Content Warning: The following chapter contains potentially sensitive materials, including but not limited to [sexual assault, violence and language]. Reader discretion is advised.
Reminder: This story is comprised of obscure and uncommonly used words, phrases or languages. Readers may need to refer to the translation provided in the comments.
Lamina
Hindi nga nagkamali si Lamina. Nakaririnig na nga siya ng mga kaluskos. Tamang-tama naman nang may mapansin siyang kahoy sa lupa. Agad niya itong dinampot at naghintay. Hindi naman nagtagal nang magkatotoo na nga ang ikinabahala niya.
Mabilis ang mga pangyayari. Ngunit sa hindi niya inaasahan ay nilagpasan lang ng kung sino ang pinagtataguan niya, bago huminto sa malapit. Hindi tulad niya ay wala palang kamuwang-muwang ang damuho.
Walang-alinlangang sumugod si Lamina at inundayan ng hampas ang taong nakatalikod. Dahilan upang mapadaing at mapadapa ito sa madahong lupa. Tatamaan pa sana ang hangal kung hindi niya nakilala.
“Ikaw!” singhal ni Lamina. “Ba't mo ako sinusundan?”
Hindi pa sumagot ang lalake na inuna munang bumangon. Kumunot na lang ang ilong niya at umimpit din ang mga labi, napakakupad kaya nitong gumalaw.
“Dalian mo, sinasayang mo lang ang panahon ko.”
Kaagad na ngang tumayo ang binata. “Pa-Paumanhin… nais ko lang sanang humingi ng tawad, sa-sa naging asal ko kanina.”
Napairap na lang si Lamina. Itinuloy na lang pala sana niya ang paghampas. Papaano'y wala namang mahalagang sasabihin ang hibang. Sinusubok lang nito ang pagtitimpi na mayro'n siya. Lumakad na lang si Lamina nang makaalis na.
“Sandali lang,” tawag pa rin nito.
Hindi siya huminto, bagkus binilisan pa ang lakad. Gayundin, ang mahina ang ulo na wala yatang balak na tumigil sa pagsigaw. Naiinis na nga si Lamina.
Hinarap na lang niya ang lalake.
“Hindi ka talaga titigil?”
“Pa-Paumanhin,” sambit nito habang kamot ang pisngi.
Napabitaw na lang hininga si Lamina, “huwag mo na ulit akong susundan,” atas niya at tumalikod.
“Ngunit-”
Pagdaka niyang hinarap ang binata nang nakaturo na ang daliri niya sa mukha nito. “Subukan mo lang!”
Tinitigan pa niya ang buhong nang mariin sa nanlalaki nitong mga mata upang ipaalam na hindi siya nagbibiro. Saka siya nagmadaling umalis.
Kumukulo talaga ang dugo ni Lamina sa lalakeng iyon. Papaano'y wala na itong ibang ginawa, kundi dulutan siya ng sama ng loob. Hindi nga alam ni Lamina kung anong pumasok sa ulo niya upang tulungan pa ang siraulo. Kung pinabayaan na lang niya ito; disin sana'y hindi na sumakit ang kaniyang ulo.
Madaragdagan pa pala ang mga iisipin ni Lamina. Bunsod ng mga hakbang na nanggagaling sa likod niya. May dadaig pa ba sa kapal ng mukha ng isang 'yon?
“Hindi ka talaga marunong umunawa?”
Bagamat, iba ang mukhang nakita ni Lamina, sa paglingon niya. Higit na may gulang ang lalake na kaniyang kaharap. Malaki ang katawan at makapal ang buhok sa mukha. Hindi rin nagawang itago ng suot nitong kamisa ang nakausli at bilugan nitong tiyan. Maayos pa rin naman ang gayak nito, kahit may kalumaan na ang suot.
“Nag-iisa yata ang dalaga?”
Nakahinga siya nang maluwag. Higit kasing matino ang taong iyon kaysa sa sapul na gumagambala sa kaniya.
Bigla namang naagaw ang tuon niya ng mga kaluskos. Mabilis na bumaling ang mga mata ni Lamina at napadpad sa daan. Naroon ang isa pang lalake na hindi naman nalalayo sa kaniya ang gulang. Nakabihis din ito ng payak at may dala-dalang gulok at kaluban sa baywang. Napansin din ni Lamina na may kalakihan ang ilong nito.
YOU ARE READING
Sa Pagitan ng Dilim
Fantasy- This is a fantasy action story in an old setting. - It is written in Tagalog - Dual Pov - Third Limited Isang nakahihindik na lihim ang hindi sinasadyang matutuklasan ni Mauntag. Dahilan upang tuluyan nang gumulo ang dati'y tahimik niyang buhay, s...