III: Rekindle

24 3 0
                                    

Nang bumalik si Narra sa sala ay nababalot na ang espasyo ng kaaya-ayang amoy ng mga nakahandang ulam sa kusina. Sinundan niya ang mga ito hanggang sa matagpuan ang kanyang lola Dillenia sa lamesa kasama ang kanyang dalawang batang apo, habang ang kayang tita Ely at tito Bani ay kinukumpleto ang mga ulam na inihahanda sa lamesa.

Binati nila si Narra ng kanila itong makita.

“Narra, apo, halika. Dito ka nalang maupo sa tabi ko,” anyaya ng kanyang lola.

“Sakto ang dating mo, Narra,” sambit naman ng kanyang tita Ely at inilapag ang mangkop ng adobo sa lamesa, “handa na ang ating hapunan.”

“Dapat mong matikman ang masarap na luto ng iyong tita Ely, Narra,” mungkahi naman ng kanyang tito at siya na ring umupo.

Napatitig si Narra sa mga putahe. Adobong manok at baboy, makintab sa sarili nitong mantika matapos pakuluan hanggang sa ito’y matuyo, puting usok ay sumasayaw paangat mula rito. May pritong tilapia, gigginto sa wastong pagkakaluto. At mayroong tinolang manok, na mas dilaw ang kulay ng mga laman kumpara sa kanyang nakasanayan.

“Iyan ay native, pamangkin,” tugon ng kanyang tito sa tinola, “Mas malinamnam ang lasa kumpara sa mga pangkaraniwan.”

“Organic po,” bigkas naman ni Katmon.

Nagbigay si Narra ng ngiti, ngunit hindi pa rin siya nakumbinsing masarapan dito. At tila napansin ito ng kanyang lola.

“Paburito iyan ng papa mo, apo.”

“Ah gano’n po ba?” Ngunit ang totoo ay wala siyang pakialam sa bagay na iyon. Dahil kung tutuusin, dapat ay alam na niya iyon simula’t sapul. Pero wala siyang maalalang paburitong ulam ng kanyang papa, sa halip ay ang walang kibuan nila ng kanyang mama sa hapagkainan, at ang kasunod na sigawan sa tuwing nagsara na ang kanyang silid. Ngunit gayon pa man ay pinili niyang sabuyan ng ngiti ang kanyang mukha para sa kanyang lola.

“Pati ng mama Louise mo noong ikaw ay kanyang pinagbubuntis,” dagdag pa ng kanyang lola Dillenia.

Doon napukaw ang kanyang tunay na interes. Muli niyang tinitigan ang gigintong putahe at sa isang iglap ay nagkaroon na ito ng sigla, ang aroma nito’y nangibabaw sa lahat at ninamnam ni Narra ang bawat langhap nito.

“It’s good to know po, lola.”

Nakita nyang balak pang magtanong ng kanyang lola patungkol sa buhay nila sa ibaba,  at sa naging buhay nila ng magkakasama pa sa Manila. Ngunit ang kasagutan ay tila nakuha na ng matanda sa mukha ng kanyang apo, sa pagbabago ng interes niya depende sa kung kanino ito patungkol. Sa halip, “tayo na’t magbigay salamat sa mga biyayang ito.”

Nalaman niya kalaunan na ang isda ay para sa kanyang lola. Nagpatuloy sila sa pagkain habang ibinahagi ng kanyang tita Ely sa kanya ang mga bawal na pagkain para sa kanyang lola, at kung ano-ano ang mga mainam. Gulay, kaunting asin, mantika, asukal, at kung ano-ano pa. Pinakinggan ito ni Narra, dahil bukod sa magbakasyon at mabored ay kailangan niya rin tumulong sa pagaalaga sa kanyang lola, na nagkaroon ng pagkahilo nitong mga nakaraang linggo at hanggang ngayon ay nagpapagaling pa at nangangailangan ng gabay base sa doktor na ipinadala ng kanyang papa dito.

Bilang Mayor ng kanilang bayan, mayroong ganoong kakayahan ang kanyang papa.

Nalaman niya rin ang mga gamot na iniinom ng kayang lola, kung anong oras, at kung anong mga kondisyon.

“Mamaya, Narra,” wika ng kanyang tito Bani, “ay sasamahan ka ng tita Ely mo para ipakita sa ‘yo ang mga pinaglalagyan namin ng mga gamot.”

Ang hapunan ay dumaloy tungo sa ilan pang kuwentuhan. Gustong itanong ni Narra kung sila ba ay masaya na sa lugar na ito, liblib, malayo sa mga establishimento at mga tao. Pero hindi niya alam kung paano ito sasabihin kaya naman pinili na lang niya itong isantabi.

MISTY (Filipino Fantasy Novel)Where stories live. Discover now