Napasugod si Zach, Ambo at Willy sa silid ni Julia dahil sa malakas na pagtili ng dalaga.
"Anong nangyari?" tanong ni Willy habang pinapasok na nila ang silid nito.
"Huh?!"
Pare-parehong napanganga ang mga lalaki dahil wala na sa Julia sa loob ng silid nito.
Muli nilang narinig ang pagtili ni Julia bagaman nagmumula na ito sa labas ng silid. Agad namang lumabas ang tatlo at hinanap ang pinagmumulan ng tinig ng dalaga.
"Tulungan n'yo ako! Zach!"
Nahagip pa ng paningin ni Zach ang dulo ng buhok ni Julia. Buhat ito nang patuwad sa kanang balikat ng isang nakamaskarang lalaki. Patakbong sinundan ito ng tatlo sa isang madilim na pasilyo patungo sa isang sikretong pintuan na daanan naman pababa sa ground floor—patungo sa napakadilim na basement.
Nasa kalagitnaan sila ng pagbaba nang biglang sumara ang pintuang pinanggalingan nila. Nabalot ng dilim ang kanilang dinaraanan kaya hindi na nila makita ang pupuntahan at pinanggalingan. Agad na nasundan 'yun ng matinding katahimikan. Hindi na rin nila marinig ang pagtili ni Julia maging ang mga yabag ng taong may bitbit dito.
***
Nagising si Julia sa isang silid na tanging ilaw lang ng isang gasera ang nagbibigay liwanag. Naroon, kasama n'ya ang apat na hindi niya kilalang mga lalaki at tatlong babae. Tulad n'ya, nakagapos din ang mga ito. May ibang umiiyak; ang iba nama'y tahimik lang at nakatulala. Nakabihis ang mga ito na tila taga-siyudad at mga dayo rin lang sa baryo.
Inilibot ni Julia ang paningin. Pilit initong inaaninag kung ano man ang madaanan ng kanyang paningin. Isang puting kabaong ang napansin n'yang nakasukdol sa pader.
"P'wede bang tumahimik ka na?" singhal ng isang binata sa umiiyak na dalagitang s'ya nga naman ang pinakamaingay ro'n. "Nakukulili na ang tenga namin sa 'yo. Kung tutuusin, kasalanan mo 'to eh. Sinabi ko naman sa 'yo na 'wag na kayong pumunta sa peryahang 'yun. Pati tuloy ako nadamay sa inyo!"
Pilit na nanahimik ang dalagita, bagaman sumisinghot at humihikbi pa rin ito.
"Wag na tayong magsisihan." Pagsabat ng ikalawa sa mga kalalakihan. "Narito na 'to eh. Bakit ba si Mitzi ang kinagagalitan mo gayung ikaw naman talaga ang puno't dulo kung bakit nangyayari sa 'tin 'to. Sino ba ang nagyaya sa 'min sa baryong 'to? 'Di ba ikaw?"
Copyright 2018 ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.
Hindi na sumagot pa ang unang nagsalitang lalaki.
"Nasaan ba tayo?" tanong ng pangalawa sa tatlong dalagang nakagapos.
"Palagay ko," sagot ng pangatlo sa apat na lalaki, "narito pa rin tayo sa mansyong pinagdalhan sa 'tin ni...sino nga ba 'yun? Si Ephraim? Tangina! Sinasabi ko na nga ba. Unang tingin ko pa lang sa gagong 'yun, kabado na 'ko. Ito naman kasing si Veronica," inginuso nito ang ikatlo sa mga babae. "ang landi-landi. Nangitian lang ng may bayag umikot na agad ang tumbong. Paano na tayo ngayon? Paano tayo makakaalis dito?"
"Ayan na naman." Sabing muli ng ikalawa sa apat na lalaki, "sabi nang 'wag na tayong magsisihan eh. Humanap na lang tayo ng paraan para makalabas tayo rit—"
Biglang umangat ang takip ng kabaong. Nabalot ng katahimikan ang lahat ng nasa silid. Nagsusulyapan at nagpapakiramdaman ang mga ito. Halos sabay-sabay nilang nilingon ang kinaroroonan ng kabaong na patuloy naman sa pag-angat ng takip hanggang sa tuluyan na itong nabuksan.
Nagkanya-kanya sila sa pagsipat sa loob ng kabaong bagaman ang ikaapat sa mga lalaki lang ang naglakas-loob na lumapit at sumilip. Nanlaki ang mga mata nito nang masilayan ang isang napakagandang babae. Bagaman hindi na nito ito natitigan pang masyado matapos nitong bumangon para sakalin ang lalaki sa leeg.
Nagsigawan ang mga babae mapuwera si Julia. Kanya-kanya naman ng pagsisiksikan ang bawat isa sa pinakamalayong sulok na maaari nilang siksikan.
Napakalakas ng babaeng bumangon sa kabaong. Tuluyan na itong bumaba sa kabaong na bitbit pa rin sa leeg ang nagpupumiglas na lalaki.
"Anong ginagawa n'yo rito?!" Nanlilisik ang mga mata ng babae. Lalong nasindak ang mga naroroo'n nang sumilip na ang mga pangil nito habang nagsasalita. "Sinong nagdala sa inyo rito?!"
"Si...si..." kanya-kanya sa pagsasalita ang ilan sa kanila.
"Sino?!" Biglang sigaw nito sa tinig na nakakikilabot.
"Si Ephraim po. 'Yung lalaking nakilala namin sa perya."
Lalong nagalit ang babae sa kanyang narinig. "Ephraaaaaim!" Hiyaw nito. Kasunod nitong inihagis ang lalaking sinakal nito sa leeg. Lumagpak ang lalaki sa sahig; umuubo sa tindi ng pagkakaksakal sa kanya ng babaeng bumitbit sa kanya.
"Lola Carlotta." Napatingin ang lahat sa gawi ng pintuan. Nakatayo na pala roon si Ephraim.
"Anong ibig sabihin nito?! Saan mo na naman kinuha ang mga 'to?"
"Hindi na mahalaga." Lumapit ito sa babaeng tinawag n'yang Lola Carlotta. "Mamili ka na kung sino ang uunahin mo. Sa 'yo naman lahat 'yan. Irereserba na lang natin ang iba sa ibang araw. Wag kang mag-aalala, aalagaan ko ang mga hindi mo mapipili ngayong gabi. Patatabain, palulusugin para sa mga susunod mong pagkain."
"Isa kang hangal! Ilang beses ko ba sasabihin sa 'yo na hindi ako pumapatay ng tao!"
Ngumisi si Ephraim, "pero nakatikim ka na ng dugo ng tao 'di ba? Bumalik ang lakas mo nang minsang mangyari 'yun. Sumigla ka at nakalalabas ka ng mansyon kahit sa araw. Nakakapamasyal tayo. Pero kapag ganitong ginugutom mo ang sarili mo, o tulad ni Emma na nagtatyaga sa dugo ng mga hayup...nanghihina kayo at unti-unting nag-aasal hayup na kumakain ng kapwa hayup. Tao ka at hindi hayup. Hindi n'yo naman kailangang magtiis! Kaya kong manguha ng mga tao para sa inyo!"
"Hindi! Ayoko! Mas mabuti pang mabulok ako rito hanggang sa mamatay kaysa ang pumatay ng tao! Nasaan si Emma? Nasaan ang kapatid mo?!"
Ngumisi nang mas malaki si Ephraim.
"Nasaan si Emma sabe!"
Biglang may pumasok na isang napakagadang dalagita. Nakabungisngis itong tumayo sa tabi ni Ephraim.
"Nakaganti na ako sa isa sa kanila, Lola Carlotta." Maluha-luha ito bagaman nakangiti. "At ang sarap po pala ng dugo ng tao. Ibang klase. Bigla akong lumakas at sumigla. Gumanda rin ang balat ko at gumaling ang aking mga sakit." Kagat-labing niyapos nito ang sarili.
"Anong ginawa mo?" sagot ni Carlotta, "anong ginawa n'yo!" Bulyaw nito sa magkapatid. "Ephraim! Hindi ba't nangako ka sa 'kin? Hindi ba't ang sabi mo, mabuhay lang si Emma, ay susunod ka sa kundisyon ko? Ano 'to? Hindi ba't ang usapan natin, gagawin ko lang s'yang maging tulad ko kung hindi s'ya papatay ng tao?! Nangako ka sa 'kin!" pinukpok nito sa dibdib si Ephraim, "nangako ka sa 'kin 'di ba?!"
Sandaling natahimik si Ephraim.
Muli itong hinataw ni Carlotta, "magsalita ka!"
"Alam ko." Sagot nito sa mababang tinig, "sinubukan ko naman po eh. Pero bukod sa hindi ko na maatim na nakalalaya pa at nagsasaya sa normal na pamumuhay ang mga dumukot at lumapastangan sa kapatid ko. Hindi ko rin pala kaya ang unti-unting pag-aasal hayup ng kapatid ko. Hindi ko na s'ya makausap. Hindi na s'ya makapagsalita. At ayoko ring mangyari sa 'yo 'yun kaya heto..." itinuro nito ang mga bihag. "Kung hindi mo kayang pumatay...ako ang papatay. Ako ang magsasalin ng kanilang mga dugo sa baso para mainom n'yo. Pero kung ayaw mo pa rin...kay Emma ko na lang ibibigay!"
Sinampal ni Carlotta si Ephraim, "kung alam ko lang na hindi ka tutupad sa usapan. Sana, pinabayaan ko na lang s'yang mamatay."
Bumakas sa mukha ni Emma ang pagkagulat at poot. "Ganun po ba?" ngumisi na rin ito. "Mas gugustuhin n'yo pa palang mabuhay ang mga hayup na bumaboy sa 'kin? Akala ko... kakampi ka namin dahil ikaw ang kadugo namin. Ang taas pa naman ng respeto ko sa 'yo. Bahala kayo kung ayaw n'yo sa mga pinaghirapan ni kuyang hulihin para sa inyo. Kung ayaw n'yo...sa 'kin na lang."
[ITUTULOY]
BINABASA MO ANG
MHST 2: Tagos
HorrorMHST Volume 2: TAGOS - Isang dalaga ang napaulat na nawawala. Naglaho ito habang nagaganap ang pagdiriwang ng pista ng patron ng bayan ng San Idelfonso. Sa kabila ng pagpupursigi ng mga magulang upang mahanap ito, sadyang walang ginawa ang mga kina...