Kabanata 06: Kailangan ba talaga nating gawin 'to?

43 7 2
                                    

Mauntag

Nahinto na sila, sa bukana pa lang. Mangyari'y pawang dilim lang ang nakikita niya sa loob. Mukhang hindi magiging madali ang balak nilang gawin.

"Pa'no na 'yan?"

"Bigyan mo 'ko ng ilang sandali," tugon naman ni Lamina na ibinaba ang kabalyas na suot.

Hindi niya batid ang balak nito gayunman wala namang ibang nagawa---kundi maghintay. Mabilis namang kumilos si Lamina at pumulot ng tuyong sanga sa lupa. Kumuha din ito ng kamisa, mula sa kabalyas nito. Pumunit ng manipis at mahaba sa saplot na pinambalot, sa dulo ng kahoy na waring tali. Sunod itong dumukot sa ulapot, na nasa baywang nito at naglabas ng itim na bato at ng kung anong maliit na sisidlan. May laman 'yong malinaw na tubig na maingat nitong ibinuhos, sa dulo ng sanga.

Nang matapos ay naglabas din ng patalim si Lamina na ipinukpok nito sa itim na bato. Nagbunga ang ginawa nito ng maliliit na tilamsik na nagkandahulog sa kahoy. Ito ang paulit-ulit na ginawa ni Lamina hanggang sa umusok din ang sanga. Saka nito hinipan kaya unti-unti ring kumapal ang usok at magliyab.

Kumunot na lang ang noo ni Mauntag. Siya kasi ang pinaghawak ni Lamina sa tanglaw. Maraming dahilan upang 'di nila ituloy ang balak nito. Mahirap kaya ang nais nitong mangyari. Kung bakit ba kasi, ayaw nitong makinig sa kaniya?

"Ano pa bang hinihintay mo?" Nakatitig na pala sa kaniya si Lamina.

"Kailangan ba talaga nating gawin 'to?"

"Dali na!" udyok nito, sa halip na magpaliwanag.

May nais pa sana siyang sabihin subalit hindi na yata makapaghihintay si Lamina. Salubong na nga ang kilay nito at nakakuyok naman ang mga labi. Hindi niya talaga naiibigan ang balak nito. Datapwat 'di rin naman ito tatanggap ng hindi. Magkagayon, papatunayan na lang ni Mauntag na tama ang kaniyang kutob. Tinapat na niya ang hawak na tanglaw na siyang tumulak sa dilim, papasok sa malalim na lagusan at naglantad sa magkabilang talakop na lupa. Saka inihakbang ni Mauntag ang mga paa niya sa loob.

Agad siyang sinalubong ng maginaw na simoy ng hangin. Nagsitayuan na nga ang mga balahibo niya sa katawan. Hindi na rin maganda ang pakiramdam niya. Bagamat kailangan niya pa ring tumuloy, kanina pa kasi sinusumpong si Lamina.

Matarik at makitid ang madilim na daan. Halos mauntog na nga sila sa kaitaasan at maipit naman sa mga talakop. Nagkalat din ang malalaki at matutulis na tipak ng puting bato na mistulang pinipigilan silang pumasok.

Bakit ba niya ginagawa ang bagay na ito? Maaari naman kasing kausapin na lamang ang mga taong 'yon. Napakamot na lang si Mauntag sa ulo.

Hindi sila nag-iisa roon. Kasama nila ang sari-saring mga kulisap sa paligid. Naglipana sa hangin ang lumilipad habang nagkalat naman sa daan at sa mga talakop ang gumagapang. Nawa ay 'di siya makagat ng kung ano.

Pinili nila ang kanilang mga hakbang nang dahan-dahan. Papaano'y maraming sulok pa rin ang hindi naaabot ng tanglaw nilang hindi mapakali. Isang maling hakbang lang ay tiyak na kapahamakan ang aabutin nila. Sa dami ba naman ng matitigas na batong babagsakan nila. Higit na matigas lang ang ulo ni Lamina.

Kakaiba talaga ang ginaw sa lugar na 'yon. Nakakikilabot din ang dilim. Tila may mali rin sa lugar na hindi niya maipaliwanag.

"Naaamoy mo ba 'yon?" saad na lang bigla ni Lamina.

Dahilan upang makaramdam siya ng pamamanhid sa kaniyang gulugod. Balak niya sanang ilihim na lang ang masama niyang pakiramdam. Datapwat kailangan nitong malaman.

"Pa-Paumanhin, humilab kasi ang tiyan ko."

Napatakip na lang sa ilong ang dalaga na dikit na ang mga kilay at malaki ang mga mata. "Hindi ka ba naturuan ng tamang asal?"

Sa Pagitan ng DilimWhere stories live. Discover now