CHAPTER TWO
PINUNO muna ni Jaina ng hangin ang kanyang dibdib bago pumasok sa malaking gusali kung saan nag-oopisina si Brandon. Iyon ang unang pagkakataon na pumunta siya roon. Muli ay pinuno niya ng hangin ang kanyang dibdib para makalma ang kanyang sarili. Ayaw niyang bumadha sa kanyang mukha ang alimpuyo sa kanyang dibdib dulot ng samut-saring emosyon. Nagpapasalamat siya na may nahanap siyang damit na angkop sa lugar na iyon. Iyon ang huling matinong damit na pag-aari niya, hindi sinasadyang nadala niya nang umalis siya sa bahay nila sa Bel-Air sa Makati. Sa bihis niyang iyon ay walang magsasabing naghihirap siya sa buhay. Sa kabila ng lahat ng pagsubok, alam niyang maganda pa rin siya. Ang gandang iyon ang matagal nang inaasam-asam ni Salvador. At ang ganda ring iyon ang tumawag sa pansin ng mga lalaking naroon nang pumasok siya sa gusali at lumapit sa receptionist.
“Good morning. I’m... I’m Mrs. Jaina Madriaga. I have an appointment with Mr. Brandon Madriaga.”
Ngumiti lang ito, kapagkuwan ay mabilis na dinampot ang telepono at sandaling may kinausap. Pagkababa ng telepono ay sinabi nitong maaari na siyang umakyat sa ikalimang palapag kung saan naroroon ang opisina ni Brandon.
“Please use that lift, Ma’am,” anito na iminuwestra ang elevator di-kalayuan sa kanya. “It goes directly to Mr. Madriaga’s office.”
Napalunok siya pagkakita sa elevator. Puno ng pagtataka ang mukhang tinanong siya ng receptionist kung bakit hindi pa siya kumikilos upang lumapit sa elevator.
Pinilit niyang ngumiti bago sumagot. “I-I’m claustrophobic,” pagdadahilan niya. “Could you direct me to the nearest stairwell, please?”
Atubiling itinuro nito ang stairwell. At kahit hindi biro ang pag-akyat ng limang palapag ay ginawa niya iyon. Habol niya ang hininga at namimitig na ang kanyang mga paa nang sa wakas ay makarating siya roon. Sandali siyang nagpahinga bago binuksan ang sliding door ng opisina ni Brandon.
“Hello,” bati niya sa babaeng nadatnan niya roon. Ang hula niya ay ito ang sekretarya ni Brandon. “I’m Mrs. Jaina Madriaga. M-my husband is expecting me.”
“Mrs. Madriaga, bumaba ho siya para sunduin kayo dahil—”
Hindi pa nito natatapos ang sinasabi nang bumukas ang pinto ng elevator. Iniluwa niyon si Brandon. Hindi niya inaasahan ang epekto nito sa kanya sa muling pagkakita rito. Para siyang niyanig sa kinatatayuan kasabay ng tila paglundag ng kanyang puso. Guwapo pa rin ito gaya ng dati. Tamang-tama ang pagkakalapat ng three-piece suit sa matikas na pangangatawan nito. Kunsabagay, ano pa nga ba ang aasahan niya mula rito? Galing ito sa prominenteng angkan sa Zamboanga. Ipinanganak at nabuhay ito sa luho at kayamanan. Sa loob ng panahong nakasama niya ito ay walang pagkakataon na hindi ito naging kaakit-akit sa pisikal na paraan. He always managed to look good whatever he was wearing.
“You took the stairs?” mahinang tanong nito.
Tumango siya. “It’s past one thirty,” kapagkuwan ay paalala niya rito.
Tumango ito at lumapit sa babae. “We’ll be in my office, Sarah,” bilin nito. “Bring us some coffee and I don’t want us to be disturbed.”
“Yes, Sir,” mabilis na tugon ng babae. Tama siya, sekretarya nga ito ni Brandon.
Nilapitan siya ni Brandon at hinawakan sa braso. Napapiksi naman siya na animo napaso. Hindi niya gustong mag-react nang ganoon ngunit naturuan na yata niya ang katawan na gawin ang gayon sa tuwing hahawakan siya nito. Kaya naman kitang-kita niya ang pagnipis ng mga labi at paniningkit ng mga mata nito.
Dali-dali siyang binitiwan nito at sa malamig na tinig ay nagwika. “Halika, Jaina, sumunod ka sa akin.”
Tumalikod ito at humakbang papasok sa isang pinto. Sumunod siya rito, pilit inignora ang mga mata ni Sarah na nakasunod sa bawat kilos niya. Nahahalata niya ang kakaibang pag-aalala sa mukha nito. Selos ba iyon? Bakit? May relasyon ba ito at ang kanyang asawa? Iyon agad ang mga bagay na rumehistro sa kanyang isipan. Hindi imposible. Hindi niya inaasahang magiging celibate si Brandon sa loob ng dalawang taon. Napakaganda pa naman ni Sarah. Iginala niya ang paningin sa kabuuan ng opisina ni Brandon. Moderno ang ayos niyon. Iminuwestra nitong maupo siya ngunit nanatili siyang nakatayo. Gusto niyang makatiyak na may sapat na distansiya sa pagitan nila.
YOU ARE READING
Forbidden by Olga Medina
General FictionFORBIDDEN by Olga Medina Published by Precious Pages Corporation "Naniniwala akong mahal mo pa rin ako gaya ng pagmamahal ko sa iyo. Kung patuloy tayong maniniwala sa pag-ibig na nagbuklod sa atin noon, walang hindi natin magagawa." ©️Olga Medina an...
