Mauntag
Nanlambot at halos bumaluktot na ang mga binti niya sa takot. Hindi na nga siya makapaglakad nang maayos. Mabuti na lang at nagawa pa niyang makarating sa lagusan, bagaman nakahawak na sa mga talakop (pader) at habol ang hininga.
Agad siyang sinalubong doon ng tanong. “Ayos ka lang?”
Umakyat ang tingin niya at namasdan si Lamina, hawak ang tanglaw. Hindi lang niya mawari kung nayayamot o nag-aalala ba ang tuwid nitong mukha at nakababang labi. Taas at baba lang ng ulo ang naisagot niya.
Tila hindi naman ito nahikayat na may sunod pang nabanggit. “Namumutla ka.”
“Kailangan na nating umalis.” Iyon na lang ang sinabi niya.
Tumango naman si Lamina. Mapalad sila at muli nitong napailaw ang kahoy, hindi niya maisip kung pa'no sila makaaalis do'n kung hindi. Malalaki at mabibilis silang humakbang. Lingid lamang sa isip niya at pati na rin marahil kay Lamina kung saan patungo ang daang 'yon. Nawa ay sa kaligtasan at malayo sa mga masasamang-loob. Kailangan din nilang maka-alis doon sa lalong madaling panahon. Na madaling sabihin, bigla na lang kasing ihinarang ni Lamina ang kaliwa nitong bisig sa harapan niya.
Kaagad siyang napatigil. Habang tumalungko at humilig naman sa malalim na bahagi ng talakop si Lamina. Gano'n din ang ginawa niya. Madali namang nabatid ni Mauntag ang sanhi---mga yabag ng paa. Kung hindi pa sapat ang mga tunog na 'yon upang dulutan siya ng pangamba ay naroon din ang mga mahihinang tinig na wari bang nag-uusap. Nakatingin na nga si Lamina sa kaniya, na nasa labi ang daliri upang patahimikin siya.
Pigil-hininga silang naghintay. Paano'y lumalakas na ang mga ingay. Nanunuyo na nga ang lalamunan ni Mauntag, salungat sa namamawis niyang mukha. Ang bilis na rin ng kabog ng dibdib niya. Hindi niya sila nakikita ngunit naririnig niya naman nang mabuti ang mga hakbang. Tatakasan na yata siya ng ulirat kundi pa unti-unting humina ang mga tunog. Hanggang sa tumahimik din ang lugar. Saka pa lang siya nakahinga.
Saglit lang na sumulyap sa daan si Lamina at agad nang kumilos. Hindi pa nga siya nakababawi ng hininga. Wala namang ibang magagawa si Mauntag kundi ang sumunod. Nagpalinga-linga muna ito, sa kaliwa at kanan, bago tuluyang humakbang papasok. Dali-dali siyang sumunod at natunghayan ang panibago na namang daan. Muli silang naipit sa gitna ng magkabilang landas at ng malalaking talakop.
Hindi niya alam kung sa'n nagdaan ang mga taong 'yon. 'Wag lang sana sa mapipili nilang daan.
“Dito tayo,” hayag ni Lamina habang turo ang sa kaliwa.
“Nakatitiyak ka ba?”Nang 'di tumitingin ay iniling lang ni Lamina ang mukha nito. “Kutob ko lang.”
Mistula siyang nakalulon ng tinik sa narinig niya. Huwag naman sanang maulit na manganib ulit ang buhay nila.
“Wala bang ibang paraan," usisa niya nang kamot ang ulo.
Napabuntonghininga muna si Lamina, bago nagsabing. “Mayro'n naman.”
Nabuhayan siya ng loob.
“Maaari ka namang dumaan sa kabila," dagdag ni Lamina saka naglakad patungo sa napili nitong daan.
Panandalian lang pala. Naihilamos na lang ni Mauntag ang kamay niya sa mukha. Mahirap na nga ang lagay nila datapwat higit pang mahirap si Lamina. Napakasungit talaga ng babaeng 'yon, akala mo naman kung sino. Hindi naman kagandahan. Kung 'di niya lang talaga kailangan ng tulong nito ay hindi na niya nanaising makipagkasundo.
Magkagayon ay sinunod niya pa rin ang sinabi nito. Sa pagitan kasi nila ay higit na may alam ito sa gano'ng mga bagay. Hindi niya na rin maaatim na mapag-isa, gawa ng kaniyang nasaksihan. Dagdag mo pang si Lamina rin ang may hawak sa tanglaw.
YOU ARE READING
Sa Pagitan ng Dilim
Fantasy- This is a fantasy action story in an old setting. - It is written in Tagalog - Dual Pov - Third Limited Isang nakahihindik na lihim ang hindi sinasadyang matutuklasan ni Mauntag. Dahilan upang tuluyan nang gumulo ang dati'y tahimik niyang buhay, s...