Sa panaginip ni Narra, natagpuan nya ang isang bola ng gigintong liwanag. Dambuhala. Parang isang bituin mula sa kalangitan na direktang bumagsak sa kanyang harapan.
Nilamon nito ang kumpol ng mga puno, ang paligid kung nasaan man sya ngayon... nilamon nito ang lahat.
Hindi nya maalala kung paano sya napadad sa dambuhalang bola ng liwanag, basta't ang tanging alam nya ay sinusundan nya ang mga naglalarong alitaptap sa kahabaan ng makipot at madilim na daan ng gubat.
Sa mabigat na katahimikan, ang bola ng gintong liwanag ay bahagyang gumalaw. Umalog ang buong paligid, at dahan-dahang bumalot sa ibabaw nito ang itim na anino. Bumulusok ang hangin nang ang dalawang itim na hugis sa ibabaw ng liwanag ay tila pumagaspas.
Nagpatuloy ang pagaspas ng mga itim na pakpak. At nang lumutang ang dilaw na bola ng liwanag ay natukoy na ni Narra kung ano ito.
Isang dambuhalang alitaptap.
Biglang nagising si Narra. Hinahabol ang bawat hangin na tila ba ito'y maglalaho sa anong oras. Nakapaskil pa rin sa kanyang isipan ang kakaibang imahe mula sa kanyang panaginip. Magkakasunod na kurap ang kumawala sa kanyang mga mata, ginigising ang sarili. Makapal na pawis ang bumabalot sa kanyang noo at likuran.
Hanggang sa unti-unti na ring bumagal ang kanyang paghinga, at doon na napansin ni Narra ang kanyang paligid.
Madilim pa sa buong silid, maging sa labas. Binawi nya agad ang tingin nya sa bintana sa sandaling ito'y magawi. Sa orasan sa dingding ay nalaman nyang mag-aalas quatro na ng umaga. Umiling sya. Alam nyang hindi na sya makakabalik pa uli sa pagkakatulog.
Must be a really bad dream, and my sweaty body proves it, buntong hininga ni Narra. Bumangon sya at unang pinunasan ang makapal na pawis, mabilis na nawala ang init sa katawan ni Narra dulot ng malamig na klima ng gubat, at nagsuot ng panibago. Isang malambot na cotton, at nagpatong pa ng kulay kalawang na cardigan mula sa kanyang mama.
Isinuot nya ang kanyang mga paa sa malambot na tsinelas sa ibaba ng kanyang kama, pinatay ang mahinang bumbilya ng kanyang lampara, at dali-daling nilisan ang silid. Tinahak nya ang hallway diretso sa kusina, kung saan kanyang nilagop ang isang baso ng tubig. Kulang. Uminom pa sya ng panibago. Umagos ito sa nanunuyo nyang lalamunan.
Nakakabingi ang katahimikan sa espasyo at tanging malamlam na liwanag ng isang dilaw na bumbilya mula pa sa sala ang humihiwa sa dilim. Hindi na nya kailangan pang puntahan ang bawat silid para masabing tulog pa ang kanyang lola at mga pamangkin. Ngunit alam nyang nakaalis na ang kanyang tito Bani at tita Ely dahil sa mga lutong ulam sa lamesa. Sinangag, itlog, pritong talong at talbos ng kamote, at nilagang saging na saba. Bagong luto. Ibig sabihin ay kakaalis lamang nila.
Pinagtimpla nya ang kanyang sarili ng mainit na tsokolate, at nagisip ng pwede pang maidagdag sa mga putahe.
Ngunit bago pa man may lumitaw sa isip ni Narra, mahinang kislap ng ilaw ang nahagip sa sulok ng kanyang paningin. Nahatak ang kanyang tingin sa pintuan ng sala at napansing may nakabukas na ilaw sa labas, bagay na hindi nya napansin kanina kamamadali.
Nilisan nya ang kusina at binaybay ang sala sa tahimik na mga yapak. Maybe tito Bani and tita haven't left yet.
Ang busol ng pintuan ay gawa sa kahoy, at sandaling napatigil si Narra upang maaliw rito. Pinihit nya ito at marahang langitngit ng pinto ang kumawala. Tumindi pa lalo ang tunog ng mga naghahabulang tagatak ng bumubuhos na ulan.
Ngunit walang tito Bani at tita Ely syang natagpuan sa terrace. Sa halip, nakita nya ang kanyang lola Dillenia, payapang nakaupo sa tumba-tumba. Makapal na tela at balabal ang nakabalot sa kanya.
Naalarma sya, ngunit bago pa ito mabigkas ni Narra ay inunahan sya ng kanyang lola.
"Magandang umaga sa iyo, Narra, apo."
YOU ARE READING
MISTY (Filipino Fantasy Novel)
FantasyIn the mountain valleys of upper Luzon lies a remote village, misty from the steady rain that seem to never end. After graduating from senior high school, Narra, a girl from the cities of metro manila, has to spend her summer in a remote village upo...