Franco's POV
Hindi pa nakuntento ang isang 'to, at talagang bumaba pa ng truck at hinampas ang likod ng kotse ko!
"Ano ba? Hindi ka ba uusad? Babanggain kita!", aniya at hahampasin pa sana ulit ang sasakyan nang sumilip ang babae mula sa loob.
"P-pasensya ka na ulit. A-aalis na ako.", sabi ng babae, pero napabalik ulit ang tingin ko kay Azrael nang hinawi niya ang kaniyang kamay at biglang umikot ang sasakyan ko at halos bumunggo ito sa bumper ng truck!
"Putang—! Siraulo ka ba?! Bagong bili ko 'to!", sigaw ko at tinapik ang kamay niyang nabitin sa ere.
Para akong nabalik sa ulirat nang maalala ang babae sa loob!
Hayop, may tao sa loob, baka nahilo na 'yon sa rahas ba naman ng pagpapa-ikot ni Azrael sa kotse!
Iniwanan ko si Azrael para masipat ang babae sa loob, pero laking gulat ko nang wala na siya roon, at sa halip ay may isang malaking ahas na kamuntikan na akong tuklawin!
"Ah!", hiyaw ko nang subukan nitong manuklaw muli!
"Ingay talaga, parang hindi lalaki kung tumili.", pang-aasar ni Azrael habang kalmadong naglalakad palapit sa ahas.
Ikinumpas niya paikot ang isa niyang kamay at kitang-kita ko kung paanong nabuhol ang katawan nito! Ibinalik ko ang tingin kay Azrael, nakakunot na ang noo niya, mukhang galit na hindi maintindihan.
Ikinumpas niya paitaas ang kamay kasabay ng pag-angat din ng ahas sa ere, ibinaba ang kamay at mariin na ikinuyom ang kamao. Hindi nagtagal ay naputol ang katawan ng ahas!
Tumambad sa akin ang isang— ano 'to?!
"Anak ng diyablo.", nasagot ni Azrael ang katanungan sa isip ko.
Hindi ko maintindihan kung anong itsura ng nilalang na 'to. May maliit at payat na payat na katawan na animo'y butong binalot lang ng manipis na balat. Maputlang maputla ang balat na bakas ang magkahalong kulay ng asul at itim na mga linya ng ugat. Parang deformed ang halos bungong mukha, naka-usli ang patulis na mga ngipin at purong itim lang ang kulay ng mga mata.
"Diyablo? Ito ba 'yong kaninang— Azrael!", mangiyak-ngiyak kong binanggit ang pangalan niya nang maalalang itong nilalang na 'to mismo ang kausap at sakay ko sa likod ng sasakyan kanina!
Dala ng sobrang takot ay medyo patakbo akong lumapit kay Azrael, pero syempre pinigilan kong kumapit sa braso niya, mahirap na at baka kung ano pa ang isipin nito.
Pero grabe, tang ina ng mga nangyayari sa'kin magmula nang hawakan ko ang kaso ni Palaez! Parang ayoko na maniwala!
"Ano? Magpapasalamat ka ba? O hihingi ka ng tawad dahil muntik mo na akong ipahamak?", aniya at naglakad pabalik sa truck ng basura. Sinundan ko naman siya. Ano namang pinagsasabi nito?
Ipinitik niya ang kamay at biglang nawala ang truck. Ngayon ko lang din napansin na para akong bumalik sa lugar kung saan ko nasagasaan ang babae. Narito na naman ako sa may daan sa gilid ng bangin!
"Magmula nang kausapin mo siya, nasa ilalim ka na ng kapangyarihan niya. Akala mo nasa ospital ka na, ang hindi mo alam nasa bingit ka na ng kamatayan.", hindi ko nakikita ang mukha niya, pero sa tono niya palang, palagay ko nakangisi na naman siya.
"Hindi ko alam kung makapangyarihan ba ang mga demonyo, o sadyang mapaniwalain at mahihina lang ang mga tao.", umiiling niyang sabi habang naglalakad pabalik. Ipinitik niya ang daliri at mabilis na nasunog ang katawan na nakahandusay sa lupa.
Nang huminto siya sa harap ko ay humangin nang pagkalakas-lakas. Inilahad niya ang kaniyang palad at may inilabas na parang scroll. Doon ay pumasok ang nagliliyab pang mga piraso ng alikabok mula sa nasunog na katawan ng babae.
BINABASA MO ANG
Angel of Death (Aetherium Trilogy #1)
FantasyIn the celestial realm where souls depart for their afterlife, an angel of death carries out the sacred duty of guiding them towards their right paths: an everlasting life in heaven or a ceaseless agony in hell. However, before being executed in hel...