Kabanata 05: Kainis naman.

25 8 0
                                    

Content Warning: The following chapter contains potentially upsetting themes and contents, that may not be suitable for all audiences. Reader discretion is advised.

Reminder: This story is comprised of obscure and uncommonly used words, phrases or languages. Readers may need to refer to the translation provided in the comments.

Lamina

Nakarating na sa kanluran ang araw bagaman nakapapaso pa rin ang init. Basang-basa na nga ang likod niya sa pawis. Matigas at nananakit na rin ang mga paa ni Lamina. Ang masama pa ay 'di pa rin sila makahanap ng landas.

Hindi sana siya maghihirap ng ganito kung hindi dahil sa lalakeng 'yon. Ewan niya nga kung bakit naisip pa niyang tulungan ito. Isang kabaliwan talaga 'tong pinasok niya. Sino ba kasing hangal ang maniniwala sa taong minsan na siyang sinamantala? Kung 'di lang talaga siya nangangailangan at kung may iba lang siyang pagpipilian ay hindi niya nanaising humantong sa ganito. Napabuntonghininga na lang si Lamina. Sadyang huli na kasi upang magdalawang-isip pa siya.

Malayo na ang nilakad nila gayunman malayo pa rin ang kanilang lalakarin. Malamang na abutin pa ng ilang araw ang paglakbay, hanggang sa lungsod. Nawa ay mapagtiyagaan pa niya ang ugali nito nang gano'n katagal.

Kailangan pa nilang lumakad gayunman 'di na niya magawa nang maayos. Hindi pa siya nakakakain ng tama buhat pa kaninang umaga. Kaya kumakalam na ngayon ang kaniyang sikmura. Nag-iinit na nga ang mukha niya sa kahihiyan.

Napalingon si Lamina at nahanap si Mauntag sa likod niya. Malayo ang tingin nito datapwat kamot ang maduming pisngi. Hindi niya alam kung wala talaga itong narinig o nagpapanggap lang; bagamat 'di naman ito umimik. Bago pa ito humarap ay umiwas na siya ng tingin. Hindi pa rin siya mapalagay sa taong iyon ngunit ano pa ba ang magagawa niya.

Mabigat na ang hininga niya. Nahigit pa sa sumapit na masamang hangin. Maagap namang natakpan ni Lamina ang ilong niya at bibig.

“Napakabaho naman,” hinaing din ni Mauntag.

Binilisan na lamang nila ang paglalakad. Sa kabila nito, halos mahilo pa rin si Lamina, sa sangsang na maihahalintulad sa patay na daga. Bigla namang kumaripas si Mauntag, papalapit sa waring nakatiwangwang na bagay. May kung ano pa yatang balak ang damuho. Naabutan niya ito na pinagmamasdan ang bagay na dumagdag pa sa marami nang kulubot ng mukha niya. Nasagot din no'n ang mga tanong nila. Bagamat hindi lang pala maliit na daga ang nakahandusay sa lupa, bagkus ay kambing.

Tila nabali ang leeg nito na masagwa ang kiling. Nasaid na rin ang dugo nitong nag-iwan na lang ng pulang bahid sa lupa. Nagsisimula na ngang mabulok ang nangingitim nitong laman, sa nabiyak na dibdib. Samantalang, nagkakagulo ang kumpol ng mga langaw na nagliliparan sa lantad na kalamnan ng kambing. Karaniwan lang ang gano'ng mga tagpo, lalo na sa mga lugar, tulad ng gubat. Nakapagtataka lang dahil nawawala ang laman-loob ng hayop.

Napailing si Mauntag. “Kawawa naman.”

Siya naman ay dali-dali nang naglakad palayo. Sino bang baliw ang balak pang magtagal doon?
Saka siya nakarinig ng mabibilis na hakbang sa likod niya.

“Ano sa tingin mo ang nangyari sa kambing?”

“Hindi ko alam,” agad niyang sagot.

Hindi niya na 'yon kailangang malaman. Wala rin siyang pakialam. Huwag lang silang matulad sa sinapit nito.

Paubos na ang liwanag kayat naisip niyang humimpil na. Sumang-ayon naman si Mauntag, wala rin itong magagawa. May napansin siya roong dalawang maninipis na puno, singlaki lang ng kaniyang bisig, na mga nasa anim na talampakan ang pagitan. Tamang-tama lang upang makagawa siya ng payak na silungan. Dahil siya ang may dalang patalim ay siya na ang nagkusang humanap ng mga kahoy na gagamitin nila, si Mauntag naman ang bahala sa mga baging at mga sanga.

Sa Pagitan ng DilimWhere stories live. Discover now