Franco's POV
Kagat ang ballpen, sa nanginginig na kamay ay isa-isa kong tinignan ang araw na may nawawala. Ang una ay naganap ng Miyerkules, and sumunod ay noong araw ng Huwebes. Tinignan ko pa ang kasunod, at tumapat iyon ng Biyernes!
Kinuha ko ang isang maliit na card na sa likod ay may naka-immprentang kalendaryo. Doon ay binilugan ko isa-isa ang bawat araw. Hindi ko akalain na sobrang dali ng pattern na ginamit. Ang buong akala ko may ibang ginamit na basehan, tipong may equation na involved o may hint na nagmula pa sa mga sinaunang sibilisasyon. Iyon pala- tangina, masyado akong nag-expect! Bakit ba hindi ko agad naisip na pupwede ngang ganito lang kasimple ang sinusunod ng suspek!
Sunod kong binigyan ng atensyon ang laktaw sa mga linggo. Bagamat nakuha kong ang laktaw sa mga linggo ay naka-base sa kung pang-ilan sa pagkakasunod ng mga buwan sa buong taon ang huling buwan noong kumilos siya, mayroon pa rin butas.
Kung susumahin ang abduction dates base sa speculations ko, dahil ang sumunod sa March 20 ay April 11, lumalabas na bumilang siya ng ikatlong Linggo dahil pangatlo ang March sa mga buwan sa kalendaryo. Ang sumunod na rito ay bibilang pa ng pang ika-apat na week.
Tinignan ko ang binilugang dates, at saktong tumapat nga ang kasunod nito sa May 10. At dahil pang-lima ang May sa mga buwan, bibilang ulit ng pang-limang Linggo para sa araw ng kasunod! Hindi talaga akma dahil ang lumalabas na kasunod ay magaganap dapat noong June 15.
Itinuktok ko ang ballpen sa lamesa. "Pero kung magbibilang ako ulit alinsunod sa laktaw mula June 15...".
"July 27 ang kasunod na pang-anim na Linggo!", saktong sakto sa araw ng huling abduction na naitala!
Napapaisip ako ngayon kung sinadya niya bang magkaroon ng bungi ang sunud-sunod niyang pagdakip, o mayroong... natigilan ako sa sariling naisip.
Nagtipa ako sa cellphone at akmang tatawagan ang numero ng isang kasamahan, ngunit pipindutin ko palang ang call button nang biglang rumehistro ang parehong numero sa screen.
Sa gulat ay ilang segundo pa itong nagring bago ko nasagot, at walang bati-bating binungaran niya ako ng panibagong balita.
"Inspector, hindi ako di-diretso sa opisina, may natanggap akong balita. May babae raw na natagpuang nakalutang malapit sa creek. Ite-text ko sa'yo ang address, sumunod nalang kayo. Suriin mo ang bangkay, baka isa sa mga babaeng nawawala. Posibleng konektado ang krimeng ito sa hawak mong kaso."
Kakaibang kaba ang nararamdaman ko sa mga oras na ito. Pakiramdam ko ay napakabagal ng pagpintig ng puso ko, at sa tuwing pipintig ay ramdam na ramdam ko ang mabibigat na tibok.
Madalian kong dinampot ang susi ng sasakyan at nagtungo sa labas matapos kong abisuhan ang mga kasama tungkol sa naturang tawag.
Patungo sa creek ay paulit-ulit pa akong nagmura, hindi ako mapakali na sa tuwing maaabutan ng paghinto dulot ng stoplight ay nahahampas ko ang manibela at susundan ng sunud-sunod na pagbusina, at nang maka-alpas sa dagat ng mga sasakyan ay pinaharurot kaagad ang sasakyang gamit patungo sa nasabing creek.
Pagbaba ko palang ay sinalubong na ako ng kasamahang tumawag. Halos sabay kaming nakarating ni Chief na ngayon ay abala na sa pakikipag-usap matapos lapitan ang bangkay.
"Ayon sa basurerong nakakita, noong napansin niya ang maletang nakalapag sa batuhan, lumapit siya kaagad sa pag-aakalang may lamang mga damit o mga bagay na puwede niyang mapakinabangan. Pero nang palapit na sa puwesto ng maleta, ay may nakita siya nakalutang na wig."
Napahinto ako sa paglalakad, ilang hakbang ang layo mula sa puwesto kung saan natagpuan ang bangkay. Inangat ko ang paa at marahang umupo upang tignan ang kamuntik ko nang natapakan.
Maingat kong kinuha ang may kahabaang kukong natagpuan sa pampang upang maitabi para maipasa-ilalim sa test. May iilang gamit pa kaming nakalap, kasama na ang wig na unang natagpuan.
Matapos ang paunang imbestigasyon sa creek ay pinaubaya namin ang katawan ng biktima para sa isasagawang autopsy. Habang nag-aayos ang mga kasamahan ay nagpasya akong maglakad-lakad para suriin ang lugar.
Tahimik dito, at medyo madalang ang mga sasakyang nagdadaan. Wala manlang kabahayan sa paligid, kaya naman sa palagay ko ay medyo matagal ng nakalublob ang walang buhay na katawan ng babae sa mababaw na parte ng tubig bago pa ito natagpuan ngayon.
"Malakas ang pakiramdam ko na may koneksyon ito sa abductions na naganap nitong mga nagdaang buwan, ano sa palagay mo, Valdez?", ani Chief na tinabihan ako mula sa pagkakasandal sa hood ng sasakyan.
Inabot na kami rito ng paglubog ng araw, abala pa rin ang ilan sa amin.
Nilingon ko ang hepe. Sa dami ng laman ng isip ko, wala akong naimutawi maski isa. Nang walang nakuhang sagot, tinapik niya ang balikat ko bago nagbilin na umuwi ako't magpahinga kahit saglit dahil pagbalik sa istasyon ay marami kaming pag-uusapan.
BINABASA MO ANG
Angel of Death (Aetherium Trilogy #1)
FantasyIn the celestial realm where souls depart for their afterlife, an angel of death carries out the sacred duty of guiding them towards their right paths: an everlasting life in heaven or a ceaseless agony in hell. However, before being executed in hel...