Chapter 3

146 14 12
                                    


Walang maaninag na kahit anumang liwanag ang mga mata ni Yakal. Nakapagtataka na malamig at maaliwalas ang kumunoy na humigop sa kaniya. Sigurado siyang hindi niya hinimok ang lupa na sumaklolo sa kaniya na ngayo'y kinakilanga siya sa bawat haplos ng malamig na putik. Unti-unting bumalik ang kaniyang lakas habang siya'y patuloy na lumalangoy sa loob ng kumunoy.

Kaligtasan.

Tuluyang nawala ang pagkabahala at agam-agam sa kaniyang puso nang marinig niya ang bulong ng lupa. Ligtas siya sa loob ng kumunoy.

"Salamat," wika niya mula sa kaniyang isip. Isinuko niya ang sarili sa yakap ng malamig na putik, ang diwa niya'y payapa mula sa bagay na bumabagabag sa kaniyang isipan. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at buong pusong sinalubong ang matamis na hikayat ng pag-idlip.

Matagal na magmula nang maramdaman niya ang dalisay na kapayapaan ng kaniyang puso't isipan. Ito ay noong hindi pa kumukupas ang kaniyang Ingkong. Muling nabuhay sa kaniyang alaala ang mga araw na kasama niya ang kaniyang Ingkong, ang kanilang paglalakbay sa iba't-ibang nasasakupan ng mga mahiwagang nilalang, ang mga pagsasanay sa wastong paggamit ng kapangyarihan at ang walang humpay na pag-aaral at pagsaliksik sa mundong kanilang kinalalagyan. Malinaw ang lahat ng ito kay Yakal na wari'y nasa tabi lamang niya ang kaniyang Ingkong. Maging ang nakasusuklam na katas ng nganga na paboritong nguyain ng kaniyang Ingkong ay kaniyang naaamoy. Saliw nito ang taguktok ng lumang tungkod na tumatama sa bato.

"Ingkong," bulong niya.

"Ay hangal kang bata ka!" Isang matigas na bagay ang pumalo sa tuktok ng ulo ng ni Yakal at nilabanan niya ang nagbabadyang pagkawala ng kaniyang malay. "Ano bagang napasok d'yan sa kokote mo't ahayaan mong lapain ng aswang ideng kaw-awang mga nilalangaw? Ay naku!"

Umikot ang paningin ni Yakal kung kaya't tinukod niya ang kamay sa pader. Muntik nang makabitiw siya mula sa pagkakahawak nang madulas ang kaniyang kamay sa makinis at pinong lupa na kaniyang nadakma. Bahagya niyang minulat ang isang mata at mula sa liwanag ng isang sulo sa pader ay naaninag niya ang isang malaking salakot na naglalakad mag-isa. Matulin itong nagtungo sa maliit na siwang sa kaliwang bahagi ng yungib kung saan mahimbing na natutulog ang batang babaeng dala ng dalaga. Di pa man siya kumukurap ay nakalipat na ang salakot sa dalagang mortal na nakaupo sa kabilang sulok at tila walang malay.

"Nilalangaw?" Sa dami ng sinabi ng tinig ay ang salitang iyon lamang ang rumehistro sa kaniyang isip. Mabilis na naglakad patungo sa kaniya ang salakot, isang mahabang baston na yari sa iba't-ibang uri ng ugat ang sumilip mula rito.

"Nilalang! Aba'y namilosopo ka pa?"" sigaw ng tinig mula sa ilalim ng salakot. Muling naamoy ni Yakal ang katas ng nganga subalit napagtanto niya na hindi tinig ng kaniyang Ingkong ang kaniyang narinig.

Sinipat ni Yakal kung kanino nagmula ang tinig at mula sa ilalim ng malaking salakot ay nakita niya ang isang maliit na nilalang na may kulubot ang balat na singgaspang ng matandang punong-kahoy. Sa biglang tingin ay aakalain ninuman na kumpol-kumpol ng tuyog putik na nadikitan ng mga tuyong balat ng puno ang nasa ilalim ng salakot subalit sa mga mata ng engkanto ay agad na kapansin-pansin ang lukot sa mukha nito kung saan naroroon ang bibig na nakanguso sa kaniya. Tinitigan siya ng nilalang gamit ang mas malaki sa magkaibang sukat na mga mata habang ang isa naman ay paulit-ulit sumisipat sa dalawang walang-malay mortal. Namukhaan niya ang nilalang na ito.

"Ninunong Agono?" tanong niya. Sinagot siya ng matanda ng isa pang hampas ng baston na halos bumiyak sa kaniyang ulo. "Aray!"

"Ngayon ay naangal ka pa? Ha?" Piningot siya ng matanda sa kaniyang tainga at hindi nito binitiwan habang patuloy na naglalakad paikot sa loob ng yungib.

"Ah! Ugh! Tama na! Bakit niyo ho ba ako pinaparusahan?" usal niya sa matanda subalit hindi siya nito pinansin. Kinaladkad siya nito at nagasgas ang kaniyang pantalon sa magagaspang na bato na nakausli sa sahig ng kuweba na nagdulot siyang karagdagang kirot at pasa sa kaniyang katawan.

Mata ng BagyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon