CHAPTER EIGHT
HINDI tiyak ni Jaina kung gaano katagal siyang nakaupo sa gilid ng kama. At marahil ay hindi pa siya titinag doon kung hindi siya nakarinig ng mga katok sa pinto. Dali-daling pinahid niya ang mga luha sa kanyang mga pisngi. Marahil ay matagal din siyang nakaupo roon dahil natuyo na pala ang mga luha niya.
Bumukas ang pinto. Iniluwa niyon si Brandon. “Lunch,” matipid na sabi nito. “Hihintayin kita sa komedor, mi amor.” Iyon lang at tumalikod na ito para muli siyang iwan.
Lunch, ulit niya sa sarili. So the emotional holocaust was over. Balik na sa normal ang lahat. Kung kumilos ito ay parang walang nangyari. Tumayo siya. Ipinasya niyang saluhan ito sa pananghalian dahil nakakaramdam siya ng matinding pagkalam ng sikmura. Saka mas mabuti nang kusa siyang lalapit dito kaysa magpilitan na naman sila. Ayaw na niyang makipag-argumento pa rito. Hindi siya tumitingin dito nang pumasok siya sa komedor kung saan sinalubong siya ng nakakaganang samyo ng mga pagkaing nakahain sa mesa.
“Help yourself,” wika nito nang makaupo na siya.
Hinintay nitong makakuha siya ng pagkain bago ito sumandok. Tahimik silang kumain. The silence was playing on her nerves though.
“Ano na ngayon?” hindi nakatiis na tanong niya.
Nag-angat ito ng paningin. “Kailangan kong pumunta sa opisina. Mawawala ako nang isa o dalawang oras. I suggest na subukan mong magpahinga. Mukhang pagod na pagod ka.”
Pagod na pagod? It was an understatement compared to what she was really feeling. “Hindi iyon ang ibig kong sabihin. Ang tungkol sa sitwasyon natin ang tinatanong ko.” Huminga siya nang malalim. “Kailangan kong malaman kung ano na ang balak mong gawin ngayon.”
Sumandal ito sa silya at saka tinitigan siya nang tuwid. He really looked good. Hindi niya maitatanggi ang matinding atraksiyon na nadarama niya para dito. Ibang klase ang sex appeal na taglay nito, hindi matatanggihan o maiignora ng kahit sinong babae. Kung isasama ito sa isang grupo ng mga kalalakihan, malamang na ito ang unang mapapansin. Ganoon kalakas ang magnetismong taglay nito.
“Di ba, sinabi ko na sa iyo ang balak kong gawin? Gagawin ko ang lahat para maisaayos ang schedule ko para walang maging abala sa biyahe natin sa Kinawanan bukas.”
“Pero ang akala ko’y—”
“Walang nagbago, mi amor,” anito. “Ikaw pa rin ang aking asawa at ako pa rin ang lalaking pinakasalan mo. Ito pa lamang ang pangalawang araw ng bagong buhay natin at anuman ang mangyari sa mga susunod na araw, hindi tayo mapaghihiwalay niyon. Mananatili tayong mag-asawa.”
Nakadama siya ng relief sa sinabi nito. Ngunit kasabay niyon ay nakadama rin siya ng pagkaalarma. Naglalaban-laban ang mga emosyon sa kanyang dibdib. Hindi niya alam kung ano ang susundin at papanigan niya.
“Puwede ka namang mag-file ng annulment.” Hindi niya alam kung bakit biglang lumabas iyon sa kanyang bibig. “May valid grounds naman para doon.”
“Para ano? Para ipahayag sa madla na hindi ako ganap na lalaki para maangkin ang aking esposa? No, thank you,” sarkastikong tugon nito.
“Sinisikap ko lang namang maging objective sa sitwasyon,” katwiran niya.
“Kung gano’n, huwag ka nang mag-abala kung iyon ang pinakamabuting ideya na maiisip mo,” mungkahi nito. “May utang ka sa akin, Jaina, ang amor propio ko, ang respeto ko sa sarili. Walang nagbago roon kahit alam ko na kung bakit ganoon ang tugon mo sa akin.”
“Gusto mong maghiganti?”
“Hindi. Gusto ko ng kabayaran.”
“Ah, siyanga naman,” paasik na wika niya. Ibinaling niya ang kanyang mukha dahil nasasaktan siya kahit masdan man lamang ito. “Kabayaran. Kailangan mo nga naman iyon.”
![](https://img.wattpad.com/cover/369084913-288-k530843.jpg)
YOU ARE READING
Forbidden by Olga Medina
General FictionFORBIDDEN by Olga Medina Published by Precious Pages Corporation "Naniniwala akong mahal mo pa rin ako gaya ng pagmamahal ko sa iyo. Kung patuloy tayong maniniwala sa pag-ibig na nagbuklod sa atin noon, walang hindi natin magagawa." ©️Olga Medina an...