Chapter One

1.3K 17 0
                                    

CHAPTER ONE

“SIMPLE lang naman ang sinabi ko, Jaina. Alam kong naiintindihan mo ako.” Hinitit ni Salvador Ceña ang hawak na tabako, saka ngumisi. “Malaki na ang utang mo sa akin at huli ka na sa pagbabayad. Alam mo ang patakaran ko pagdating diyan,‘di ba?”

Napalunok si Jaina. Alam na alam niya ang konsekwensiya ng hindi pagbabayad ng utang dito sa takdang-panahon. “Kailangan ko ng kaunti pang oras, Mr. Ceña. Alam n’yo namang kagagaling ko lang sa trangkaso.”

“Ang trangkasong iyon ang lalo pang nagpalala sa sitwasyon mo.” Pumalatak ito. “Kahit ano pa ang gawin mo, sa palagay ko ay hindi ka na makakabayad pa sa akin, Jaina. Alam mo ba kung gaano na kalaki ang utang mo sa akin?”

Muli siyang napalunok. Kapagkuwan ay huminga siya nang malalim para patatagin ang kanyang sarili. Batid niyang mabilis siyang nawawalan ng pagpipilian. Si Salvador Ceña pa naman ang uri ng taong hindi magandang maging kaaway.

“Halos dalawandaang libong piso na,” tugon niya sa mahinang tinig.

“Tama. Malaki na, hindi ba? Saan ka kukuha ng ipambabayad sa akin? Magkano ba ang suweldo mo rito? Nasa minimum lang. Sabihin na nating kumikita ka rin sa mga tips, pero magbabayad ka ng bahay, ilaw, at tubig. Idagdag pa ang pang-araw-araw na gastusin mo. Kung talagang kaya mong magbayad, sana ay nagawa mo na iyon noon, hindi ba?

“Pero hindi mo nagawa. Lumaki nang lumaki ang utang mo dahil kahit interes ay hindi mo mabayaran. Mabuti na lamang at maunawain akong tao. Ilang beses kitang pinagbigyan dahil nakiusap ka. Pero may hangganan ang kabaitan ko. Isa akong negosyante. Oras na para maningil ako, Jaina.”

Malumanay ang pagkakabigkas nito sa kanyang pangalan ngunit punumpuno iyon ng kahulugan. Nakakaramdam din siya ng malisya sa paraan ng pagtitig nito sa kanya. Pero hindi siya makaimik. Hawak siya nito sa leeg. Totoo naman kasi ang lahat ng sinabi nito. Alam nito ang sitwasyon niya dahil ito ang nagpapasuweldo sa kanya. Nagtatrabaho siya sa bar and casino nito bilang isang waitress-cum-bartender. Ito rin ang may-ari ng apartment na tinutuluyan niya. Kasalanan din naman niya kung bakit siya nabaon sa utang at ngayon ay unti-unting lumulubog sa isang kumunoy na hindi niya matakasan.

“Magtapatan tayo, Jaina. Sa palagay mo ba ay makakabayad ka pa sa akin?” muling tanong ni Salvador Ceña.

Hinagod siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa. Medyo nagtagal iyon sa gawing dibdib niya. Nakadama siya ng pandidiri. Hindi siya ganoon kawalang-muwang para hindi mabasa ang naglalaro sa isipan nito.

“Hindi,” matipid na tugon niya.

Ngumisi ito. “Tama. Hindi na. Pero may paraan para makabayad ka sa akin.” May kakaibang kislap ang mga mata nito. “Alam mo na kung ano ang ibig kong sabihin.”

Nagtayuan ang kanyang mga balahibo sa kaprangkahan nito. Napatitig siya rito. Malaking lalaki ito, maitim, halos wala nang buhok, at may manipis na pilat sa kaliwang pisngi. Isipin pa lamang niya na didikit ang balat nito sa kanyang balat ay nangingilabot na siya.

“I’m quite considerate, Jaina,” patuloy pa nito. “Kaya ako mismo ang gumagawa ng paraan para makabayad ka—isang bagay na hindi ko ibinibigay sa iba kong kliyente. Ano ang masasabi mo?”

“P-puwede mo ba akong bigyan ng kaunti pang panahon?” pakiusap niya.

“Sa tingin ko ay sapat na ang panahong ibinigay ko sa iyo. Oras na ng paniningil.”

She felt sick. Sa kabila niyon ay pilit niyang itinago ang nadaramang takot dito. Sumasakit ang kanyang ulo sa pag-iisip ng posibleng solusyon. Kung mayroon man.

“Well? What do you say, Jaina?” untag nito. “Kailangan ko na ang bayad mo ora mismo.”

Napapitlag siya sa karahasan at determinasyon sa tinig nito. Maaaring maging bayolente ito kanino man at kailanman nito naisin. Napaatras siya nang tumayo ito at nagsimulang lumapit sa kanya. Ngunit sa bandang huli ay wala na siyang maatrasan. Naramdaman niya ang pagsayad ng kanyang likod sa dingding.

Forbidden by Olga MedinaWhere stories live. Discover now