Chapter Five

656 16 1
                                    

CHAPTER FIVE

LULAN na siya ng eroplano ay hindi pa rin makapaniwala si Jaina sa mga nangyari. Sa loob ng maikling panahon ay ganap na nabago ni Brandon ang takbo ng kanyang buhay. Mula nang umalis ito at iwan siya sa penthouse at bumalik ay naisaayos nito ang lahat. Binayaran nito ang utang niya kay Salvador Ceña, nilimas ang mga gamit mula sa kanyang apartment, isinaayos ang flight papunta sa Zamboanga, at bumalik para harapin siya. Efficient talaga ito. Isa iyon sa pambihirang katangian nito. Minsang naituon nito ang isip sa isang bagay ay ginagawa nito ang lahat para matupad iyon. Was he stubborn? Walang duda. Utang nito sa katangiang iyon ang tagumpay nito. Pero suicidal?

Hindi siya makapaniwalang susuungin na naman nito sa ikalawang pagkakataon ang isang buhay na kasama siya. Ngunit sa bawat pagkakataong ibubuka niya ang kanyang bibig upang mangatwiran dito—kapag nararamdaman nitong magsasalita siya—ay hahawakan nito ang kanyang kamay at dadalhin iyon sa mga labi nito upang hagkan iyon. Pananatilihin nito iyon doon kung kaya’t nararamdaman niya ang mainit na hininga nito habang patuloy na nakatutok ang pansin nito sa hawak na pahayagan. Kapag napapanatag na siya ay saka lamang nito bibitiwan ang kanyang kamay.

“Brandon...” nakuha pa niyang sabihin bago nito muling hawakan ang kanyang kamay.

“Later, mi amor, kapag nasa bahay na tayo. Please try to contain yourself.”

Bahay. Hindi pa man ay nangingilabot na siya kapag bumabalik ang mga alaala ng mga araw ng pagsasama nila roon. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangan pa nilang pagdaanang muli ang lahat ng iyon. Paglapag ng chartered plane ay may isang itim na van nang naghihintay sa kanila. Parang walang anumang inalalayan siya ni Brandon na lumulan doon. Pumuwesto naman ito sa driver’s seat. He was definitely a man on a mission. At walang pakialam ito kung anuman o sinuman ang masagasaan nito para sa katuparan ng misyong iyon. O kung anuman ang ginagawa niyon sa kanya.

“I hate you,” anas niya habang nagbibiyahe sila.

Inignora lang nito iyon. Parang walang narinig na nagsalang ito ng CD sa player. She gritted her teeth in silent agony. Halos mag-collapse na siya sa naipong tensiyon sa kanyang dibdib nang pumarada ang van sa harap ng bahay nito. Napakaganda ng bahay na iyon. Isang Spanish villa iyon sa pusod ng lungsod ng Zamboanga. Sa pamamagitan ng remote control ay bumukas ang matataas na gate niyon at pumasok sila sa loob. Hindi pa man ay parang nasu-suffocate na siya. Para na siyang natulos sa kinauupuan nang sa wakas ay huminto ang van sa harap ng malaking bahay.

“H-hindi ko kaya ito,” mahinang daing niya. “Please, hayaan mo na lang ako na mag-stay sa isang hotel.”

“No,” determinadong sabi nito. “Dito tayo magsisimulang muli, mi amor. At kakayanin mo. Isipin mong kaya mo. Tutulungan kita.” Pinisil nito ang kanyang kamay.

Napahinuhod naman siyang bumaba ng van. Ngunit nang sumayad ang kanyang mga paa sa lupa ay muli siyang naduwag. “Hindi ko talaga kaya, Brandon.”

“Sshh...” mahinang saway nito. “Alam kong magagawa mo, mi amor. Kailangang matuto kang magtiwala sa akin.”

Magtiwala? Hindi naman iyon ang isyu roon kundi ang sarili niyang kapakanan. It was a matter of self-preservation.

“Alam mong ang tanging paraan para makapag-patuloy ay harapin ang mga bagay na kinakatakutan natin. At magkasama nating haharapin iyon, Jaina.” Humigpit ang pagkakahawak nito sa kanyang kamay. “Tayo na.”

Ngunit tila pa rin siya tuod na nakatulos sa kinatatayuan na hindi niya magawang ihakbang ang kanyang mga paa.

“Jaina, wala kang dapat ikatakot sa ating tahanan.”

Pero natatakot siya! “Bitiwan mo ako. Kung hindi ay sisigaw ako, Brandon,” babala niya.

“This is ridiculous,” wika nitong waring nasaid na ang pasensiya. “Nagiging histerikal ka na.”

Forbidden by Olga MedinaWhere stories live. Discover now