At nagpatuloy pa din ang mga araw na nagpapakatanga ko sayo. Alam ko naman na walang patutunguhan to pero siguro nga nakakatanga talaga ang pag ibig kaya tinutuloy ko pa din. Siguro ang sama sama na ng tingin sakin ng mga tao no? Wala akong magagawa, totoo naman kasi yung mga sinasabi nila.
December yun ng malaman ng girlfriend mo na may kung ano satin na mismong ako hindi alam kung ano. Tinatanong niya sakin kung ano ba tayo, pero hindi ko naman masagot kasi ano nga ba talaga tayo? Hindi ko din alam. Kaibigan lang ba talaga? May magkaibigan ba na magkatext, magkachat at magkausap buong magdamag? May magkaibigan ba na nagyayakapan? May kaibigan ba na mang hahalik sayo habang tulog ka? May magkaibigan ba na ihahatid ka sa bahay niyo? OO, MERON. Pero may kaibigan ba na gagawin lahat yan kahit may girlfriend siya? At yung kaibigan na yun hindi naman talaga kayo sobrang malapit na magkaibigan? Siguro, yung iba. Pero kahit pilitin ko yung sarili ko na kaibigan lang kita, na magkaibigan lang tayo, hindi eh. Hindi ko kaya kasi masakit. Ang sakit isipin na yun nga lang tayo, magkaibigan nga lang tayo pero bakit ganon yung turing mo sakin? Umasa lang ba ko? O paasa ka lang talaga?
Naghiwalay kayo ng girlfriend mo pero kinausap ko siya, sinabi ko na wala naman talaga. Wala nga ba talaga? Kasi para sakin meron eh, pero ayokong masira yung relasyon niyo kahit alam ko na kasalanan ko kung maghihiwalay kayo. Kasalanan ko.
Ang dami nilang sinabing masasakit. Kung masaya daw bang maging kabit? Seriously? Puta, malamang hindi kasi yung taong mahal mo kahit alam mong kahit konti may gusto sayo eh hindi ka mamahalin ng buo. Lagi kang pangalawa lang, reserba lang, kakausapin ka lang pag bored siya tapos wala ka namang karapatang magreklamo diba? Kasi pangalawa ka lang kaya kahit nasasaktan ka na titiisin mo nalang lahat kasi ang totoo wala ka lang naman sa kanya. Gabi gabi matatakot ka na paano pag bukas umayaw na siya, pag naisip niya na iwan ka na, wala kang magagawa dun kasi sa relasyon niyo siya lang yung may karapatan at ikaw tagasunod ka lang. Kaya sabihin mo nga sakin, tingin mo ba masaya ko? HINDI. SOBRANG HINDI PERO TINITIIS KO LAHAT KASI PUTANGINA, MAHAL KITA. SOBRANG MAHAL KITA NA ARAW ARAW, GABI GABI HINIHILING AT PINAGDADASAL KO NA SANA AKO YUNG PILIIN MO. NA SANA AKO NALANG.
Ang sama ko ba? Oo, ang sama ko nga pero nagmahal lang ako. Pero kahit naman ano pang sabihin ko ako yung mali eh, kasi alam ko naman. Alam kong pagmamay ari ka na ng iba pero pasensya na hindi ko din talaga maintindihan kung bakit bigla nalang akong nagkagusto sa isang katulad mo.
Nagkabalikan kayo at...
Iniwan mo ko.
Iniwan mo ko na parang wala lang, na parang walang nangyare, na parang wala lang ako sa buhay mo. Ang galing mo diba? Bigla ka nalang hindi nagtext, sana man lang sinabihan mo ko kasi mas masakit yung pagiwan mo na wala man lang paalam, ni ha ni ho, WALA. Sana kahit sorry man lang galing sayo pero wala eh. Iniwan mo ko ng parang bula, iniwan mo ko na parang wala lang yung pagtawag mo sakin gabi gabi, na parang wala lang yung paghalik mo sa pisngi ko, na parang wala lang yung mga tawa at kwentong pinagusapan natin, na parang wala lang yung mga yakap mo sakin at paghawak sa kamay ko. Iniwan mo ko na parang hindi mo ko sinabihan ng..
"Bakit gising pa yung inspirasyon ko?"
O di kaya...
"I love you, sabi ng nanay ko sa tatay ko"
O...
"Ikaw yung dahilan kung bakit ako ngumingiti nitong mga nakaraang araw"
Iniwan mo ko na parang hindi mo ko inalagaan nung nilalagnat ako, na parang hindi mo ko kinantahan ng paborito kong kanta noon. Na parang hindi mo ko hinatid sa bahay namin dati, iniwan mo ko na parang hindi mo ko sinabihan ng ako yung bumubuo sa araw mo dati. Iniwan mo ko na ako lang mag isa yung haharap sa lahat ng nangyare, iniwan mo ko na ako lang yung nagmukhang masama. Kaya sabihin mo nga sakin, sa lahat ng ginawa mo, wala lang ba ko sa buhay mo?
Sorry? Sa tingin mo ba maaayos ng sorry mo ang pagkasira ng puso ko? Hindi. Walang magagawa yang sorry mo kasi pinaglaruan mo ko. Wala lang ba sayo lahat ng nangyare? Wala lang ba ko sayo? Ang tanga ko para mahulog sa isang katulad mo. You broke me, pero bakit mahal pa din kita?
Halos gabi gabi akong umiiyak, mag isa, walang nakakaalam sa nararamdaman ko kasi yung kaisa isang napagsasabihan ko ng problema ko...iniwan din ako. Karma ko na siguro to, sa pagiwan ko kay Sean na parang walang nangyare samin. Napakabilis nga naman gumanti ng karma oh, at mas doble pa yung sakit na nararamdaman ko.
Makalipas ang isang buwan, wala tayong komunikasyon. Pag nagkakasalubong, wala lang. Parang walang nangyare. Wala naman kasi talaga diba? Wala nga ba?
Okay na ko eh. Nakakatawa na ulit ako, masaya na ulit ako eh. Kaya ko na ulit ng wala ka, akala ko nakamove on na ko eh. Tapos isang araw, magpaparamdam ka bigla? Ang galing mo diba? Kaya lahat ng akala kong kaya ko na, hindi ko pala kaya.
Hindi ko pala kaya na hindi replyan yung mga text mo, hindi ko pala kaya na kalimutan nalang yung pangalan mo, yung pagkatao mo. Hindi ko pala kayang kalimutan yung mga kwento mo, yung tawa mo, yung mukha mo. hindi ko pala kaya na talikuran nalang lahat yon. Kasi tuwing ngumingiti ako sa umaga, sobrang iyak ko naman pagdating sa gabi. Kasi naaalala kita, sa loob ng isang buwan naaalala ko yung mga panahon na magkausap tayo hanggang hating gabi. Naaalala ko yung mga panahon na ikaw yung dahilan ng pagngiti ko, naaalala ko lahat. At halos gabi gabi, umaasa ko na itetext mo ko. At dumating na nga yung gabing yon.
"Kamusta ka na?"
Putek. sa isang text mo lang, bigla ulit nabuhay yung puso kong parang namatay nung iniwan mo ko. Biglang bumalik lahat lahat, yung bilis ng tibok ng puso ko at yung mga paru paru sa tyan ko. At ako, bilang tanga, syempre nagreply ako sa text mo. Tapos hindi ka nanaman nagreply, ansaya diba? Kaya nangako ako na ayaw ko na, sawa na kong masaktan, sawa na kong umiyak, sawa na ko sa lahat lahat.
Isang araw tinext ako ng girlfriend mo, nagagalit. Sinasabi niya na tigilan na daw kita at kung ano ano pang masasakit na salita. Nakakagago lang kasi halos isang buwan na yung nakalipas, isang buwan na wala tayong komunikasyon, isang buwan na hindi tayo nagpapakialaman, isang buwan na wala ka. Tapos ngayon magagalit siya sakin at magsasabi ng kung ano ano? Siguro kung nagalit siya sakin nung Disyembre pa ay matatanggap ko pa iyon pero ngayon na wala akong ginagagawa sa inyo, sasabihan niya ko ng kung ano ano? Nakakagago. Galit na galit ako sa kanya nun, lalong lalo na sayo.
Hindi ko alam kung paano mo nalaman iyong nangyare sa amin ng girlfriend mo, siguro ay dahil sa mga kaibigan mo na hanggang ngayon ay kaibigan ko pa din. Nakakainis lang na simpleng pagbulong mo lang sa akin ng mga salitang..
"Hayaan mo na yung sinabi niya. Sorry ha?"
Yun lang yung mga sinabi mo pero nawala na yung galit ko. Yung tipong okay na sakin bigla na inaway ako ng girlfriend mo. Nakakainis kasi bakit ganito? Patay na patay ako sayo at tingin ko ay unti unti na ding namamatay yung puso ko sa pagkawasak dahil sayo.