Susi ng Kalayaan

5 0 0
                                    

SUSI NG KALAYAAN|ZJ Terrago

(Napangiti si Myka dala ng pagsubok na nalampasan. Nabatid niyang hindi totoong tao si Ms. Delajoya kundi siya ang itim na engkanto na nagpanggap na tao upang maghasik ng kalupitan sa kanilang magkapatid.)

SA pagmamadaling mabuksan ang dahon ng pinto hindi sinasadyang nakabasag si Myka ng isang plorera. Dahilan upang matikman na naman niya ang kamay na bakal ni Ms. Delajoya. Nabatid niyang napakasalbahe at napakasama pala ng kinuha ng kanilang magulang na mag-aalaga sa kanilang magkapatid. Pinagbantaan pa siya nito na oras na magsumbong siya sa magulang buhat sa America kung saan ang mga ito nagtatrabaho ay makikita nila ang kanilang hinahanap.

Sa nagawang maliit na kasalanan ikinulong siya nito sa madilim na silid. At hindi rin siya binigyan ng pagkain.

Gumawa naman ng paraan si Edison upang makakain ang kanyang ate Myka na buong araw ng hindi nakakakain. Gusto sanang niyang palabasin ang kanyang ate ngunit natatakot siya sa maaaring gawin ni Ms. Delajoya. Baka tulad ng kanyang ate Myka ay ikulong din siya nito. O paghahampasin ng lagi nitong dalang baston.

Wala naman silang magawa kundi ang magtiis at sumunod sa lahat na ipinapagawa nito. Parang sila na tuloy ang katulong nito at ito ang may-ari ng kanilang bahay.

Sa halip na tratuhin silang magkapatid sa tamang pamamaraan ito pa ang may ganang magalit sa kaunting pagkakamali na kanilang nagawa. Pakiramdam tuloy niya, sila ang alipin at donya naman si Ms. Delajoya. Dahil sila ang gumagawa ng lahat na mga gawain sa bahay ultimo paglalaba ng panloob nito sa kanila ipinapagawa. Parang bumaliktad ang mundo sa kanilang magkapatid.

Minsan nga ay tumawag ang kanilang magulang at naunahan ni Myka sa pagsagot ito ay labis itong magalit sa kanya. Hindi naman nila magawang magsumbong dahil bawat tawag ng kanilang magulang ay nasa tabi nila ito. Dinidiktahan sila sa kung ano ang dapat nilang isagot.

"Kumusta ang baby namin diyan? Kumakain ba sila ng mabuti?" pangungumusta ng kanilang ama

"Ah..." napatingin siya kay Ms. Delajoya at pinandilatan siya ng mga mata nito. Para bang sinasabi nito na sagutin ng tama ang tanong ng magulang kung hindi ay... Isa itong babala para sa kanila na maging maingat sa anumang sasabihin. At pawang mabubuting bagay lamang ang dapat nilang sabihin at puriin ito upang gumanda ang imahen. "Ah, daddy maayos naman kami dito ng kapatid ko at wag po kayong mag-alala ang bait nga po ni Ms. Delajoya," parang gusto niyang isuka ang lahat na mga sinabi niya.

Lahat ng kanyang mga sinasabi sa ama ay pawang mga papuri sa kabaitang ipinapakita nito sa kanila ngunit kasalungat ito sa pinagdadaanan nilang magkapatid sa mga kamay nito.

"Sige na ho, daddy. Bye na po," pagtatapos niya ng usapan.

"Bakit mukhang nagmamadali yata ang baby namin?"

"Madami po kasi kaming homework ng kapatid ko..." Di na pinatapos pa nito ang gusto pa sana niyang sabihin dahil bigla na lamang nito pinatay ang tawag.

"Hala, Myka, Edison!" sigaw nito. "Bumalik na kayo sa gawain ninyo at dapat pagbalik ko malinis na ang bawat sulok nitong bahay!"

Hindi pa man siya nakasasagot dito ay tinalikuran na siya nito at deretso na sa labas upang gumimik kasama ang mga kaibigan nito.

Dahil sa sobrang pagod na naramdaman ay pareho silang nakatulog na magkapatid.

Agad din siyang napamulat ng makarinig ng marahang mga katok buhat sa pinto ng kanilang silid. Kahit inaatok at gusto sana niyang bumalik sa pagkakaidlip, iniisip niyang baka ito na si Ms. Delajoya at malintikan na naman sila.

Tinungo niya ang pintuan. Ipipihit na lamang niya ang doorknob ng pinto ng matigilan siya sa kakatwang ingay na nagmumula sa isang sulok ng silid na kinaroonan nila.

Lihim ng Pulang LibroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon