KABANATA 2

677 41 2
                                    

"Ano ba naman 'yang mga kapatid mo. Hindi man lang naalala ang birthday mo! At heto namang Mama at Papa mo, nag-text man lang ba?"

Umiling si Zach; matipid ang ngiting naupo ito sa pinakdulo ng hapag-kainang puno ng mga espesyal na pagkain. "Yaya Mimosa talaga...parang hindi ka na nasanay." Kunwa'y pagbabalewala nito sa kumento ng tagapag-alaga. "Hmmm." Sininghap nito ang usok na nagmumula sa mga pagkain. "Mukhang masasarap 'tong niluto n'yo ah. 'Di n'yo ba ako sasaluhan?" sumulyap ito sa mga nakahilerang kasambahay. "Halina kayo. Kumuha na kayo ng mga plato n'yo. Samahan n'yo 'kong mananghalian."

Nagbulungan ang mga kasambahay. Nag-aalalangan ang mga ito kung susunod ba sila o hindi.

"Sige na..." utos ni Mimosa sa mga kasambahay, "kumuha na kayo ng mga plato. Isali n'yo na ako. Saluhan natin ang batang 'to. Sus!" Muling pagbaling nito kay Zach habang umuupo ito sa kaliwang side nito. "Ibang klase talaga 'yang pamilya n'yo. Naaalala ka lang kapag may iuutos! Nagpapasalamat talaga ako na ikaw lang ang naalagaan ko. Balita ko kasi sa mga dating yaya ng mga kapatid mo, puro maldita raw talaga 'yang mga kapatid mo. Hmp."

Napangiti si Zach. Pilit itinatago ang dinaramdam. "Hindi naman yaya. Ganun lang talaga. Hindi lang talaga namin nakalakihan ang mag-celebrate ng birthday."

Lalong sumimangot si Mimosa, "at sa akin mo pa talaga sinubukang pagtakpan ang mga kapatid mo. At hindi kamo kayo nagse-celebrate ng birthday? Ahh! Kaya pala lahat ng mga kapatid mo, may debut party nung nag-eighteen sila. Tapos no'ng nag-twenty-one ka, ni samalamig at fishballs hindi sila nakapaghanda."

Hindi na nakapagsalita si Zach. Yumuko na lang ito at nagsimula ng kumain habang kanya-kanyang nagsisiupuan ang mga kasambahay—pati na ang mga drivers at mga hardinero sa long table na kinakainan lamang talaga ng kanilang pamilya.

"Senyorito!" Wika ng isa sa mga family drivers. Nakaupo ito sa kabilang dulo ng p'westo ni Zach. "'Wag ka nang malungkot, maganda nga 'yung wala sila rito para magha-happy-happy tayo mamaya. May regalo kami sa 'yo. Pasensya na nga lang sa nakayanan naming pag-ambahagan."

Napangisi si Zach, "ano na naman ba 'yan, Willy? Baka kalokohan na naman 'yang inihanda n'yo ha. Ayoko nang ma-trouble kay Mama."

"Hoy Willy," pagsingit ni Mimosa, "kung maglalasing lang kayo at magpapapasok na naman kayo rito ng mga agogo dancer, kalimutan mo na, ha?! Tatlong taon ka pa lang dito, tatlong taon ka na ring namumuro, ha! Kung ano-anong itinuturo mo rito sa alaga ko. Hindi ko 'to pinalaking matino para lang maging kagaya mo!"

Nagtawanan ang ibang mga tauhan. Napakamot naman si Willy sa ulo. "Ate Mimosa naman, kahit kailan, napaka-killjoy mo. 'Wag kang mag-alala. Wala nang ganun. Clean fun tayo ngayong taon para kasali rin kayong mga babae."

"Oh eh ano ba 'yang pinaghandaan n'yo?" tanong ni Mimosa kay Willy, "at kung kasali nga kaming mga babae eh bakit parang hindi man yata kami naabisuhan?"

"Oy, ate Mimosa," sagot ni Willy, "alam nila 'no..." itinuro nito ang mga babaeng kasambahay, "ikaw lang ang hindi kasi..."

"Kasi ano?" nakaangil si Mimosa.

"Masyado ka kasing busy sa kape-peysbuk at pakikipag-chat sa nobyo mong arabo. Ayaw lang naming makaabala sa lablayp mo. Mahirap na. Kapag hindi ka nakahabol sa huling biyahe. Baka habambuhay ka na ring magsusungit."

Naghalakhakan ang mga kasambahay. Napapatawa naman si Zach; napapailing din ito kay Willy.

"Hoy Wilfredo, wala kang paki sa 'kin, ok?" padabog na ginamit ni Mimosa ang mga hawak na kubyertos. "Ano ba talaga 'yang pinlano n'yo para rito sa alaga ko?"

"Simple lang at wholesome." Nakabungisngis nitong sagot.

"Eh ano nga?!"

"Magka-camping tayo r'yan sa likod-bahay."

Muling nagusamot ang mukha ni Mimosa "Camping?!"

"Oo, camping. Naglagay na nga kami ng tents d'yan sa likod. Meron din kaming nakahandang gulong na susunugin para sa campfire."

"Campfire ba kamo? Hoy Wilfredo, baka hindi mo alam na bawal magsunog sa subdivision na 'to. Mamaya n'yan, sugurin tayo rito ng Homeowner's Association. Napakaseselan pa naman ng mga kapit-bahay natin. At kapag nakaabot 'yun sa mga amo natin, malalagot tayo! At saka, napakalamok d'yan sa likod-bahay 'no, mamaya n'yan ma-dengue pa tayo r'yan sa pinaplano n'yo!"

Biglang nanlumo si Willy, "ganun ba?" muli itong kumamot sa ulo. "Sayang naman. Masaya sana 'yun para kay Senyorito." Tumingin ito kay Zach, "may nakapagsabi kasi sa 'kin na mahilig daw po kayo sa kuwentuhan tungkol sa mga katatakutan. 'Yun sana ang plano namin. Maganda sana kung may campfire."

Nagbulungan ang iba pang mga kasambahay. "Ay sayang 'yung mga hotdogs, marshmallows at barbecue na inihanda natin," "oo nga..."

Inobserbahan muna saglit ni Zach ang pagkadismaya ng mga tauhan, "you know what? Ayokong masayang ang pinaghandaan n'yo para sa 'kin. Ganito na lang. Ano kaya kung sa halip na camping, mag-swimming na lang tayong lahat d'yan sa pool, where we could share the food you prepared and then after that, mag-slumber party na lang tayo sa living room, sa may fireplace. Ano sa tingin n'yo?!"

Tila nabuhayan ng loob si Willy at iba pa, "uy, mukhang mas ok 'yun ah! Magagamit ko na rin ang trunks ko! Finally, mailaladlad ko na rin ang aking sexy beautiful body!" Kumindat ito sa mga dalagang kasambahay, "ano mga babes? Ready na ba kayo sa 'kin?"

Copyright 2018 ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.

Napangiwi si Mimosa kay Willy, "utang na loob Willy. Lubayan mo ang mga babae. Hindi sanay makakita ng siyokoy ang mga 'yan! 'Wag mong takutin!"

Nagtawanan ang lahat. Napatawa rin si Zach.

"Pambihira ka naman ate Mimosa. Hindi naman ikaw ang titingnan nila eh...ako!"

Lalong naghagalpakan ng tawa ang lahat. Napabungisngis na rin si Mimosa, "gago ka talaga Wilfredo. Puro ka kalokohan!"

***

Babalik pa sana si Zach sa opisina matapos ang tanghalian pero hindi na nito ito nagawa. Nawalan ito ng gana at sigla habang pinagmamasdan ang inbox ng personal email n'ya. Kagabi pa n'ya kasi ito binabantayan. Nagbabaka-sakaling may babati man lang sa kanya mula sa kanyang mga kapatid at mga magulang. Binati s'ya ng tiyuhing si Johnny, but that's about it, bagaman halos pumutok naman ang inbox ng corporate email n'ya dahil sa pagbati ng lahat ng kanyang mga empleyado.

'Mabuti pa ang ibang tao...' sa kanyang isipan. Inalog nito ang kanyang ulo sa pagbabaka-sakaling maiwaksi nito ang pagtatampo sa sariling mga kadugo. Batid n'yang hindi na s'ya bata para umiyak at magmaktol, kaya mas minabuti na lang n'yang magkulong sa k'warto, bitbit ang kalahating bote ng brandy. Uminom naman muna ito ng isang lagok—diretso mula sa bote, bago ito humilata sa kama upang makipagtitigan sa kesame.

"Feel better Zach." Bulong nito sa sarili. "Tulad ng dati, lilipas 'din 'to." Bago n'ya ipinikit ang mga mata upang umidlip. Suot pa nito ang kanyang polo at kurbata; pati na rin ang kanyang mga sapatos.

[ITUTULOY]

MHST 2:  TagosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon