Content Warning: The following chapter contains potentially sensitive materials, including but not limited to [assault, violence and language]. Reader discretion is advised.
Reminder: This story is comprised of obscure and uncommonly used words, phrases or languages. Readers may need to refer to the translation provided in the comments.
[Mauntag]
Napansin niya na may nakatayo, sa kahabaan ng tahimik at mapunong daan. Nag-iisa lang ang taong 'yon. Nagwawagayway pa nga ng mga kamay upang makuha ang kaniyang pansin. Mukhang kailangan yata nito ng tulong.
Nasa pinakadulo nang langit ang araw. Pauwi na nga ang mga ibon sa himpapawid. Maginaw na rin ang simoy ng hangin. Ang kanina ngang luntiang mga puno at halaman ay unti-unti nang nagiging itim. Mapanganib na sa lugar na 'yon.
Kaya hindi na nagdalawang-isip si Mauntag at hinila ang lubid ng sinasakyang kabayo na agad namang tumigil. Pagbaba niya ay nakita niya na itong papalapit. May kanipisan ang katawan ng taong 'yon at halos makuba ang likod. Ang maikli naman nitong buhok ay tulad sa abo ang kulay. Makikita rin na ang mukha nito ay may mga gatla at kulubot. Isa palang matanda.
Napukaw rin si Mauntag sa suot nitong damit, na bukod sa madungis ay marami pang butas. Paika-ika rin ang lakad ng matanda; dala ang isang bungkos ng panggatong. Hindi niya maiwasang mahabag 'pagkat subsob pa rin ito sa pagkayod, kahit pa ba may gulang na.
Dali-dali na niya itong nilapitan. "Kailangan po ninyo ng tulong, amang?" bati ni Mauntag.
"Eh kung maaari sana," namamaos at natatawang tugon ng amba.
"Bakit po hindi?" mabilis niyang tugon. "Ano po ba ang inyong suliranin?"
"Eh, naiwan kasi sa gubat, ang lukbot ko. Hindi ko naman makita ang daan kaya 'di ko na makuha," paliwanag nito habang kamot ang ulo.
Na nagpaigtad sa kaniya dahil apat lang ang nakita niyang daliri nito sa kamay. Mabuti na lang at sa malayo ito nakatingin.
"Ako na po ang bahala."
Napalingon ang matandang mistulang nanalo sa sugal. Halos umabot na nga ang mga labi nito, sa magkabilang tainga. Nalantad din ang iilan na lang nitong dilaw na ngipin. "Naku, maraming salamat."
Napangiti na rin si Mauntag. "Sa'n po ba ninyo naiwan?"
Ngunit agad ding naalis nang tumuro ang matanda, sa dakong patungo sa matataas na mga punong-kahoy at halaman. "Doon sa malaking puno." Ngayon pa lang napagtanto ni Mauntag ang napasok niya.
Talagang hindi 'yon magiging madali. Napakamot na nga lang sa ulo, si Mauntag. Sa kabila nito ay nakapagbigay na siya ng salita. Hindi niya na rin masisikmurang tumalikod, lalo pa nang makita ang lubos na tuwa sa mukha ng matanda.
"Ipagpaumanhin mo anak," mahina nitong sambit. Napansin nito marahil ang pagdadalawang-isip niya.
"Ayos lang po," sagot niya nang makagaan sa loob nito.
Nanunuot na sa balat ang ginaw. Hawak na nga ng amba ang mga braso nito. Magkagayon, kinalas pa rin ni Mauntag ang tali ng suot na balabal na ipinambalot niya, sa matanda na nanlaki ang mga mata.
"Hintayin ninyo na lang po ako rito."
Tila may sasabihin pa ang amba bagamat hindi na niya nahintay. Nagmamadaling kinuha ni Mauntag ang kabalyas niya sa kabayo at kumilos.
Bumungad sa kaniya ang samot-samot na mga halaman at puno. Kahit saan nga mapadpad ang mga mata niya ay panay dahon ang makikita. Kamot na ulit ni Mauntag ang ulo niya. Hindi kasi siya nag-iisip at palaging nagpapadalos-dalos. Huwag naman sana siyang mapano. Huminga pa nang malalim si Mauntag, bago muling isinubo ang kaniyang sarili.
YOU ARE READING
Sa Pagitan ng Dilim
Fantezie- This is a fantasy action story in an old setting. - It is written in Tagalog - Dual Pov - Third Limited Isang nakahihindik na lihim ang hindi sinasadyang matutuklasan ni Mauntag. Dahilan upang tuluyan nang gumulo ang dati'y tahimik niyang buhay, s...