Kabanata 7: Ruptured Realms

72 4 0
                                    

Azrael's

"Kuya, bili na po kayo ng sampaguita. Sampung piso lang po isa.", nilapitan ko ang batang babae na nagbebenta sa gilid ng simbahan.

"Anong ginagawa mo rito?", tanong ko.

"Kuya, sampaguita po, bili na po kayo.", nakangiti nitong saad.

Pinadaan ko ang palad sa kaniyang mukha. Nagtataka naman niya akong tinignan. "Ano po 'yon?", tanong niya nang suriin ko ang kaniyang mukha maging ang kaniyang kamay at braso.

Nakarinig ako ng mahinang tawa mula sa likuran ko. "Pati ba naman bata, pinagdidiskitahan mo, Azrael?", nilingon ko ang nagsalita.

"Anong ginagawa ninyo rito?", asik ko.

Nginisian ako ng batang nagtitinda. Pinasadahan niya ng tingin ang paligid at saka pumikit at pagdilat niya'y kami nalang tatlo nila Amschel ang narito sa labas ng simbahan.

"Kumusta, Azrael?", nakangiting bati ni Lilia, ang Diyosang tagapamahala sa pagsilang.

"Anong ginagawa niyo rito?", tanong kong muli.

Nagtinginan silang dalawa, si Amschel ang nagsalita. "Nandito kami para balaan ka. Unti-unting nawawala ang balanse ng mundo, Azrael. At dumarami na ang nakaliligtaan mong kaluluwa.", ani nito.

"Anong ibig mong sabihin?", pagtataka ko.

Hinawakan niya ang kamay ko at nang mapatitig ako sa kaniyang mga mata ay parang salamin na nakita ko ang paglapit ni Ramiel kay Palaez.

"Palalayain na kita. Sige, huwag kang matakot. Tanggapin mo nang buong puso ang aking kamay.", nakangiting saad nito. Tinanggap ng huli ang kaniyang kamay at ang sumunod na nangyari ay malakas na inihampas nito ang kaniyang ulo. Sobrang lakas na agad din nahati ang kaniyang bungo.

Dinampot ni Ramiel ang isang bilog na bagay, pakiwari ko'y naroon ang kaluluwa. Nilunok niya iyon at nakangiting sinuri ang kaniyang kamay.

Kita ko ang pag ngisi ni Ramiel nang sulyapan pabalik ang walang buhay na katawan at daanan ang mga taong hindi siya nakikita.

Pumikit si Amschel at nawala na ang mga imahe sa kaniyang mga mata.

"Isa lang 'yan sa maraming makasalanang kaluluwa na nakakalap niya. Mag-iingat ka, Azrael.", seryosong turan nito.

"Hindi pa namin alam kung anong binabalak niya, pero kung patuloy na hindi mo magagampanan ang iyong tungkulin ay maaring magdusa ang lahat, at maging ikaw ay mapaparusahan.", malungkot na saad ni Lilia.

"Anong gagawin ko?", tanong ko nang makabawi.

"Ikaw lang ang makakasagot niyan. Ang mahalaga ay nabalaan ka na. Nasa sa'yo na kung anong hakbang ang gagawin mo upang mapigilan ito.", hinaplos ni Lilia ang aking mga mata, at pagmulat kong muli ay nakaupo na ako sa loob ng simbahan.

Saglit akong umusal ng dasal. At paglabas ay nakakita ng batang nagtitinda ng bulaklak. "Bili ka po ng sampaguita? Sampu lang po.", nginitian ko ang bata at inabutan ng pera.

"Wala po kayong barya?", ani nito habang nagkakalkal sa kaniyang bag.

"Makinig ka, ialay mo lahat ng bulaklak na 'yan doon sa altar sa simbahan.", hinawakan ko ang kamay niya, "At ito, para sa'yo 'to.", ani ko at hinawakan ang kaniyang pala-pulsuhan at kinabit doon ang isang pulseras.

"Ang ganda naman po. Kaso, hindi ko po matatanggap 'to", aniya pero agad na akong naglaho.

Sa ngayon ay hindi ko pa alam kung anong maari kong gawin, pero isa lang ang natitiyak ko, hindi ko hahayaang maging ang mga malilinis na kaluluwa ay makuha nila. Iingatan ko ang lahat.

Hindi maaring magtagumpay ang mga katulad ni Ramiel.

Nilapastangan nila Siya, at ang kapangyarihang mayroon ako.

Pinakialaman niya ang bagay na hindi niya saklaw. At hindi ako papayag na hindi mabawi ang mga kaluluwang kinuha niya. Sinisiguro kong magbabayad siya.

***

Franco's POV

Pag-alis ni Azrael, sakto namang nakatanggap ako ng tawag mula sa isang unregistered number. Nang sagutin ko naman ay paghinga lang ang narinig ko. Dalawang beses naulit iyon sa buong maghapon. Hindi ko pinapatulan ang mga ganitong mapang-trip, pero sa init ng ulo ko ngayon, kung tatawag ulit 'yon mumurahin ko na.

Kagagaling ko lang ng hq dahil binalikan ko pa roon ang iilan kong mga gamit. Kanina ay naipaabot na rin sa natitirang pamilya ni Amelia Palaez ang kaniyang kinahinatnan. Nakitaan ko ng magkahalong lungkot at kaginhawaan ang kapatid niya nang makita na nito ang bangkay ng kapatid sa punerarya ng ospital.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwalang wala na si Palaez, ngunit mas hindi ako makapaniwala na parang walang alam si Azrael sa pagkamatay nito samantalang siya ang taga-gabay ng mga kaluluwang pumanaw ayon sa kaniya.

Sa kalagitnaan ng pag-iisip ay hindi ko inasahang may isang babaeng biglaang tatakbo patawid. Hindi gaanong mabilis ang pagmamaneho ko, pero dahil sa liit ng katawan niya ay gumulong siya sa lupa!

Kaagad akong lumabas ng sasakyan upang daluhan siya. "Miss! Miss!", tinapik ko pa siya at niyugyog, pero hindi siya nagmulat o gumalaw.

Agad ko siyang binuhat at sinakay sa kotse para madala sa pinakamalapit na ospital. Nang maihiga ko ito nang maayos sa backseat, ay agad na akong nagmaneho nang mabilis. Magkahalong kaba at takot ang nararamdaman ko ngayon dahil aminado akong lumilipad nga ang isip ko nang mabangga ko siya.

Binilisan ko pa ang pagpapatakbo, at ilang minuto lang ay nasa ospital na kami.

"Ay puta!", gulat na saad ko nang mapansing nakaupo na siya sa likuran.

"Ayos ka lang ba, Miss? Anong nararamdaman mo? Nahihilo ka ba? May masakit ba sa'yo?", sunod-sunod kong tanong.

Pumikit siya kaya lalo lang nadagdagan ang kabang nararamdaman ko. Nagmamadali akong lumabas ng sasakyan para dalhin na siya sa loob ng ospital.

"Miss! Miss halika, dapat matignan ka na aga-"

"'W-wag na. Ayos lang ako.", mabilis niyang sabi at akmang lalabas.

"Hindi, responsibilidad ko na ipatingin ka, baka mamaya may injury ka. Gumulong ka kanina no'ng nasagasaan kita eh.", sabi ko habang sinusuri ng mata ko ang braso niya para maghanap kung mayroong sugat.

"Ayos lang ako. Pasensya na, naabala pa kita.", ani niya at nakayukong pinaglaruan ang mga daliri.

"Ha? Ako ang dapat humingi ng dispensa dahil nasagasaan kita. 'W-wag mo sanang masamain, pero bakit ka kasi tumawid nang alanganin? Hindi mo ba nakita 'yong stoplight?", nag-iingat kong turan.

"Stoplight?", taka niyang tanong nang mag-angat ng tingin sa akin.

"Oo, 'yong stoplight, traffic light? 'Yong umiilaw tapos nag i-indicate kung pwede o hindi puwedeng tumawid.", pagpapaliwanag ko.

Mukha siyang timang na itinabingi lang ang ulo. Hindi kaya abnormal 'to? O naapektuhan ang utak no'ng gumulong? Ang ganda pa naman sana.

"H-hindi ko talaga alam.", napaiwas siya ng tingin bago halatang nag-aalangang nagsalita.

"Kasi- kasi kanina, tumawid ako kasi-", naputol ang sinasabi niya dahil sa isang malakas na busina. Truck! Ano namang ginagawa ng truck ng basura rito sa likuran ng kotse ko?! Bumusina pa ng tatlong beses ang driver.

"Hoy! At diyan pa talaga kayo tumambay! Nakahambalang kayo sa daan!", napalingon ako sa maingay na pamilyar na boses. Sino pa nga ba ang sumusulpot at nawawala nang biglaan? Wala ng iba kundi ang kabuteng anghel na si Azrael!

Angel of Death (Aetherium Trilogy #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon