SPECIAL CHAPTER : PIROTSO

14 7 2
                                    

Itinaas ni Joriz ang zipper ng jacket niya at biglaang napahatsing. Kasabay pa nito ay ang pagtulo ng sipon niya sa ilong, mabilisan niyang pinunasan iyon gamit ang likod ng kamay. Kasalukuyang nasa Bicol Region ang dalawang magkaibigan at nilulutas ang kaso sa bayan ng Catanduanes.

“Ang lamig pala rito!” angal pa niya na napayakap sa sarili at hinaplos-haplos ang sariling braso.

“Puro ka naman reklamo!” wika ni Chubs habang hawak ang paranormal detector na may dalawang silver rod sa dulo. Kasing-laki ng ipad ang hawak niyang gadget. Kanina pa siya paikot-ikot sa kusina ng bahay upang mahanap ang Pirotso na nananakot daw ng mga bata.

Ang Pirotso ay isang uri ng nilalang na nagtatago sa loob ng mga kaldero. Binibiktima nito ang mga batang hindi kumakain ng hapunan o mga paslit na masyadong maselan sa pagkain. Hinihila nito ang mga biktima sa loob ng kaldero at kapag nakuha ang biktima ay hindi na ito makikita kailanman.

Noon ay gawa-gawang kuwento lamang ng mga matatanda ang pirotso, upang takutin at bigyang leksyon ang mga batang mapili sa pagkain.

Ngunit dahil sa dami ng bilang ng mga batang na-trauma, ika ng mga ito ay may nakita raw silang naglalakad na kaldero. Naisip ng kabahayan na baka totoo na ring nabubuhay ang mga Pirotso. Kaya naman humingi na rin ng tulong sa HEAP ang buong barangay. Ang kaso nila ay mula sa public client - national mission category na may set time frame na isang linggo.

“Nakakatawa! Naghahanap tayo ng kalderong naglalakad. Hindi naman siguro ganoon kadelikado ang Pirotso,” dugtong pa ni Joriz sa reklamo niya. “Nakauwi na kaya si Mattia ngayon? Wala pa rin ba siyang reply sa ‘yo, Chubs?”

Hindi tumitingin sa kasama na sumagot ang matabang lalaki. “Nakauwi na raw siya. Tapos na raw ang misyon niya sa Guatemala.”

“Mabuti pa siya. Nakarating na sa ibang bansa!” naiinggit pang sabi ni Joriz na nagpalumbaba sa tabi ng lababo.

“Mahirap daw ang biyahe. At saka hindi naman bakasyon ang pinunta niya roon. Huwag kang mangarap, Joriz. Kahit bigyan tayo ng international mission, hindi rin naman natin mae-enjoy dahil trabaho ang focus natin.”

“Anyway, nakapasa ba siya?”

“Hindi ko alam. Wala siyang sinabi.”

“Ambobo mo naman, bakit hindi mo tinanong?”

“Tanga, tinanong ko! Ayaw nga sabihin.” Napabuntong-hininga si Chubs at naibaba ang hawak na detector. “Wala pa rin akong mahanap. Baka naman imagination lang ng mga batang witness ang nakita nila? Wala namang nade-detect dito ang gadget natin.”

“Ewan ko. Patingin nga. Hindi kaya lowbat na ‘yan?” Kinuha ni Joriz ang hawak ng matabang kaibigan. Binuksan niya ang loob at sinuri ang battery. “Hindi pa naman, ah. Kailangan ko yatang patingin ito sa IT ng NCR HEAP branch. Mukhang may problema sa loob.”

Pagod na napaupo si Chubs sa dining chair. Hinawakan pa nito ang malaking tiyan. “Parang nagugutom na ako…” Napatingin siya sa double handle na kawali. Nakapatong ito sa kalan at naaamoy niya ang halimuyak ng bagong lutong sopas. Nakakatuksong tanggalin ang takip nito.

Namilog ang mga mata ni Joriz nang makita ang ginagawa ni Chubs. “Pal, mahiya ka naman sa may-ari ng bahay na ‘to! Hindi ka man lang ba magpapaalam?”

Ngunit nagtaingang-kawali lamang ang kaibigan. Inangat na ng mokong ang takip upang tingnan ang loob. Subalit natanggal din ang saya sa mukha nito nang makitang hindi sopas ang nasa loob ng kawali. Kulay berde ang sabaw at mukhang wala man lang kahit anong halo. Kakaibang putahe.

“Ah!” Ganoon na lamang ang sigaw ni Joriz nang may makitang may sampung mahahabang daliri na lumabas sa gilid ng kawali. Kumapit ang berdeng kamay ng halimaw sa gilid ng kawali at kitang-kita niya ang matutulis at mahahaba nitong kuko.

🎉 Tapos mo nang basahin ang 𝘼𝙙𝙧𝙚𝙣𝙖𝙡𝙞𝙣𝙚 𝙅𝙪𝙣𝙠𝙞𝙚𝙨 : 𝙀𝙡 𝘾𝙖𝙙𝙚𝙟𝙤 🎉
𝘼𝙙𝙧𝙚𝙣𝙖𝙡𝙞𝙣𝙚 𝙅𝙪𝙣𝙠𝙞𝙚𝙨 : 𝙀𝙡 𝘾𝙖𝙙𝙚𝙟𝙤Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon