CHAPTER SIX
NAPUTOL ang pagmumuni-muni ni Jaina dulot ng tunog ng pagbukas at pagsara ng pinto. Pagdilat niya ay natambad sa kanyang paningin si Brandon na ipinapatong ang isang tray na puno ng pagkain sa mesita.
“Kailangan kong umalis sandali,” anito. “Kung may kailangan ka, tawagan mo lang ako. Nakasulat ang number ko sa memo pad sa tabi ng telepono.”
“At maaari palang tumawag sa telepono ang bihag,” maanghang na wika niya.
Inignora nito iyon. “Mga isang oras akong mawawala. Subukan mong kumain, pagkatapos ay magpahinga ka na. Mag-uusap uli tayo.” Pagkasabi niyon ay iniwan na uli siya nito.
Mag-usap? Puro na lang pag-uusap! Para saan? Tungkol saan? Sa nakaraan? Sa kasalukuyan? Sa kinabukasan? Bueno, ayaw niyang makipag-usap dito. Ni ayaw niyang kumain. Ang dapat niyang gawin ay samantalahin ang pagkawala nito at umalis. Without warning, the old panic hit her. Hangos na bumalik sa kanya ang mga alaalang nasa bawat sulok ng bahay na iyon. Kailangan niyang lumayo at magkaroon ng oras para mag-isip sa kung ano na ang nangyari at ang dapat niyang gawin. At kailangan niyang gawin iyon habang wala roon si Brandon. Sinikap niyang tumayo kahit nanghihina siya. Pilit na pinaglabanan niya ang pagkahilo. Kinailangan pa niyang mangunyapit sa gilid ng isang chest drawer.
Iginala niya ang paningin sa kabuuan ng silid. Noon niya namataan ang isang pinto na marahil ay sa banyo. Naisip niyang baka makatulong ang shower para bumuti ang kanyang pakiramdam. Pumasok siya roon at makalipas ang sampung minuto ay lumabas siyang nagpupunas ng buhok at nakabalot ang katawan sa isang makapal na puting roba. Nalalanghap niya ang amoy ng sabon at shampoo na ginamit niya—pawang kay Brandon. Pakiramdam niya ay nakadikit ito sa kanya nang mga sandaling iyon. Sabon ni Brandon, silid ni Brandon, kama ni Brandon. Lahat ay kay Brandon. At least, hindi iyon ang master’s bedroom, ang dating silid na pinagsasaluhan nila. Ngunit pinili niyang alisin na muna iyon mula sa kanyang isipan at asikasuhin ang sitwasyon niya.
Sa ngayon ay kailangan niya ng maisusuot. At dahil walang bagaheng dinala si Brandon ay napilitan siyang buksan ang wardrobe doon. Namangha siya sa naggagandahang designer clothes na naka-hanger doon. Kanino ang mga iyon? Kahit noong nagsasama sila ay hindi siya bumili ni isa mang damit na ganoon kaganda para sa sarili niya. Kahit nga noong asawa na niya ito ay mariin siyang tumatanggi kapag nais nitong ibili siya ng damit dahil naiilang siya at pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat sa ganoong uri ng mamahalin at magagandang damit. Napipilitan lamang siyang magsuot niyon kung nabili na nito ang damit. Siyempre, wala na siyang pagpipilian kundi isuot iyon kaysa naman mangutim lang iyon sa closet.
Kahit naman kasi hindi designer labels ang kanyang mga damit ay magaganda naman ang mga iyon at komportableng isuot. Subalit kanino ang mga damit na iyon? Sa isang napaka-discreet na mistress? Muling sumama ang kanyang pakiramdam. Lalong pinasidhi niyon ang pangangailangan niyang umalis. At dahil wala siyang maisuot, napilitan siyang kunin ang pinakasimple sa mga naka-hanger na damit doon. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang nakakabit pa rin doon ang price tag ng boutique na pinanggalingan ng damit. Ang ibig sabihin ay hindi pa nagagamit ang mga iyon. Kasyang-kasya rin ang mga iyon sa kanya. At naisip niya na kung hindi iyon para sa mistress nito, kung ganoon ay para iyon sa kanya. At ipinaliwanag niyon kung bakit wala itong dinala ni isang damit niya. May mga bagong damit siya.
Para ba iyon sa sinasabi nitong “bagong buhay” niya? She gritted her teeth. Naiinis na naghanap siya ng sandalyas na maisusuot at saka humahangos na lumabas ng silid. Tahimik na tahimik ang pasilyo habang pumapanaog siya ng hagdan. Tahimik din sa ibaba. Imposible namang walang caretaker na naiwan doon. Dati ay may kasama silang dalawang katulong. Nasaan na ang mga iyon? Nagkibit-balikat siya. Bakit nga ba niya iyon inaalala pa? Mas mainam ang ganoong walang tao. Mas madali para sa kanya ang tumakas. Tila may humiwang sakit sa kanyang dibdib sa isiping iyon. Isang malaking kabalintunaan na kailangan niyang iwan ang lalaking mahal na mahal niya at ni minsan ay hindi nagtaas ng kamay para saktan siya, ang lalaking nangako noon na gagawin ang lahat para sa kanya.
YOU ARE READING
Forbidden by Olga Medina
Художественная прозаFORBIDDEN by Olga Medina Published by Precious Pages Corporation "Naniniwala akong mahal mo pa rin ako gaya ng pagmamahal ko sa iyo. Kung patuloy tayong maniniwala sa pag-ibig na nagbuklod sa atin noon, walang hindi natin magagawa." ©️Olga Medina an...