KABANATA 6

597 38 2
                                    

Tumikhim si Willy. Mabasag man lang sana raw ang katahimikan sa loob ng sasakyan. Wala na kasing nagsalita pa sa kanila simula ng sumakay silang kasama na si Julia.

"Uhm...s-salamat nga pala't pumayag ka." Pagbasag ni Zach sa kahimikan. Ito pa rin ang nasa front passenger seat. Si Ambo at Mimosa ang nasa gitna, habang si Julia at Charisma naman ang nasa pinakalikod ng mini van.

Hindi nagsalita si Julia. Nakasuot pa rin ito ng sunglasses. Nakatingin sa labas ng sasakyan; at tila walang pakialam sa kanila—o sa mundo. Nagkakatinginan naman silang lahat sa nagiging asal nito.

Kumbinsido na si Zach na hindi na s'ya papansinin ng dalaga nang biglang, "saka ka na lang magpasalamat kapag nakalabas na tayo ro'n nang buhay." Muling nagkakatinginan ang lahat sa tinuran nito.

Nakasimangot na nilingon ito ni Mimosa, "a-ano naman ang ibig mong sabihin?"

Nakangising nagkibit-balikat si Julia. "Bakit? 'Wag n'yong sabihin na wala talaga kayong kaalam-alam na kahit kaunti tungkol sa reputasyon ng lugar na 'yun."

"Sinasabi mo bang mapanganib talaga ang lugar na 'yun?" pagsabat naman ni Ambo. "Kung talagang mapanganib nga, eh bakit sumama ka pa rin?"

"Para magpakamatay." Tatawa-tawang sagot ni Julia.

Copyright 2018 ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.

Umirap si Mimosa. "Susmaryosep, ano ba 'yang pinagsasabi mong bata ka? H'wag ka ngang magbiro ng ganyan. Kita mo nang ninenerbyos na kaming lahat dito eh."

Huminto sa pagtawa si Julia, "bakit, sino bang may sabi na nagbibiro ako?"

"Eh sabi mo magpapakamatay ka kaya ka sumama." Pabalang na balik ni Mimosa rito, "at bakit ka naman magpapakamatay? Pambihira ka," pabulong ang huling salita. "Kabata-bata at kaganda-ganda mo, suicidal ka naman pala."

Muling nanahimik si Julia. Natahimik din naman ang lahat; nakikiramdam sa bawat isa.

"Ano ba talaga ang meron sa lugar na 'yun?" pagbasag ni Ambo sa nakabibinging katahimikan.

Nilingon ni Charisma ang katabi; umaasang sasagot man lang si Julia kay Ambo. Hindi ito nangyari. Nanatili lang itong nakatanaw sa labas ng sasakyan.

"Tulad nga ng nasabi ko na..." pagsingit ni Charisma upang saklolohan sa pagkapahiya si Ambo. "maraming kababalaghan ang nangyayari ro'n, lalo na kapag sumasapit ang panahon ng kapistahan."

Biglang lumingon si Julia kay Charisma, "nakarating ka na rin do'n?"

Tumango ang dalagita, "opo, ate."

Nginisian ito ni Julia, "bakit ka babalik? Magpapakamatay ka rin?"

"Ay ate, hindi ah! Napilitan lang po dahil kailangan daw nina Senyorito ng tourist guide." Sumimangot si Charisma at naghalukipkip, "sa totoo lang, hindi rin naman ako bagay na maging tourist guide dahil hindi ko rin naman kabisado ang lugar. Isang beses lang akong nakarating ro'n no? At hindi naman lahat ng lugar do'n, napuntahan ko."

"Alin lang ba ang napuntahan mo?" tanong ni Julia.

"'Yung bahay lang ng kaibigan ko at 'yung bahay nung kababata n'ya. Do'n sila nakatira sa lugar na tinatawag nilang 'Lambak'. Doon kasi sila nakatira sa pinakamababa at dulong bahagi na malapit sa malaking ilog. Nakapunta rin ako sa lumang kapilya, sa bukid nila, sa plaza at sa perya."

"Lambak?" Pagsingit ni Willy, "di ba't doon din tayo pupunta?" nakatingin ito kay Zach, "di ba naro'n din ang lupain n'yo?"

Tumango si Zach, "I think you're right."

"Sa inyo 'yung malaking lupain nasa kabila ng ilog, 'di ba? Actually, 'di ba sakop n'yo rin ang kalahati ng ilog?" tanong naman ni Julia sa binata.

Nilingon naman ito ni Zach, "according to the map, yes, but I've never been there so I have no clue what that property is like. All I know is that I have to have the land appraised, settle the unpaid real property tax dues, find a certain co-owner—which I never met and then maybe we can both agree to sell the property."

Napakunot-noo si Julia,"Ibebenta mo?"

"'Yup!"

"Hindi mo pa nakikita, may plano ka na?" kumento ni Julia. "Alam mo bang 'yung lupain n'yo ang pinakamagandang lugar sa Lambak?"

"Actually, I'm just my father's little messenger here. I actually do not have any say on it since it's my father's inheritance. He wants me to sell his part right away. "

"And then?"

"And then, nothing. I'll head back to Manila.

***

'Welcome to Barangay, San Isidro.'

'Yun ang nakalagay sa ibabaw ng bakal na arko sa bungad pa lang ng barangay.

"Isang barangay na lang, nasa San Ildefonso na tayo." Anunsyo ni Ambo na s'ya na ngayong nagmamaneho bilang karelyebo ni Willy.

"Ano ba 'yan? Bakit parang wala man lang katao-tao rito?" ani Mimosa. Nagmamasid ito sa magkabilang bintana ng sasakyan."Alas dos pa lang naman ng hapon ah!" sumusulyap-sulyap ito sa sariling wristwatch.

"Bilisan mo ang pagmamaneho." Wika ni Julia. Nakatanaw ito sa direksyon ni Ambo. "Kailangang nakatawid na tayo ng tulay bago dumilim."

"Pero bakit?" si Willy naman ang nagtanong. Ito na ngayon ang katabi ni Mimosa. Nakaupo ito sa inupuan ni Ambo bago sila nag-switch. "Anong meron sa tulay na 'yun?"

Natahimik si Julia; muli itong tumanaw sa labas ng bintana.

"Ayon sa kaibigan kong tagaro'n," pagliligtas sa kahihiyan ni Charisma kay Willy, "marami-rami na raw ang nagpapakamatay ro'n. At marami-rami na rin daw ang naaksidente ro'n dahil daw sa mga multong nagpapakita sa mga motorista.

"Anong pangalan ng kaibigan mo?" muling pagsingit ni Julia.

"Honeylette, ate."

"Honeylette ano? Anong last name n'ya?"

"A-Agsalud po, bakit po?"

"W-wala. Pamilyar kasi sa 'kin ang pangalan." Sagot ni Julia. "Kapangalan kasi nito 'yung nabasa ko sa diyaryo nung kabilang linggo lang na, nawawala raw? Agsalud...Honeylette Agsalud. Parang ganun nga ang pangalang nabasa ko."

Nanlaki ang mga mata ni Charisma, "po? S-sigurado po, kayo?"

Tumango si Julia, "kailan mo ba huling nakausap ang kaibigan mo?"

Biglang bumakas ang pag-aalala sa mukha ng dalagita. "Magda-dalawang taon na po eh. Nawalan na po kami ng komunikasyon simula nang umuwi s'ya sa San Ildefonso. Wala naman po kasing linya ng komunikasyon do'n kaya wala s'yang cell phone o internet."

"Teka," pagsingit ni Mimosa. Nilingon nito si Charisma, "'di ba 'yun 'yung kaibigan mong pupuntahan sana natin para samahan tayo?"

"Opo, s'ya nga po."

"So, kung nawawala s'ya, pa'no na tayo?" pagsabat naman ni Willy.

Napakamot si Charisma sa sariling ulo, "hindi ko nga po alam eh." Maluha-luha ito sa pag-aalala. "Hindi ko naman po ito inaasahan eh."

[ITUTULOY]

MHST 2:  TagosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon