KABANATA 19

556 45 1
                                    

"Saan tayo pupunta, Miss Julia?" mangiyak-ngiyak si Charisma. "Ang dilim, dilim naman po rito. Binabagtas nila ang hagdanan pababa sa basement ng mansyon.

"Basta, sumunod kayo sa 'kin." Sagot ni Julia. Nagpatuloy ito sa pangunguna sa paglalakad tangan ang isang flashlight. Habang si Zach naman ang nasa pinakadulo ng grupo, tangan naman nito ang ikalawang flashlight na nakuha nila sa sasakyan sa garahe.

"Anong klaseng basement 'to?" ani Willy, "bakit ang hahaba ng mga pasilyo at andaming pasikot-sikot?"

"Ito ang daan na itinuro sa akin ni Carlotta." Sagot ni Julia. "Sikretong daanan daw n'ya ito kapag gusto n'yang lumabas nang walang nakakapansin na mga tagarito sa baryong ito."

"Sa'n ba 'to patungo?" tanong naman ni Ambo, "hindi pa ba tayo naliligaw?"

"Ang sabi ni Carlotta, tingnan lang daw natin ang kulay ng mga marka ng pintura sa bungad ng bawat pasilyo. Kapag dilaw, patungo raw ito sa nakakubling mga silid sa basement, Kapag asul, ito raw ang papunta sa likod-bahay, sa labas ng gate ng mansyon. Kapag pula, patungo naman daw ito sa balong nasa tuktok ng burol, bago sumapit ang ilog sa lupain ng mga Alcaraz."

"Hindi ko napansin," sagot ni Willy, "ano bang kulay ng marka ang sa bungad nitong pinasukan natin?"

"Pula." Sagot ni Julia.

"Pula?!" bulalas ni Charisma, "patungo sa tuktok ng burol? Ga'no naman kaya kalayo 'yun?"

"Ang layo, dalawang milya," sagot ni Julia, "ang taas ng burol, higit lang daw ng kaunti sa isanlibong talampakan at ang balon..."

"Ano ang balon?" tanong ni Ambo.

"Mga four hundred feet daw ang lalim."

Namilog ang mga mata ni Willy, "aakyatin natin 'yun, pero paano? May lubid ba ro'n? Hagdanan? Ano?!"

Copyright 2018 ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.

Biglang huminto sa paglalakad si Julia kaya napahinto rin ang lahat. "Hindi ko alam, ok?" maluha-luha ito. Bakas sa mukha nito ang pag-aalalang hindi nito mailabaslabas. "Hindi naman kasi kami nagkausap nang matagal ni Carlotta. Basta't ang sabi lang n'ya, kung sakali mang kakailanganin nating tumakas mula sa baryong 'to, 'yun lang ang daang palabas na walang nakakaalam sa mga taga-rito. Ngayon, kung ga'no man 'yun kalayo o kung ga'no man kalalim ang kailangan natin akyatin, hindi ko alam, ok? Hindi pa naman ako nakakarating ro'n eh!"

Sandaling natahimik ang lahat.

"I'm sorry, Miss Julia." Pagbasag ni Willy sa katahimikan. "T-tayo na po." Tumingin ito sa iba pang mga kasamahan, "tayo na."

***

Halos gumapang na ang lahat sa sobrang pagod nang makarating ang mga ito sa hangganan ng napakahabang pasilyo, bagaman namamangha ang lahat sa nadatnan nilang malawak na espasyong pabilog, napakunot-noo naman si Julia sa nagniningas na apoy sa pinakagitna nito.

"May ibang tao ba rito?" tanong ni Charisma, "s-sino kaya ang nag-siga sa apoy na 'yan?" itinuturo nito ang nagniningas na tumpok ng mga kahoy sa gitna.

Walang makapagsalita. Napapanganga lang ang lahat habang sinusuyod ang kalawakan ng kapaligiran na unti-unti na ring naiilawan ng mga sulo, mula ibaba hanggang sa pinakatuktok.

"Ano 'to? Mga piitan?" nang matanaw ni Ambo ang mga rehas sa pagitan ng bawat sulong nakapaikot sa bawat palapag.

Marahang napapailing si Julia. "Hindi ko alam." Nakatingala ito sa pinakamataas ng palapag na kanyang natatanaw. "Z-zach?" pagtawag nito kay Zach bagaman nakatingala pa rin ito.

Nagsilingunan ang lahat para hanapin si Zach. Wala na pala ito ro'n.

"Aba! Nasaan na ba si Senyorito Zach?" tanong ni Willy sa mga kasama.

MHST 2:  TagosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon