"Baliktad..." Napagtanto ni Rainzel habang nagpapahinga silang dalawa sa labas ng tent. Hinahabol pa rin nila ang mga hininga dahil sa kakatakbo.
"Ganoon na nga. Naniniwala ang mga tao rito na ang black cadejo ang masama at ang white cadejo ang mabuti pero baliktad," hinihingal pa rin si Mattia habang nagsasalita. Nakatungkod ang mga kamay niya sa mga tuhod.
"Anong ipinakita sa 'yo ng mga black cadejo kanina?"
"Ipinakita nila sa aking taniman. Hindi ko lang alam kung anong transaction ang nangyayari doon. Hina-hunting din nila ang mga black cadejo at sa maniwala ka o sa hindi, katulong nila ang mga white cadejo sa pagpatay sa mga itim,” aniya at tumayo nang matuwid.
"Wait. Medyo mahirap i-process sa utak," naguguluhan na wika ni Rainzel na napahilot sa magkabilang sentido.
"Malaki ang kutob ko na may kinalaman nga ang mga cadejo at mga gang members sa pagkawala ng tatlong turista. Mabuti pa ay sabihin muna natin kay Coach Caiden ang mga nalaman natin. Gising na ba siya?"
Napasimangot nang malaki si Rainzel nang banggitin niya ang pangalan ng leader nila. "Tulog pa rin. Bukas na lang natin sabihin sa kaniya dahil ayaw niyang magambala ngayon. Marami nang nangyari ngayong gabi, mabuti pa ay magpahinga muna tayo at pilitin na makatulog. Kailangan natin ng lakas bukas."
***
Kinabukasan, nagising si Mattia sa ingay na nagmumula sa labas ng tent. Agad niyang minulat ang mga mata at bumangon sa pagkakahiga. Naghilamos at nagmumog muna siya gamit ang tubig na dala-dala bago pumunta sa pinagmumulan ng ingay.
Humahangos na lumapit siya sa likod ni Rainzel, kasama ng dalagita sina Coach Caiden at Señor Gonzales. Nakabaling ang mga mata nila sa kumpulan ng mga tao. Nakapaikot ang ilang mga turista at nanonood sa iisang parte ng lugar.
Kumunot ang noo ni Mattia lalo pa at nakita na naman niya ang kulot na lalaki na miyembro ng gang. “Anong nangyayari dito?” tanong niya kay Rainzel.
Umiling ang dalaga.
At dahil walang tugon sa kaniya ang mga kasamahan. Nagtungo na lamang siya sa kumpulan, sumingit at tiningnan ang pinapanood ng mga tao. Napasinghap siya nang makita ang isang black cadejo na nakahiga sa lupa. Kung ganoon ang nilalang pala ang pinagkakaguluhan ng lahat. Marahil ay ngayon lamang nakakita ng ibang entity ang mga nakiki-usisa.
Hindi na humihinga ang nilalang. Naalala niya na ito ang cadejo na nakita niya kagabi na pinagtulungang patayin ng mga gang members.
"Chapen a veer qué va a pasar con esta criatura!" masiglang sigaw ng isang lalaki na tila bang isa siyang tagapamahala sa isang tanghalan.
Maya-maya pa nang umakyat na ang sikat ng araw ay natamaan ang cadejo ng liwanag at init nito. Naglabas ng usok ang katawan ng nilalang na tila bang nag-e-evaporate ito sa hangin. Naalala niya na sa gabi lamang nagpapakita ang mga nilalang sapagkat nawawala ang mga katawan nito kapag sumisikat ang araw. Pinanood ito ni Mattia hanggang tuluyan nang maglaho ang bangkay ng cadejo.
Namangha at napanganga ang mga nakakita, maliban sa kaniya na nakaramdam ng pagkahinayang at pagkalungkot.
“Mira qué mágica la muerte del Cadejo!" sigaw ng lalaki at nagpalakpakan ang mga manonood. Animo’y natuwa sila sa nagtatanghal.
Matalim ang mga mata na akmang lalapit si Mattia upang suntukin ang lalaki. Ngunit maagap na lumapit sa kaniya si Señor Gonzales at humawak sa kaniyang balikat. “Don't try to meddle with them, Mattia. The Gang members are respected here because they’re killing the black cadejo who's harming the tourist and the local citizens.”
Saka lamang naalala ni Mattia na walang nalalaman ang mga tao rito hinggil sa mga cadejo. Malungkot ang mga matang bumaling siya sa informant. “They're not harming anyone, it's the humans that are harming them instead,” wika niya at matamlay na naglakad palayo.
Sinalubong siya ni Rainzel. “Hindi alam ng mga tao ang totoo, Mattia. Hindi natin sila masisisi kung gusto rin nilang kitilin ang buhay ng mga black cadejo.”
“Ganoon na nga. Pero sa ngayon, kailangan muna nating mag-focus sa kaso. Pagkatapos, gagawa tayo ng paraan para ma-educate ang mga tao tungkol sa cadejo.” May sasabihin pa sana si Mattia ngunit natigilan nang lumapit sa kanila si Coach Caiden.
“Mabuti pa ay mag-almusal muna tayo bago n’yo ibalita sa akin kung ano ang natuklasan ninyo kahapon,” seryoso nitong wika.
Hindi sila tumugon kaya pinagpatuloy ng coach ang pagsasalita.
“Huwag kayong mag-alala, hindi ako nagagalit kahit mag-isa kayong lumakad kahapon nang walang paalam sa akin,” anito bago tumalikod at nauna nang maglakad. Nahinto ito nang saglit at lumingon sa kanila. “Tara na. Dalian ninyo.” Saka lamang sila sumunod sa likod ng coach.
***
Naglakad sila ng ilang metro at tumigil sa tapat ng tatlong maliliit na cabin. Nagtataka na nagkatinginan ang dalawang kabataan.
Bago pa sila magtanong ay inunahan na ng paliwanag ng coach. “Dito na tayo mananatili. Naisip ko na lumipat sa private cabin dahil nabanggit ni Señor Gonzales na hindi raw maganda ang panahon ngayon at baka umulan mamaya. Mahihirapan tayo kung sa tent lang tayo mananatili. May porter na akong nirentahan para dalhin ang mga gamit natin dito.”
“Si Señor Gonzales?” — si Mattia nang mapansing hindi pala sumunod sa kanila ang tour guide.
“Alam niya na lumipat tayo, pupunta siya rito maya-maya.” Nauna nang pumasok sa loob ng cabin si Coach Caiden.
Pagpasok nila sa loob ay may nakahanda nang mga pagkain sa pahabang mesa. Pinaliwanag sa kanila ni Caiden na ang tourist company ang nagpadala sa kanila ng almusal.
Umupo silang dalawa sa tapat ng coach. Tumikim muna ng kape ang lalaki bago bumaling muli sa kanila. “Ano ang natuklasan ninyo kahapon?” walang paligoy-ligoy nitong usisa.
“Ang itim na cadejo ang tunay na mababait at ang puti naman ang masama,” tuwiran na sagot ni Mattia.
Tumango-tango lamang ang lalaki. “Tama ang hinala ko.”
“Ibig-sabihin, alam na ninyo?” nagulat si Rainzel.
“Hindi kayo makakabalik kahapon kung masamang nilalang ang nakasama ninyo,” simpleng sagot lamang ng coach na kumagat ng sandwich.
“Nakikipag-ugnayan ang mga puti sa mga gang members para patayin ang mga itim na cadejo,” paliwanag ni Mattia.
“Sabihin nating tama kayo, pero ano naman ang kaugnayan niyan sa kasong hinahawakan natin?” usisa ni Caiden.
Nagkatinginan ang dalawang kabataan. Sa totoo lamang, hindi rin nila alam. Marami pang mga tanong na dapat sagutin.
Nang matahimik sila ay muling nagsalita si Caiden. “Mamayang tanghali ay pupuntahan natin ang trail na dinayo ng tatlong turistang nawala. Baka sakaling makahanap muli tayo ng clue doon. Kaya busugin ninyo ang mga sarili ninyo ngayong umaga, malayo pa ang lalakbayin natin.”
***

BINABASA MO ANG
𝘼𝙙𝙧𝙚𝙣𝙖𝙡𝙞𝙣𝙚 𝙅𝙪𝙣𝙠𝙞𝙚𝙨 : 𝙀𝙡 𝘾𝙖𝙙𝙚𝙟𝙤
HumorHORROR-COMEDY-MYSTERY-ADVENTURE Series 02 @2024 Nakapagdesisyon si Mattia na sumali sa House of Extraterriastrial and Parapsychology Organization o mas kilala sa tawag na HEAP - isang kilalang organisasyon ng mga magagaling na cryptozoologist at par...