Bago pa man sumapit ang dapit-hapon ay nakubli na sa kadiliman ang barangay ng Matandang Gasan. Tatlong araw nang tanging ang mga maitim at makapal na ulap ang nasisilayan ni Yakal sa himpapawid kasabay ng walang humpay na pag-iyak ng langit.
Isang buwan na ang nakaraan magmula ng maramdaman niya ang pagbigat ng hangin, isang pagbadya ng paparating na mga ulap na puno ng tubig-ulan. Maging ang ibang mamayan ng Matandang Gasan, kabilang na ang iba pang nakatira sa mga karatig barangay sa isla ng Marinduque ay napuna ang di pangkaraniwang bagay na nagaganap sa kanilang lugar. Nagdulot ng pagtataka sa mga mangingisda ang kakaibang agos ng ilog at karagatan kaakibat ang napakaraming huli ng mga isda kahit na naliliwanagan ang tubig ng kabilugan ng buwan. Ang mga magsasaka naman ay napakunot-noo sa biglang pagbulaklak ng lahat ng pananim at ang mabilis na paghinog ng mga bunga kahit na wala pa ito sa wastong panahon. Samantalang ang mga hayop ay di naging mailap at bagkus ay sumilong pa sa tahanan ng mga tao na wari'y naghahanap ng kalinga.
Subalit hindi lamang ang mga bagay na ito ang pumukaw sa atensyon ni Yakal. Higit sa lahat ay napansin niyang kasama ng maalat na simoy ng hangin ay ang mga dagitab na gumapang sa kaniyang balat - pahiwatig na hindi ito pangkaraniwang bagyo.
Napatunayan na tama ang kaniyang hinala makalipas ang tatlong linggo magmula ng mapansin niya ang mga kakaibang senyales. Narinig niya mula sa mga usapan ng mga tao ang tungkol sa babala ng lokal na pamahalaan ukol sa paparating na sama ng panahon.
Sa mahigit na tatlong daang taon ng buhay ni Yakal ay ngayon lang muling dumaan ang ganito kalaking bagyo sa kanilang isla, isang pagkakataong sintagal niya ring hinintay. Kung mas napaaga lang sana ang pagdating ng bagyo ay mas marami pa ang naligtas sa kanilang lahi.
Buong pusong sinalubong ni Yakal ang malalaking patak ng ulan na dumampi sa kaniyang maputing balat.
"Sa wakas," nakangiting wika niya.
Muli siyang tumingin sa Silangan kung saan nagmula ang malalakas ng ihip ng hangin. Ilang oras na lang ay dadating na ang malaking kumpol ng mga malalaking ulap na natatanaw niya sa langit.
Dahan-dahan niyang tinahak ang maputik na daan pababa ng bundok. Mahigit tatlong oras na siyang naglalakbay subalit wala siyang nakasalubong na kapwa engkanto.
Marahil ay mas nauna na silang nagtungo sa tagpuan.
Mahigpit ang kaniyang hawak sa mga puno upang di siya madulas. Unti-unting numinipis ang mga kakahuyan sa kaniyang dinaraanan at ilang sandali lang ay naririnig na niya ang malakas na agos ng ilog.
"Tu...long!"
Muntik nang makabitiw si Yakal sa baging ng punong kaniyang hinahawakan. Sinuyod ng kaniyang paningin ang paligid upang hanapin kung saan nagmula ang tinig subalit sa kapal ng ulan at lakas ng ihip ng hangin na may halong lumilipad na mga dahon ay hirap siyang panatiliing bukas ang kaniyang mga mata.
"Tu...tu...long!"
Isang kayumangging kamay ang nakita niyang nakakapit sa isang nakausling bato sa ilog. Hindi na niya nagawang makita kung sino ang nagmamay-ari ng kamay dahil dumagusdos sa batong hinahawakan nito ang sawaling dingding ng kubo na inagos ng ilog.
Sandaling napatigil si Yakal mula sa kaniyang kinatatayuan.
Kung nakinig lang sana ang mga tao sa babala ng kalikasan, marahil ang nakaligtas pa sana sila.
Ipinikit niya ang kulay-abong mga mata at taimtim na pinakinggan ang mahinang huni ng dagitab sa hangin. Hindi niya binigyan ng pansin ang patuloy na pagbuhos ng ulan sapagkat nanatiling tuyo ang parte ng kaniyang katawan na nababalutan ng baluting yari sa dahon ng gabi.
BINABASA MO ANG
Mata ng Bagyo
FantasyIlang daang taon nang hinihintay ni Yakal ang pagdating ng isang malakas na bagyo na magsisilbing lagusan patungo sa kabilang buhay ng mga engkanto. Sa gitna ng pananalasa ng bagyo, isang di inaasahang pangyayari ang pumigil sa kaniya upang makatawi...