Siguro ay dahil sa antok kaya hinayaan ko na lamang ang mga kamay mo na nakapatong sa bewang ko o dahil gusto ko din naman talaga iyong ginawa mo?
Kinaumagahan, pag gising ko medyo madilim pa, tingin ko ay alas kwatro pa lamang. Naramdaman ko pa din ang mga kamay mo na nakayakap sa akin, tumingin ako sa iba pa nating kasama sa kwarto at nakita na may dalawang gising na samantalang ang karamihan ay tulog pa. Bigla akong kinabahan dahil baka makita nila na nakayakap ka sa akin, buti na lang at may kumot pala tayo kaya hindi halata ang mga kamay mo na nasa bewang ko.
Gusto ko nang tumayo dahil kinakabahan talaga ko o sadyang mabilis lang ang tibok ng puso ko, hindi ko na alam. Gumalaw ako ng kaunti paharap sayo para sana gisingin ka pero onting galaw ko palang ay nagising ka na, lumuwag yung yakap mo sa akin at unti unti mong tinanggal ang kamay mo sa bewang ko. Para akong nabunutan ng tinik sa dibdib pero nalungkot din ako, dahil alam ko na sinasabi ng puso ko na sana hindi mo tinanggal yung yakap mo sa akin.
Nginitian mo ako at tinanong kung okay na ba ko. Nagwala nanaman ang puso ko pero hindi ko pinahalata sayo at sinabi ko lamang na ayos na ako. Sabi ko pa sayo ay babangon na ako ngunit pinigilan mo ako. Ang sabi mo ay magpahinga pa ako at bumalik sa tulog, pinaharap mo pa ko sayo at niyakap mo ulit. At gaya ng kagabi ay naghuramentado nanaman ang puso ko pero mas malala ata ngayon dahil mas magkalapit tayo, ang mga mata ko ay diretsong nakatingin sa mga mata mo na nakatitig din sa akin.
Hindi na lamang ako nagsalita, at pinikit na lang ulit ang aking mga mata.
Ano bang nangyayare? Mali 'to, hindi pwede pero bakit gusto ko ang mga nangyayare? Bakit ganito yung nararamdaman ko?
Pagkagising ko ulit ay wala ka na sa tabi ko pero nakabalot pa din sa akin ang mga kumot mo. Biglang kumirot ang puso ko pero binalewala ko na lang ito.
Inisip ko na lang noon na, 'wala yun, Arisse. Ang isipin mo na lang ay hindi nangyare iyon' Bumangon na ako at inayos ang kumot mo. Kailangan kong umarte ng parang walang nangyare, teka wala naman talagang nangyare diba? Siguro ay concern ka lang talaga kaya ganon.
***
Tatlong araw ang lumipas simula ng mangyare iyon. Bigla akong natauhan, mali iyon. Hindi dapat nangyare yon pero dahil nangyare na ay wala na akong magagawa, ang kailangan ko nalang gawin ay kalimutan iyon. pero paano ko makakalimutan kung yun ang pinakamasayang gabi sa buhay ko?
Tatlong araw na wala tayong komunikasyon, kahit magkasalubong tayo sa hallway ng eskwelahan ay parang wala lang. Pero gusto kong malaman mo na wala na kami ni Sean.
Gusto mong malaman kung bakit? Pasensya na pero hindi ko din alam, pagkagising ko lang ng araw na nagkatabi tayo at niyakap mo ako ay natauhan ako at naisip na kailangan ko ng itigil ang relasyon namin ni Sean. Dahil hindi ko deserve ang lalaking katulad niya, masama akong tao.
Pagkatapos ng gabing iyon ay nagusap kami ni Sean, sinabi ko na kailangan naming maghiwalay, ayaw niyang pumayag pero buo na ang desisyon ko. Ayaw ko na, ayaw ko ng masaktan at ayaw ko ng makasakit pa.
Pagkalipas nga ng tatlong araw, gabi na ng bigla ay nakatanggap ako ng isang text mula sa unknown number.
"Goodnight :*"
Biglang bumilis ang tibok ng puso ko, hindi ko alam kung bakit pero ikaw agad ang unang naisip ko. Nireplyan ko iyon ng 'sino ka?' ngunit hindi na nagreply pa. Kaso bigla ko nanamang naisip na, bakit mo naman ako itetext eh may girlfriend ka? Napakaimposible.
Natulog na lamang ako at kinabukasan pag gising ko ay may text ulit na mula doon sa unknown number.
"Goodmorning :) -Jake"
Pagkabasang pagkabasa ko sa text mo ay bigla akong napangiti at tumibok na naman ng napakabilis itong puso ko. Magrereply na sana ako sa iyo at tatanungin kung kanino mo nakuha ang number ko ngunit ng isend ko na ay wala na pala akong pangtext sa ibang network.
Yamot na yamot akong pumasok sa school. Sa totoo lang ay nakakailang sa klase namin dahil lahat ay nagulat sa paghihiwalay namin ni Sean. Akala nila ay kami na daw hanggang dulo pero ako tong si tanga na iniwan ang lalaking mahal na mahal ako.
Noong uwian na ay dumaan ako sa mcdo upang bumili dahil gutom na ako. Habang nakapila ako sa counter ay may biglang tumabi sa akin.
"Ang snob mo naman, miss"
Napatingin ako sa nagsalita at nakita ko ang isang napakagandang ngiti mo na tumunaw sa puso ko. Hindi pwede, wala lang itong nararamdaman ko. Nagsorry ako sayo at umalis na ako agad pagkatapos kong umorder, dali dali akong sumakay sa jeep pauwi sa amin. Bumaba ako sa may kanto at pumunta sa isang tindahan.
"Ate, pabili nga pong Globe na sim card"
Fck. Bakit ba ko bumili ng sim na to? Ang dinadahilan ko ay dahil puro Globe ang mga kaibigan ko pero alam ko sa sarili ko ang tunay na dahilan. Globe ka kasi.
Halos dalawang oras na at hawak hawak ko pa din itong phone ko, hindi ko alam kung isesend ko ba ang text ko na para sayo. 'Hi :)' yan lang naman ang laman ng text pero kabadong kabado na ako.
Sinasabi ng isip ko na huwag kong isend ang text na iyon, na mali ang ginagawa ko, mali ang pagtext ko sa iyo, mali ang pagbili ko ng sim, mali ang pagkakatabi natin ng gabing iyon, mali ang pagyakap mo sakin, mali ang pagiging magkaibigan natin, mali lahat. Hindi pwede.
Pero sinasabi naman ng puso ko na ituloy ko ito, na ituloy ko ang pagsend sa iyo ng text na ito. Ang lakas ng tibok ng puso ko na rinig na rinig ko na.
Hindi ko na alam, pinikit ko na lamang ang aking mga mata, hawak hawak ang cellphone ko na isang click nalang ay masesend na ang text.
Humingi ako ng malalim, nakapikit ang mga mata. Sorry. Mali ito pero pasensya na, puso ko ang aking sinunod.
Pinindot ko ang send. Dumilat ako at huminga ulit ng malalim.
ANG TANGA KO.