CHAPTER THREE
DUMIRETSO sa private lift si Brandon. Napakagat-labi si Jaina nang makapasok sa loob. Kahit anong pigil niya ay hindi niya maawat ang panginginig ng kanyang katawan.
Na hindi nakatakas sa pansin ni Brandon. “What’s the matter, Jaina? Huwag mong sabihing may aversion ka na rin sa elevator ngayon? Hindi ko pa nakakalimutang pinili mong maghagdan kaysa sumakay sa elavator kanina.”
Pinili niyang hindi sagutin iyon. Nakapikit na hinintay niya ang paghinto ng elevator. Dumilat lang siya nang huminto iyon at naramdaman niyang bumukas na iyon.
“N-nasaan tayo?” tanong niya.
“Nasa penthouse ko sa rooftop,” tugon nito.
Nagpatiuna na itong lumabas. Dali-dali siyang sumunod dito bago pa magsara uli ang elevator. Nadatnan niya si Brandon na binubuksan ang pinto.
“Hindi ko alam ang tungkol sa penthouse na ito,” aniya habang iginagala ang paningin sa paligid.
“Last year ko lang ito ipinagawa. Mas convenient kasi na mag-stay ako rito kaysa umuwi sa Bel-Air kapag ginagabi ako sa trabaho.”
Agad na pumasok sa isip niyang convenient din iyon para sa iba pang bagay. Duda siyang nanatiling celibate ito sa nagdaang dalawang taon. Imposible iyon para sa isang malusog at aktibong lalaki na kagaya nito. Minsan pa ay nakaramdam siya ng selos. Ilang babae na kaya maliban sa sekretarya nito ang nadala nito roon?
“Maupo ka muna at kukunin ko lang sa banyo ang first-aid kit,” sabi nito. Sandaling nawala ito sa kanyang paningin at nang bumalik ay tangan na ang first-aid kit. “Maaari mo ba akong tulungan dito?”
“Okay.” Kinuha niya mula rito ang first-aid kit. Naupo ito malapit sa kanya at iniunat ang napinsalang kamay. Dahan-dahang inalis nito ang duguang panyong nakabalot doon. Gumuhit sa dibdib niya ang kakaibang hapdi nang makita ang sugat nito. Pilit na kinontrol niya ang panginginig habang nililinis ang sugat nito. Siniguro niyang natanggal lahat ng bubog.
“Masakit ba?” tanong niya nang diinan niya ang sugat nito.
“Hindi gaano,” matipid na tugon nito.
Bumuntong-hininga siya. “Hindi mo dapat ginawa iyon. It was a stupid thing to do.”
“Hindi kaya mas estupido ang maniwala kang iignorahin ko ang kamatayan ni Leslie?”
Napangiwi siya. Guilty siya. Ang tanging konsolasyon na lang niya ay shocked siya at gulung-gulo ang isipan niya noon.
“Still, I’m sorry na wala ako noong mga panahong kailangan mo ng karamay.”
Kinagat niya ang ibabang labi, waring sa pamamagitan niyon ay madadaig ang pamimigat ng kanyang dibdib. Ayaw na niyang alalahanin pa ang isa sa mga pinakamasakit na yugto ng kanyang buhay dahil kasinsariwa ng kahapon ang hapdi na dulot niyon.
“Sige lang, umiyak ka kung nais mo. At narito ang mga balikat ko kung kailangan mo,” mahinang sabi nito. “I might even join you.”
Nagbibiro ba ito? Imposible. Hindi nito gagawin iyon gaya ng hindi niya gagawin ang umiyak. Pagkatapos niyang iyakan si Leslie ay nangako siyang hindi na siya luluha pang muli. Dahil kapag hinayaan niyang tumulo ang isang butil ng luha ay tuluyan na siyang mapa-pahagulhol dahil sa napakaraming bagay na kinimkim niya sa kanyang dibdib sa lumipas na dalawang taon. At kung sakali mang kailangan niyang umiyak, gagawin niya iyon sa lugar na walang ibang makakakita sa kanya at mag-isa lamang siyang magdadalamhati. Katatapos lang niyang lagyan ng dressing ang sugat nito nang may tumunog na telepono.
Dinukot nito ang isang maliit na cellphone mula sa bulsa ng amerikana at sinagot iyon. “Yes? No. I-cancel mo ang lahat ng schedule ko ngayon, Sarah.” Pinakinggan nito ang kausap. “I don’t care!”

YOU ARE READING
Forbidden by Olga Medina
General FictionFORBIDDEN by Olga Medina Published by Precious Pages Corporation "Naniniwala akong mahal mo pa rin ako gaya ng pagmamahal ko sa iyo. Kung patuloy tayong maniniwala sa pag-ibig na nagbuklod sa atin noon, walang hindi natin magagawa." ©️Olga Medina an...