Nakatunghay si Rainzel sa kawalan. Malalim ang kaniyang iniisip habang nakayakap sa sariling mga tuhod. Naglakbay ang kaniyang diwa sa nakaraan.
Kung tutuusin naiintindihan niya ang damdamin ng kliyente, ang desperasyon nitong mailigtas at mahanap ang nawawalang kapatid. Dahil siya rin ay may kapatid na babae at ito ang nanghimok sa kaniya na sumali sa HEAP.
Napabuntong-hininga siya nang malalim at pilit na ibinaon sa puso ang masakit na nakaraan. Kapag naaalala niya ang nakatatandang kapatid ay nadarama pa rin niya ang hapdi sa dibdib.
Bumaling ang paningin niya kay Marriana na natutulog sa loob ng kulungan. Nakayakap ito sa sarili, nakabaluktot habang nakahiga at tila baga nilalabanan ang lamig ng gabi.
Kailangan niyang makaisip ng paraan, kailangan niyang makatakas. Imbis na magmukmok at maghintay mas mabuting may gawin siya. Inikot niya ang paningin sa paligid at nakita niya ang nag-iisang bintana ng kamalig. Kung magagawa lamang niyang makalapit doon at subukang buksan iyon...
Maingat na gumapang siya patungo roon. Ngunit sa kasawiang-palad ay hindi siya nakaabot doon dahil sa kadenang nakapulupot sa kaniyang paa.
Muli niyang sinuri ang paligid at nakakita siya ng bato sa gilid ng pader. Kinuha niya iyon at ipinukpok sa kandado. Ibinuhos niya ang natitirang lakas sa katawan sa pagpukpok. Ngunit kahit gaano pa kalakas, gasgas lamang ang naging resulta at hindi naman nasira ang lock.
Itinigil niya ang ginagawa at napaisip nang malalim. Ano bang dapat niyang gawin?
Hanggang sa nakarinig siya ng kaluskos mula sa labas ng bintana. Ibinaba niya ang batong hawak at napatingin doon. Parang may nagkakaskas sa labas. Pamilyar din ang nararamdaman niyang presensya.
Napanganga siya nang may nagbukas ng bintana mula sa labas at pumasok ang ulo ng nilalang sa awang niyon.
Hindi siya makapaniwala sa nakikita ngunit totoo. Anong ginagawa ng black cadejo rito? Tumingin sa kaniya ang cadejo at biglang kumahol na parang asong nakakita ng amo.
Nag-panic na agad niyang itinapat ang hintuturo sa labi. "Shhh....." saway niya sa ingay nito.
Lumusot ang malaking aso sa bintana at dahil sa laki nito ay nasira ang bisagra saka nahulog iyon sa sahig. Namoblema siya sa ingay na nilikha nito kaya nag-aalala siyang napatingin sa pinto. Sana naman ay walang gang members na makarinig o makapansin sa kanila.
"Dali," bulong niya sa cadejo na tinuro ang paang may kadena.
Lumapit sa kaniya ang nilalang at kinagat ang lock. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang nasira ng malaking pangil nito ang kandado. Hinaplos niya ang paang nakalaya at natutuwang hinawakan ang ulo ng malaking aso. "Good boy."
Saka lamang niya napansin ang suot na agimat ng nilalang. "Kay Mattia ito ah..."
Ngunit hindi ito ang tamang oras para pag-isipan kung paano napunta sa cadejo ang kuwintas ni Mattia. Bumaling ang tingin niya kay Marriana na natutulog pa rin sa loob ng kulungan. Pinilit niyang tumayo ngunit natumba dahil sa sakit na naramdaman.
Napatingin siya sa cadejo nang bigla nitong kinagat ang laylayan ng damit niya at hinila siya na para bang niyayaya na siyang umalis.
Kasabay niyon ay ang pagkaluskos ng pinto ng kamalig at pagsasalita ng mga bantay sa labas. Nag-aalalang napatingin siya sa pasukan at kay Marriana. Anong dapat niyang gawin? Kung hindi siya tatakas ngayon, siguradong mahuhuli siya. Pero iiwan ba niya si Marriana? Kailangan niyang magmadaling mag-isip dahil hindi siya hinihintay ng oras.Maya-maya pa't bumukas ang pinto ng kamalig. Katahimikan ang bumungad sa mga pumasok. Nakanganga silang nakatitig sa kadena at bintanang sira saka napagtantong nakatakas si Rainzel.
Nakasakay sa likod ng cadejo si Rainzel habang mabilis na tumatakbo ang nilalang sa kadiliman ng kagubatan. Sa huli, ay napagdesisyunan niyang tumakas muna dahil sayang ang pagkakataon. Lumingon siya sa likod at ipinalangin na makaligtas din si Marianna. "Hintayin mo ko. Babalikan kita pangako..." aniya sa isip.
***
"Nag-aalala ka pa rin ba?"
Naputol ang pagtunganga at malalim na pag-iisip ni Mattia nang makarinig siya ng boses sa likod. Lumingon siya at parang ikinagulat pa ang paglapit ni Coach Caiden.
"Oo naman," monotone niyang tugon. Sinundan pala ako ni Coach rito. - aniya sa isip.
Tila may nais pang sabihin ang coach ngunit hindi na nito ginawa. Bagkos ay malalim na napabuntong-hininga na lamang ito at iniwas ang paningin.
Nagtatakang tinitigan lamang ni Mattia ang lalaki, pagkatapos ay may narinig siyang ingay mula sa likuran. Luminga siya sa pinagmulan niyon at nanlaki ang mga mata nang matanawan ang kislap ng balintataw ng cadejo sa kadiliman.
Kinuha niya ang flashlight at inilawan ang dumadating. Napalitan agad ng malaking ngiti ang kaniyang pagkabigla nang makita ang mukha ni Rainzel.
"Rain!" sigaw niya at agad na lumapit.
Napanganga rin si Coach Caiden habang nakatingin sa kanilang dalawa. Hindi ito makapaniwalang nagtagumpay ang binabalak ni Mattia. Ang mas lalo pang nakakagulat ay nakasakay ang babae sa likuran ng nilalang.
Huminto ang mga ito nang makalapit si Mattia. Kaagad na inalayan ng binatilyo na makababa nang maayos si Raizel sa likod ng cadejo. Nag-alala agad ang ekspresiyon ng mukha niya nang mapansing may mga pinsala ang dalagita.
"S-Si Marriana... nakita ko na s'ya... " Hinihingal na nagsalita si Rainzel habang nakakapit sa balikat ni Mattia.
"Saan?!"
"Sa loob ng kamalig. D-Doon kami kinulong ng mga gang members..."
Gusto pa sana magtanong ni Mattia ngunit napansin niyang nahihirapan na si Rainzel kumilos. "Mamaya ka na magsalita. Kailangan mo munang magamot. Coach!" Tinawag niya ang lalaking nakatayo lamang doon at nagugulat pa rin sa naabutan.
Ngunit nang marinig ang sigaw niya, tila nahimasmasan ito at mabilis na kinuha ang phone sa bulsa upang tawagan si Señor Gonzales.
"Dito ka lang, Rain," bumaling muli si Mattia sa kaibigan. Pagkatapos ay tumayo siya saka sumampa sa likod ng cadejo.
"Mattia! Anong balak mong gawin?" Biglang nangamba si Rainzel nang makitang aalis ang binata.
Ngunit walang sinabing paalam si Mattia. Seryoso lamang itong tumalilis paalis sa kinaroroonan. Napanganga na lamang sina Rainzel at Coach Caiden nang makitang lumisan ang binatilyo.
"Anong binabalak niyang gawin?" Nahintakutan si Coach Caiden at ibinaba ang hawak na selepono.
"Coach, baka pupuntahan niya si Marriana!" tugon ni Rainzel, "Mapapahamak po siya. Please Coach, sundan n'yo po s'ya!"
At sa ganitong punto, si Coach Caiden naman ang naguluhan sa kung ano ang nararapat na hakbang. Susundan ba niya si Mattia gayong alam niyang hindi magpapapigil ang binatilyo? Napabuntong-hininga siya bago muling inangat ang seleponong hawak at nag-dial ng numero.
Kailangang magbaka-sakali na tutulong ang mga pulis. Alam ni Coach Caiden na hindi nila ito kakayanin dahil isang grupo ng mga tao at isang grupo ng mga supernatural entities ang kalaban nila.
***
BINABASA MO ANG
𝘼𝙙𝙧𝙚𝙣𝙖𝙡𝙞𝙣𝙚 𝙅𝙪𝙣𝙠𝙞𝙚𝙨 : 𝙀𝙡 𝘾𝙖𝙙𝙚𝙟𝙤
HumorHORROR-COMEDY-MYSTERY-ADVENTURE Series 02 @2024 Nakapagdesisyon si Mattia na sumali sa House of Extraterriastrial and Parapsychology Organization o mas kilala sa tawag na HEAP - isang kilalang organisasyon ng mga magagaling na cryptozoologist at par...