Kabanata 08: Ligtas na ba tayo rito?

26 3 0
                                    

Mauntag

Bakit ba nangyayari ang lahat ng ito sa kaniya? Ilang ulit na ngang nanganib ang buhay niya nitong mga nagdaang araw at tiyak na mauulit pa. Mukhang hindi na yata matatapos ang mga suliranin ni Mauntag.

Nagmamadali na sila kayat 'di niya inasahan ang biglang paghinto at pagharap sa kaniya, ni Lamina.

"Makinig ka, Mauntag" hayag nito. "May sasabihin ako."

Hindi niya naibigan ang paraan ng pananalita nito. Mukhang sinusumpong na naman ang babaeng iyon. Iyon na ang pinakahuling bagay na nanaisin niya sa mga sandaling 'yon.

"Alam mo namang hindi naging madali ang mga pinagdaanan natin, hindi ba?"

Tumango lang si Mauntag. Mukhang tama nga siya. Mapapansin na nga ang pagkayamot, sa tinig nito. Ang masama pa ay hindi niya alam kung bakit, wala naman siyang ginagawa. Saka pa lang naisip ni Mauntag ang pagtatalo nila. Maaari na pala siyang pagsabihan ni Lamina yamang mayro'n na itong pagkakataon. Nararapat lang 'yon sa kaniya at tanggap rin ni Mauntag na may nagawa nga siyang kamalian---na halos pagbayaran nila ng kanilang mga buhay. Gayunpaman, umasa siya na hindi na sana nito maalala.

"Maraming nangyari at maraming bagay rin ang 'di ko inasahan nang tanggapin ko ang alok mo," saad nito.

"Kaya nais ko sanang balikan ang mga napagkasunduan natin."

Nakahinga siya nang bahagya. Mukhang ligtas pa siya sa panunumbat nito. "Ano bang ibig mong pag-usapan?

"Nais kong humingi ng dagdag na kabayaran. Nakita mo naman na halos ikapahamak na natin ang mga nangyari. Sa tingin ko ay makaturungan na higitan mo ang makukuha ko, kapalit ng pagliligtas ko sa buhay mo."

Saglit siyang napaisip. May katotohanan nga sa mga winika ni Lamina at may karapatan din siyang gawin 'yon. Hindi lang alam ni Mauntag kung sa'n niya kukunin ang dagdag na halagang hinihingi nito.

"Sa-Sang-ayon ako... ngunit kaunti lang," mahina niyang tugon.

Matuwid pa rin ang mga labi ni Lamina datapwat hindi naman ito nagpahayag ng pagtutol. "Tiyakin mo lang talaga na tutupad ka sa mga pinag-usapan natin. 'Pag hindi," paalala nito na may kasamang pagbabanta."

"Na-Nangangako ako," saad niya nang nakataas ang kanang kamay.

Tinitigan pa siya ni Lamina nang madiin sa mata, bago napabuntong-hininga. "May isa pa pala akong hihilingin?"

"Ano 'yon?"

"Simula ngayon ay sa 'kin na manggaling ang pasiya sa kung anong dapat at 'di natin dapat na gawin at inaasahan kong tatalima ka, sa kahit anong sabihin ko. Hindi ko nanaisin pang mapahamak nang dahil sa kapusukan mo."

"Aba'y hindi na yata tama niyan."

"Kung gayon ay humanap ka na lang ng ibang makatutulong sa 'yo," agad nitong tugon. Tinalikuran na rin siya ni Lamina at naglakad nang matulin.

Maling-mali ang ginawa niya. Hindi niya rin alam kung bakit ba niya ginawa iyon? Kumaripas na nga si Mauntag upang habulin ito.

"Sandali lang Lamina, hindi ka naman mabiro," saad niya nang maabutan ito.

Naabutan niya itong kabusangot. "Wala akong panahon, sa mga biro. Alam mo naman ang kalakip na panganib, sa bawat sandali na nasasayang."

Hindi naman lingid kay Mauntag ang bagay na 'yon. "Patawarin mo 'ko, hindi ko naman sinasa-"

"Isang sagot lang ang kailangan ko. Oo o hindi, mamili ka."

Hindi niya talaga naiibigan ang mga hinihingi ni Lamina. Subalit ano pa ba ang magagawa niya? Hindi niya naman alam ang gagawin kung siya lang mag-isa.

Sa Pagitan ng DilimWhere stories live. Discover now