CHAPTER FOUR
HINDI tiyak ni Jaina kung gaano katagal na siyang naghihintay sa penthouse ni Brandon. She was a bunch of nerves because of too much tension. Kaya naman ganoon na lamang ang relief na naramdaman niya nang makita ito. Kulang na lang ay takbuhin niya ito at salubungin ng yakap. Ngunit natural lamang na hindi niya magawa iyon bagaman mabilis na hinagod niya ito ng tingin mula ulo hanggang paa. Nakahinga siya nang maluwag nang wala siyang makitang pasa o gasgas o anumang tanda ng karahasan sa mga parte ng katawan nito na nakikita niya.
“Resibo mo,” matipid na sabi nito at iniabot sa kanya ang isang piraso ng papel.
Kapagkuwan ay lumapit ito sa minibar at muling nagsalin ng alak sa baso. Nanginginig ang mga kamay na dinampot niya ang resibo. Jaina Teves ang pangalang nakasulat doon. Nakasulat din doon pati ang buong halaga ng utang niya na bayad na. Sa ibaba niyon ay pirma ni Salvador Ceña.
“Hindi mo pala ginagamit ang apelyido ko,” matabang na komento ni Brandon.
Dahil wala akong karapatang gamitin iyon. Ngunit pinili niyang manahimik kaysa isatinig iyon. “S-salamat dito,” sa halip ay sabi niya.
“That place was the pits,” mahinang usal nito. “Mabuti noong nagwe-waitress ka kay Angelito, may kaunti pang dignidad. Pero ang lugar na iyon...” Umiling-iling ito. “Insulto iyon sa mismong pagkatao mo. Bakit ka ba pumasok doon?”
Hindi siya sumagot. Para saan pa ang mga paliwanag gayong hindi naman nito mauunawaan ang anumang dahilan niya? Hindi nito naranasan ang maghirap. Marahil nga ay insulto iyon. Pero higit para dito kaysa sa kanya gaya ng sinasabi nito dahil kahit paano ay nakadikit ang pangalang “Madriaga” sa kanya.
“Pero tapos na ang bahaging iyon ng buhay mo,” wika nito. “At hindi na natin iyon babanggitin pang muli.”
The subject was closed. Hindi niya maiwasang kabahan sa implikasyon ng mga salitang iyon.
Napalunok siya. “Maraming salamat uli. Aalis na ako.”
“Saan ka pupunta? Ano na ang gagawin mo?”
“Maghahanap ng bagong matitirhan at ng bagong trabaho.”
Hindi ito kumibo. May kung anong dinukot ito sa bulsa nito. Napasinghap siya nang makita ang maliit na kuwadro. Larawan nila iyon ni Leslie. Nakaupo ang kanyang kapatid sa kanyang kandungan.
“S-saan mo nakuha ‘yan?” tanong niya kahit alam niyang isa lang naman ang lugar na maaari nitong pagkuhanan ng nasabing larawan. Ayaw nga lang niyang isipin na ginawa nito iyon. Hindi naman siguro ito bababa sa lebel na pakikialaman ang gamit ng may gamit. Pero paano niya ipapaliwanag na napunta rito ang larawan nila ng kanyang kapatid?
“Saan sa palagay mo?” ganting tanong nito. “Inilagak ko ang karamihan sa mga gamit mo sa bahay natin sa Bel-Air. Ang sa tingin ko ay importante lang ang dinala ko rito,” imporma nito sa kanya.
Hindi makapaniwalang nag-angat siya ng tingin. Totoo ba ang narinig niya? “P-pumunta ka sa apartment ko? Pinakialaman mo ang mga gamit ko?” May halong akusasyon ang tinig niya.
“Oo,” sagot nito. “At nakita ko kung gaano kamiserable ang lugar na iyon.” Nagtagis ang mga bagang nito. “Hindi ko napigilang makaramdam ng matinding galit sa kaalamang hinayaan kitang mabuhay sa ganoon kamiserableng kalagayan, ikaw na aking asawa!”
“Hindi ako makapaniwalang nagawa mo ang bagay na iyon!” Ang pakikialam nito sa kanyang mga personal na gamit ang tinutukoy niya.
“Puwes, nagawa ko na. Naipahakot ko na ang lahat ng gamit mo. Bayad na rin ang renta mo sa apartment at lahat ng utang mo. May nakaligtaan pa ba ako?”
YOU ARE READING
Forbidden by Olga Medina
Ficção GeralFORBIDDEN by Olga Medina Published by Precious Pages Corporation "Naniniwala akong mahal mo pa rin ako gaya ng pagmamahal ko sa iyo. Kung patuloy tayong maniniwala sa pag-ibig na nagbuklod sa atin noon, walang hindi natin magagawa." ©️Olga Medina an...
