Galit. Inis. Pag-aalala. Ito ang naghalo-halong damdamin sa dibdib ni Mattia. Alam niyang lahat ng misyon ay napakadelikado at isinusuong nila ang mga sariling buhay. Ngunit iba ang kahulugan ng nalaman sa napagtanto. Ngayon lang niya napagtanto ang lahat nang makaharap niya ang malalang sitwasyon. This is real. This is f*cking real.
Hindi ito katulad ng misyon niya sa Capiz na kasama niya sina Joriz at Chubs. Ang dalawa ay may sapat nang kaalaman upang matulungan siya sa laban. Subalit sa kasawiang-palad ay hindi naman niya kasama ang mga ito. Wala rin ang kaniyang Lolo na bihasa sa pagsugpo sa iba't ibang nilalang.
Sa ngayon, ang kasama niya sa trabaho ay si Coach Caiden na tila walang pakialam sa kanila. Mas mabuti pa si Detective Buysit, hindi man ito makasundo nina Chubs at Joriz, ay lagi naman itong dumadating upang suportahan sila.
Naikuyom niya ang mga palad. Ang katotohanan ay bumabalot sa buo niyang katauhan– katotohanan na nag-iisa siya ngayon.
Tahimik siyang nakaupo sa isang malaking tipak ng bato at sa harap niya ay nakatakip ng lumang kumot ang dalawang bangkay ng lalaki. Inabot na sila ng umaga ngunit matagumpay na nahukay ng mga pulis ang katawan ng dalawang biktima. Kasalukuyang nandito ang mga otoridad at nag-iimbestiga.
Hindi na sila nakatulog magdamag dahil sa mga nangyari. Halata sa mukha ni Mattia ang puyat at pagkabalisa. Wala ring ganang mag-almusal ang binatilyo.
Sa harap niya ay umiiyak si Silvia habang kinakausap ang mga pulis. Napasugod agad dito ang babae nang mabalitaan na nahanap na rin sa wakas ang bangkay ng kaniyang pinsan at ang kaibigan nito.
Naibaba niya ang paningin sa lupa. Ngayon ang dalawang nawawalang turista ay inanunsyong patay na, ngunit nawawala pa rin ang kapatid na babae ng kliyente. At sa hindi mawaring dahilan, bigla ring naglaho si Rainzel.
Lumapit sa kaniya si Caiden at naitaas niya ang mga mata upang titigan ito.
"Kung curious ka kung anong pinag-uusapan nila, pinagtatanggol ni Silvia ang pinsan niya sa mga pulis. Nasa isip kasi ng mga ito na may kaugnayan sila sa mga gang members. At ang puno't dulo ng patayan ay droga," anito at walang emosyon na bumaling ang mga mata sa tinuran.
Bumalik ang mga mata niya sa naghihinagpis na babae. Hindi niya maintindihan ang wika ng mga ito, ngunit base sa sinabi ng coach mukhang alam na niya kung bakit halos magwala si Silvia.
"Alam kong galit ka rin sa akin."
Kinagulat niya ang mga binitawang salita ni Caiden kaya napatingin muli siya rito. Hindi ito makatingin na nagpaliwanag.
"Kung pinigilan ko si Rainzel na umalis, hindi sana..."
Ano itong nakikita ni Mattia? First time niya makitang tila nakokonsensya ang kanilang lider. Madalas ay umaakto itong walang paki pero ngayon...
"Hindi ako galit sa 'yo," tapat niyang sabi, "Naiinis, totoo. Pero hindi ako galit. Sa katunayan, mas nagagalit ako sa sarili ko. Kasalanan ko kung bakit nawala si Rain. Kung hindi ako biglang umalis nang gabing iyon, hindi niya ako susubukang hanapin."
Napabuntong-hininga si Caiden. "Tama na nga ang pagbubunton ng sisi. Ikaw ang nakahanap sa bangkay, 'di ba? Paano mo nakita?" pagbabago nito ng usapan.
"Sa tulong ng Black Cadejo."
"So nakakuha ka ng bagong clue?"
Tumango siya. "Kung ang pinag-uusapan nila ay iyong droga na nakuha sa bangkay ng mga biktima, ibig-sabihin may illegal transaction nga na nagaganap sa lugar na ito." Napagtanto rin ni Mattia na iyon pala ang unang pinakita sa kaniya ng black cadejo. Droga ang inilalagay ng mga gang members sa sako.
"Sinasabi ni Silvia na hindi gumagamit ng droga ang pinsan at kapatid niya," wika ni Caiden.
"At naniniwala ako sa kaniya, Coach. Maaaring tinanim ng droga ang mga biktima para palabasin na hindi sila inosente. Mga tao ang gumagawa ng krimen dito, hindi ang mga cadejo. Nasisisi ang ibang nilalang sa kasalanan ng mga tao."
"Ano ang plano mong gawin? Hindi agad maniniwala ang mga tao sa sinasabi mo."
"Alam ko, pero buhay pa ang kapatid ni Silvia dahil hindi natagpuan ang bangkay niya rito. Kung buhay natin siyang matatagpuan, may magiging witness tayo na magpapatunay na tama ang mga hinala ko."
Walang sinabi si Coach Caiden. Nakikinig lamang ito sa kaniya.
"Coach, maaaring tinatago nila si Marriana. Maaari ding dinukot nila si Rainzel."
"Mahirap 'yan. Aware ang mga tao rito na may illegal na nagaganap pero takot sila sa mga gang members dahil wala silang laban sa mga ito. Hindi ko rin sigurado kung may gagawin ang kapulisan ukol dito." Nag-iwas ng tingin ang coach, dumukot ng sigarilyo sa bulsa at nagsindi. Nagbuga ito ng usok sa hangin na tila ba sinusubukang bawasan ang tensyon na nararamdaman.
Tumayo si Mattia at nakipagtitigan sa kausap. Hindi niya nagustuhan ang sinabi nito. "So what do you mean, Coach? Uupo na lang tayo rito at maghihintay? Uuwi na lang tayo na walang napala? At paano si Rainzel?"
"Mattia, hindi lahat ng kaso ay kayang ipanalo. Hindi tayo Diyos para masolusyonan ang lahat ng problema," anito at muling nagbuga ng usok.
"I don't wanna give up yet! Lalo na at nawawala na rin si Rain!" Lumakas ang tono ng boses niya. Hindi na niya mapigilan ang pagbulusok ng damdamin.
"Kung ganoon, may naiisip ka bang plano?" hamon nito.
"Ang mali ng mga kriminal na iyon, minamaliit nila ang kakayahan ng mga paranormal entities. Mas matalino, tuso at malakas ang ibang mga nilalang kumpara sa mga tao. Kaya kung hindi ako makakuha ng tulong sa inyo, sa kanila ako lalapit."
Tumaas ang isang kilay ni Caiden nang marinig iyon.
"Naniniwala rin ako sa kakayahan ni Rain. Makakahanap siya ng paraan. Makakabalik siya ng buhay."
"Sigurado ka?" untag ng lalaki.
Hindi sumagot si Mattia. Kahit sinabi niya ang pangungusap na iyon, ang totoo ay nagdududa rin siya. Hindi siya sigurado kung anong nangyari sa babae at kung kaya nga nitong mag-isa. Ngunit nananampalataya siya. Sigurado siyang buhay pa ang dalawang babaeng nawawala at may pag-asa pang masolusyunan ang kaso.
"Nasaan ka na ba, Rain?" tanong niya sa isipan.
***

BINABASA MO ANG
𝘼𝙙𝙧𝙚𝙣𝙖𝙡𝙞𝙣𝙚 𝙅𝙪𝙣𝙠𝙞𝙚𝙨 : 𝙀𝙡 𝘾𝙖𝙙𝙚𝙟𝙤
ComédieHORROR-COMEDY-MYSTERY-ADVENTURE Series 02 @2024 Nakapagdesisyon si Mattia na sumali sa House of Extraterriastrial and Parapsychology Organization o mas kilala sa tawag na HEAP - isang kilalang organisasyon ng mga magagaling na cryptozoologist at par...