Nang magising si Yakal ay nakadaong na ang bapor sa isang lihim na kuweba sa ilalim ng lupa. Nakahanda na si Sonarra sa kubyerta at pinalitan nito ang suot niyang bestida sa pares ng puting blusa at kayumangging pantalon. Si Viola ay nakasuot ng pulang bestida na may maiksing korto sa ilalim, samantalang si Michelle ay nakagayak ng kulay abong blusa at itim na pantalon.
"Magpalit ka ng damit, aking sintang kapatid," bulong ni Sonarra upang silang apat lamang ang makarinig. "May iniwan ako sa iyong silid."
Sumimangot naman si Yakal sa tawag nito sa kaniya.
"Sintang kapatid? Kaya hindi agad kita nakilala noong dumating ka." Napailing siya rito. "Ligtas bang tawagin mo akong ganiyan sa harap ng bata?"
"Siya ang unang nakaalam, aking munting kapatid. Nahulaan niya mula sa kuwento ni Ninunong Agono at sa alamat na sinalaysay ko."
"Siya talaga ang dahilan kaya umakyat ako kagabi," sabat ni Michelle "Itatanong ko sana kung tama ang kuro-kuro niya pero ah..." Hindi na niya tinuloy ang sinabi niya at inabala ang sarili sa pag-aayos ng kaniyang blusa.
Di makapaniwala si Yakal sa sinabi nito. Tumingin siya kay Viola na malapad na nakangiti sa kaniya.
"Kailan mo nahulaan?" usisa ni Yakal.
"Noong binaggit sa kuwento ang tungkol sa tatlong masugid na manliligaw at ang palayaw niya bilang Tanglaw," tugon ng bata. Tumango lamang siya dito, hanga sa taglay na talino nito.
"Lagyan mo ng po, matanda na 'yang kausap mo," singit ni Michelle.
"Po," dugtong ni Viola na siyang ikinatuwa ng engkantanda.
"Parehong-pareho kayo ni Viola, aking munting kapatid. Pareho kayo noong tinuturuan ka namin ni Ingkong ng wastong asal," natatawang wika ni Sonarra.
"Hindi ah," simangot ni Yakal. "At huwag mo akong tawaging 'munting kapatid'. Mas matangkad na ako sa iyo."
"Baligtarin mo man ang mundo, ako pa rin ang ate mo."
"Hay naku, makapagpalit na nga."
Sa kabila ng pang-aasar ng kaniyang kapatid ay ngayon lang ulit niya naramdaman ang kalinga ng isang tunay na kapamilya. Wala pang pitong taong gulang noong huling nakita niya si Sonarra kung kaya't halos nabaon na niya sa limot ang alaala ng kapatid. Subalit sa kaniyang pagbabalik ay tila nanumbalik rin sa kaniyang alaala ang masasayang araw na kasama niya ang kaniyang ate.
Naalala niya kung paano linggo-linggo ay tumatakas mula sa Paligawan ang kapatid upang bisitahin sila ng kaniyang Ingkong sa malapit na kakahuyan. Lahat nang iyon ay natigil nang dumating sa hustong gulang si Sonarra at tinanghal siya bilang miyembro ng Mataas na Konseho at Lakambini ng Malindig. Kay tagal siyang nanabik sa makita uang engkantada na noon ay ang tanging dahilan kung bakit nais niyang bisitahin ang Mataas na Konseho. Subalit bilang isang desterado ay lalo lang siyang napalayo rito.
*****
Nang makapagpalit si Yakal ay nagtungo isa-isa silang bumaba ng bapor at tinahak ang matarik at mabatong daan paakyat ng kuweba.
"Saan ba tayo pupunta, Sonarra?" usisa ni Yakal.
"At bakit kailangang kasama kami ni Viola?" dagdag ni Michelle. Pinunasan nito ang namumuong pawis sa ibabaw ng kaniyang kilay. Tulad ng mga naunang paglalakbay nila ay napakabagal ulit ng usad ng dalaga. "Hindi ba puwedeng iwan niyo na lang kami sa bapor?"

BINABASA MO ANG
Mata ng Bagyo
FantasyIlang daang taon nang hinihintay ni Yakal ang pagdating ng isang malakas na bagyo na magsisilbing lagusan patungo sa kabilang buhay ng mga engkanto. Sa gitna ng pananalasa ng bagyo, isang di inaasahang pangyayari ang pumigil sa kaniya upang makatawi...