CHAPTER NINE
HUNI ng mga ibon sa labas ng bintana ang gumising kay Jaina kinabukasan. Noong una ay hindi muna siya dumilat. Ang balak niya ay huwag munang bumangon. Kung ipahihintulot din lang ng kanyang katawan, gusto sana niyang bumalik sa pagtulog. Hanggang sa naramdaman niyang lumundo ang kama gayong hindi naman siya gumagalaw. Noon niya naalalang may katabi siya sa kama—si Brandon. Kumabog ang kanyang dibdib. Ilang beses siyang sumagap at bumuga ng hangin para kalmahin ang kanyang sarili. Paulit-ulit na ipinaalala niya sa kanyang sarili na wala siyang dapat ipangamba. Nang makalma ang kanyang sarili ay maingat siyang pumihit. Gusto niyang makita ang mukha ni Brandon sa umaga. Mahimbing pa ring natutulog ito.
Ito ang pinakaguwapong lalaking nakita niya sa tanang buhay niya—ang lalaking pinakamamahal niya. Kahit sa pagtulog ay nag-uumapaw ito sa sex appeal. Marahil ay hindi siya magsasawang pagmasdan ang mukha nito. Nang nagdaang gabi ay hindi na siya nakatutol nang dalhin siya nito pabalik sa master’s bedroom at muli silang mahiga. Noong una ay naninigas ang buong katawan niya nang hapitin siya nito, yakapin na wari ba ay binibigyan siya ng seguridad bilang tulong para makatulog siyang muli. At unti-unti, habang tinitiis niya ang hawak nito ay dahan-dahang nagre-relax ang kanyang katawan hanggang sa muli siyang makatulog. Ngunit ngayon, sa paggising niya ay nadiskubre niyang bagaman napakalapit pa rin nito sa kanya ay wala nang bahagi ng kanilang katawan ang magkadikit.
May maliit na distansiya nang nakapagitan sa kanila. Ngalingaling umiyak siya sa magkahalong guilt at kalungkutan. Dahil nakondisyon na nito ang sarili sa panahon ng kanilang pagsasama na huwag dumikit sa kanya ay ginagawa nito ang ganoon kahit hindi nito nalalaman, kahit sa pagtulog nito. I love you, Brandon, piping sabi niya rito. I love you very, very much. I’m sorry sa lahat ng ginawa ko sa iyo. Marahil ay naramdaman nitong may nakatitig dito, dumilat ito. Ilang sandaling naghinang ang kanilang mga mata habang nag-uumapaw pa rin sa kanyang puso ang damdamin para dito. Nababasa ba nito iyon sa kanyang mga mata? Sa naisip ay nag-iwas siya ng tingin.
“A-ano’ng oras na?” tanong niya para lang may masabi siya.
Sandaling sumulyap ito sa direksiyon ng bintana kung saan tanaw ang medyo madilim pa ring langit. “Mga alas-singko siguro. Maaga pa. Subukan mo pang matulog at mamaya pa naman tayo aalis. Napuyat ka kagabi.” Hinaplos ng isang kamay nito ang kanyang pisngi. “You had a bad dream...”
Kasabay ng pagtango ay pasimple siyang lumayo rito. Bumubuntong-hiningang binawi nito ang kamay.
Parang may kumurot sa kanyang dibdib sa ginawa nitong iyon. “Hindi na ako makakatulog nito,” pagdadahilan niya. Bumangon na siya. “Magluluto na lang ako ng almusal.”
“Okay...”
NAGLALARO sa isa at kalahating oras ang biyahe patungo sa Kinawanan. Sinulyapan ni Jaina si Brandon. Kung hanggang nang mga sandaling iyon ay natetensiyon pa rin siya, kabaligtaran niyon ang nakikita niya sa mukha nito. Mukhang relaxed at masaya ito. Pasipul-sipol pa ito habang sinasabayan ang CD na isinalang nito sa player.Panaka-naka ay nagtatanong ito sa kanya, marahil ay para hindi naman maging kabagut-bagot ang biyahe nila. Sinisikap naman niyang sagutin ito.
Laking pasasalamat niya nang sa wakas ay ianunsiyo nito na narating na nila ang kanilang pakay. Gaya ng nasa larawan ay napakaganda ng lugar. Pumasok sila sa isang gate na may arkong bato at tinalunton ang daang nayuyungyungan ng mga puno ang magkabilang gilid. Pagkaraan ng ilang sandali ay narating nila ang bahay na nakita niya sa larawang ipinakita noon sa kanya ni Brandon. Inihinto nito ang sasakyan sa harap ng bahay at bumaba sila.
“Ano ang masasabi mo?” nakangiting tanong nito.
Ano nga ba ang masasabi niya? She was speechless. Kung sa larawan ay napakaganda niyon, lalo na ngayong nasa harap na niya iyon.

YOU ARE READING
Forbidden by Olga Medina
Fiksi UmumFORBIDDEN by Olga Medina Published by Precious Pages Corporation "Naniniwala akong mahal mo pa rin ako gaya ng pagmamahal ko sa iyo. Kung patuloy tayong maniniwala sa pag-ibig na nagbuklod sa atin noon, walang hindi natin magagawa." ©️Olga Medina an...