Shasha. “Pumasok ka muna.” May mesa at upuan sa balkonahe at naupo sila doon.

“Kilala mo ba si Kyleigh Flores?” tanong ni Shasha sa kanya. “Sikat siya na reporter sa Manila. Pero taga-Cebu din siya.”

Umiling si Thirdy. Malay niya doon. Wala nga siyang masyadong kilalang artista. Minsan kapag nakakita sila ng mga tropa niya ng artista ay nagpapapicture siya kahit hindi niya alam kung sino iyon.

“Kababayan natin hindi mo kilala?” parang dismayadong tanong ni Shasha.

“Ano'ng magagawa ko eh, hindi ko nga kilala. Siya ba ang ikakasal?” tanong niya.

“Mismo,” sagot ni Shasha.

Napangiti siya. “Eh, ikaw kailan mo gustong magpakasal?”

Natahimik si Shasha pero pinandilatan siya nito. “Next question.”

HEELS AND BULLETSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon