Ika-Anim na Kabanata

62 7 3
                                    

"Bitawan mo siya, Ginoo."

Lumingon sa paligid ang tikbalang at ang kasama nitong lalaki, hinahanap kung saan nagmula ang tinig.

"Sino ka? Ipakita mo ang iyong sarili," utos ng tikbalang.

Tumawa si Yakal. "Isa akong hangal kung gagawin ko iyon."

Namilog ang mata ni Michelle nang mapagtanto niya kung kanino nagmula ang boses.

"Ymm-mng!" Laking pasasalamat ni Yakal na nakabusal ang bibig ng dalaga, kung hindi ay nakilala na ng tikbalang kung sino siya. Lalo pang nilaksan ng dalaga ang paghampas sa tikbalang.

"Magtigil ka nga!" ani ng kasama ng tikbalang sa babae. Tinakpan nito ng panyo ang ilong ni Michelle at ilang sandali lang ay nawalan na ito ng malay.

Humalinghing ang tikbalang at pinadyak ang paa nito sa lupa. "Hnnnng, hnnnng, isa kang hangal upang mangahas na salubungin ang galit ng Panginoon ng Kakahuyan na ito!"

Napaatras si Yakal nang mabatid niya kung sino ang tikbalang sa kaniyang harap. Mula sa abaka niyang sisidlan ay kinuha niya ang nakalulon na tuyong dahon samantalang sa kabilang kamay naman ay hawak niya ang kaniyang punyal. Alam niyang mabigat na kalaban ang tikbalang at di niya rin kakayanin kung darating pa ang mga aswang at tikitik na umaaligid.

"Nakikiusap ako Panginoong Tikbalang, pakawalang mo ang babae at ang bata,"sabi ni Yakal. Paikot niyang nilakad ang paligid. Iniiwasan niyang matukoy ng tikbalang kung saan siya naroroon.

"Hnnnng! Hnnnng! Bakit ko naman gagawin iyon gayong pagmamay-ari ko ang babaeng ito," tugon nito.

"Pagmamay-ari?"

"Hnnnng! Masyado kang maraming tanong!" bulyaw ng tikbalang at sumipa sa hangin.

"Hindi ko nais na kalabanin ka, Panginoong Tikbalang," pahayag niya. "Kaibigan ng Panginoong Agono ang dalagang iyan at ang batang babae. Ikababalisa niya kung hindi sila maihahatid ng ligtas sa kanilang tahahan."

Tumawa ng malakas ang tikbalang at ang tao. Nangamba si Yakal na baka sa lakas ng halakhak nito ay mapukaw nila ang pansin ng mga aswang at tiktik.

"Hnnnng!" Dumura sa lupa ang tikbalang. "Ang baliw na matandang nuno? Masyado siyang palakaibigan sa mga tao. Nararapat lang na turuan siya ng liksyon ng mga aswang."

Namuyos sa galit si Yakal nang marinig niya ang pahayag ng tikbalang. Pinakiusapan niya ang lupa na humingi ng tulong sa mga nuno para saklolohan si Ninunong Agono. Nang maramdaman niya ang ugong ng lupa ay hinimok naman niya ang hangin. Agad itong tumugon sa kaniya. Gumaan ang kaniyang mga paa at sa isang iglap ay nasa tabi na siya ng tikbalang. Hiniwa niya ang bisig nito gamit ang kaniyang punyal. Napangiwi sa sakit ang tikbalang at nabitawan niya si Michelle na nalugmok sa putikan.

Bumaling ang tikbalang sa kasama niyang tao. "Hnnng, wala ka bang magagawa para mapalabas siya?"

"Sandali la'ang," tugon nito at nilapag niya sa lupa si Viola. Mula sa bulsa ng kaniyang pantalon ay hinigit niya ang isang maliit na botelya na may lamang likido na nag-iiba ang kulay.

Napalunon si Yakal nang mabatid niya kung ano ang laman ng bote. Hindi siya makapaniwalang na nagmamay-ari ang isang tao ng botelyang iyon.

Sa tanang buhay niya ay isang beses pa lang niya nakita ang Patak-dalisay, ang katangi-tanging likido na nag-aalis ng lahat ng pagkukunwari at naglalabas ng katotohanan sa lahat. Nakita niya ito nakasabit sa tanikalang kuwintas ng kaniyang Ingkong.

Mata ng BagyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon