Content Warning: The following chapter contains potentially upsetting themes and materials, that may not be suitable for all audiences. Reader discretion is advised.
Reminder: This story is comprised of obscure and uncommonly used words, phrases or languages. Readers may need to refer to the translation provided in the comments.
Mauntag
Kanina pa siya tumatakbo. Mukhang wala kasing balak ang mga tulisan na hayaan na lang siyang makatakas. Mabagal at hingkod ang kaniyang mga hakbang. Naninigas at mabigat na kasi ang mga binti niya. Napahawak na lang sa isang puno si Mauntag; malalim ang hingal. Hindi na talaga niya kaya. Nanlilimahid na nga siya sa pawis. Ngayon pa lang siya tumakbo nang gano'n.
Habol pa rin ni Mauntag ang hininga niya nang mabulabog ng mga kaluskos. Hindi na yata matatapos ang masama niyang kapalaran. Nangyari na ang pinangangambahan niya. Nakaririnig na nga siya ng mga yabag ng paa. Kumakabog na rin ang dibdib niya sa kaba. Samantalang, mistulang papalapit na ang mga ingay.
Huli na kung tatakas pa siya at hindi na rin niya magawa, dala ng labis na pagod. Nagtago na lang si Mauntag, sa likod ng isang puno at naghintay---na isa palang parusa. Hindi na nga siya makahinga, sa sikip ng dibdib niya. Nanunudyo pa ang sandali na ubod ng bagal. Hinanda na lang ni Mauntag ang sarili niya sa pinakamasama bagamat hindi sa sumunod na nangyari. Narinig niya nang sandaling mag-usap ang mga lalake at magpasiyang bumalik. Ilang sandali pa at muli ngang tumahimik ang paligid.
Mahinay na lumabas si Mauntag nang makakuha ng lakas at tapang. Masinsin at paulit-ulit din siyang naglibot ng mga tingin hanggang sa mapatunayang, wala na nga ang mga tulisan. Naalis na ang anaki'y bara sa lalamunan niya. Nakahinga na rin siya nang maluwag at naingiti ang mga labi---kahit na pansamantala.
Agad din niyang napagtanto na hindi pa pala tapos ang mga suliranin niya; bagkus ay nagsisimula pa lang. Mga punong magkakatulad pa rin kasi ang tangi niyang nakikita. Hindi rin alam ni Mauntag kung saan na siya nakarating at kung saan na ba siya tutungo. Nabigo nga ang mga masasamang-loob na huliin siya subalit lubhang mapanganib pa rin sa lugar na 'yon. Hindi niya nais na magtagal pa ro'n kayat siya'y kumilos na.
Mahaba na ang nalakad niya ngunit hindi man lang nababawasan ang matataas na puno. Mistula lang siyang nagpaikot-ikot. Nahihilo na nga si Mauntag. Tila mga bingi lang din ang nakaririnig sa mga sigaw niya. Gayunpaman, nagpatuloy pa rin siya sa paglalakad. Wala rin naman siyang ibang pagpipilian.
Saglit lang na lumipad ang isip niya datapwat agaran niyang pinagsisihan. Huli na nang mamalayan ni Mauntag ang kung anong matigas na tinamaan ng kaniyang paa. Bigla na lang siyang lumutang sa hangin at nahulog sa kumalabog na lupa. Mistula siyang bumangga, sa talakop na gawa sa bato. Labis na nga ang pananakit ng kalamnan niya at kasu-kasuan. Sandali rin siyang 'di nakagalaw sa bigat ng kaniyang katawan. Malapit na ngang maiyak si Mauntag, hindi lang sa kirot, pati na rin sa kasawian at kahangalan niya.
"Nakakainis naman."
Mayro'n pala siyang natapakang bato na nakakalat sa daan. Mabuti't hindi siya napano. Kaagad ding nakatayo si Mauntag at pinagpag ang suot na kamisa at salawal, maging ang mga bisig niya at binti. Mukhang maiiyak na talaga siya. Bukod kasi sa mga natamong galos ay maraming mga kahoy pa rin ang nakikita niya. Napabuntonghininga na lang si Mauntag. Malayo na ang narating niya datapwat waring malayo pa rin ang kaligtasan.
Tila may mga baluyot na siyang pasan, sa bigat ng mga balikat niya. Suko na nga si Mauntag at humilata na sa maninipis na damo. Masakit lang sa likod at makati pa sa balat bagaman huli na ang mga 'yon, sa dami ng mga iniisip niya. 'Di niya alam kung ano na ang gagawin niya. Hindi niya rin alam kung pa'no siya makaaalis. Nagpikit na nga lang ng mga mata si Mauntag; paano'y namimintig na rin ang ulo niya.
YOU ARE READING
Sa Pagitan ng Dilim
Fantasy- This is a fantasy action story in an old setting. - It is written in Tagalog - Dual Pov - Third Limited Isang nakahihindik na lihim ang hindi sinasadyang matutuklasan ni Mauntag. Dahilan upang tuluyan nang gumulo ang dati'y tahimik niyang buhay, s...