CHAPTER 2

707 28 8
                                    

"Taray talaga ng world war n'yo, ano? Pang-ilan na ba iyan? Aba! Pwede na kayong ipadala sa Spatly Island bilang sundalo, eh," natatawang ani Keira habang nag-aayos kami ng gamit.

Inirapan ko naman siya. "Spratly 'yon, gaga!"

"Aba'y sinadya ko iyon. Akala mo ikaw lang matalino?" balik niyang singhal habang natatawa pa rin.

Nailing na lang ako at itinuloy ang pag-aayos ng mga libro ko. Bachelor of Science in Architecture ang course namin ni Keira, tapos na ang klase namin kaya naman malaya na siyang nakadadaldal ngayon. Alam niya kasi na kapag oras ng discussion, ayaw kong ginugulo ako. Hindi ako competitive, ayaw ko lang talaga na malayang nakapagyayabang si Luci. Yep, Luci, Lucifer, also known as Vladimhyr. Sa kasumpa-sumpang pagkakataon, architecture din ang trip niya.

Isinukbit ko ang T-square ko at nakahanda na sana sa pag-alis nang mangunot ang noo ko dahil sa pagsulpot ng malas sa harapan ko. Ayon na naman ang nakapaskil na mapang-asar na ngiti sa mga labi niya. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa na ikinaangat ng isa kong kilay.

"Hindi ka na little red riding hood ngayon," aniya.

Palihim akong nagtiim-bagang. Tama nga ako, siya ang may pakana ng spaghetti na nalaglag sa akin kanina paglabas ko ng room. Naiwan kasi kami ni Keira dahil tinapos ko pa ang sketch ko. Mabuti na lang talaga at vacant namin kaya nagawa ko pang makapagpalit, kung nagkataon na may next class kami at na-late ako, papanutin ko talaga ang devil cut niyang buhok.

Umismid ako at nilabanan ang tingin niya. "Salamat sa pagpapaalala ng atraso mo, huwag kang mag-alala, susuklian kita nang maayos." Pagkatapos niyon ay malakas ko siyang binundol sa balikat para lagpasan.

"Oy! Bella! Hintayin mo ako. Kingna mo kasi, Vlad. Iniwan tuloy ako," dinig kong reklamo ni Keira habang palabas na ako ng pintuan ng silid.

Buwisit talaga 'yon. Napaka-petty palagi ng galawan. Para siyang high school bully kung umasta. Sabagay, ano pa ba ang aasahan ko? Hindi lang siya sugo ni Satanas, best friend 'ata sila. Sanggang-dikit.

"Hoy, Bella. Hintayin mo naman ako, maawa ka sa maliliit na biyas ko," singhal ni Keira nang maabutan ako.

Umirap ang mga mata ko. "Dalian mo kasi. Malas na nga ang umaga ko, baka pati ang gabi ko madamay pa dahil sa immature na iyon!"

Natawa naman siya at inakbayan ako. "Alam mo, Bella. Kung hindi mo lang ako kaibigan at kung hindi ko lang alam ang galit mo sa kaniya, tulad ng mga schoolmate natin ay iisipin kong nagpapapansin kayo sa isa't isa," biro niya.

Matinding pagpipigil ang ginawa ko huwag lang siyang sikuhin. Oo, sadista na kung sadista. Nakaiinis kasi. Pinaalala na naman niya ang mga delulu naming schoolmate na shini-ship kaming dalawa.

Hello? Hindi ba nila nakikita na kulang na lang ay magpatayan kami ni Luci?

Katulad ng mga nasa telenobela, sikat si Vladimhyr sa school namin. Well, gano'n din ako. Varsity siya ng basketball habang kasali naman ako sa cheerleading group ng school namin. Hindi naman sa pagmamayabang pero isa ako sa asset ng grupo. Dahil pareho kaming may image at medyo maingay sa campus, madalas kaming biruin sa isa't isa. Weekly na lang 'ata ay nakikita ko ang mga pangalan namin sa blogsite ng eskwelahan.

Next time, ha-hunting-in ko na talaga ang journalist na gumagawa ng abnormal na kuwento sa aming dalawa. Itutuwid ko ang baluktot niyang paniniwala. Peste siya!

"Paano nga ulit nagsimula ang away n'yo?" usisa ni Keira habang naglalakad na kami palabas ng campus.

Sa hindi mabilang na pagkakataon ay iniirap ko ang aking mga mata. Duda akong nakalimutan na niya ang bagay na iyon. Gusto niya lang talaga ipaulit sa akin ang dahilan.

Yield to the Flames (ongoing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon