Higit pang lumalim ang ang linyang namumuo sa noo ni Yakal habang pinagmamasdan ang matandang nuno na naghahanda ng mainit na salabat.
"Apinuhin ko 'yang noo mo. Kahapon mo pa ako nasimtt naangutan," nakangiting wika ng matanda sa kaniya. Napangisi si Michelle sa sinabi ng matanda, bakas ang makahulugang kapilyuhan sa kislap ng mga mata nito. Alam nilang may laman ang banta ng matanda.
Agad na lumipad ang kamay ni Yakal sa tuktok ng kaniyang ulo. Ramdam pa niya ang mga pasa ng ilang maliliit na bukol kung saan tumama ang baston ng matanda sa tuwing siya'y sumisimangot dito. Pilit niyang inalis ang inis na nakapinta sa kaniyang mukha, isang gawain na napakahirap para sa kaniya lalo na't ilang araw na niyang pinipigilan ang kaniyang sarili na lamunin ng pagkasiphayo. Sa huli ay isang kakaibang ngiwi ang pumalit sa kaniyang simangot.
Napatakip ng bibig si Michelle nang makita ang pilit na ngiti sa mukha ni Yakal. Pinipigilan nito ang pagtawa sa lalaking engkanto. Napalingon ang matanda kay Yakal at tumawa nang malakas.
"Ay ano 'yaan? Nadumi ka baga? Ay doon ka labas ng aking punso at maalingasaw dine!"
Kinagat ni Yakal ang likod ng kaniyang labi, pinipigilan ang sarili na muling sumimangot. Matalim siyang tumingin sa babaeng tao na nakaupo sa kabilang bahagi ng hapag, nakayuko at tila nabubulunan mula sa pagpigil ng kaniyang tawa. Nahuli ng babae ang kaniyang tingin, napalunon ito at agad na ipinagpaumahin ang sarili sa matanda.
Sinundan niya ng tingin ang babae na kumaripas patungo sa isang maliit na silid kung saan nagpapahinga ang batang babae na kasama nito. Hanggang ngayon ay hindi pa rin magkasundo si Yakal at babaeng tao. Hindi naman ito ikinabahala ni Yakal na itinuring ang babae at ang kasama nitong bata na sagabal sa kaniyang layunin na mahanap ang lagusan.
"Walang masama kung makipagkaibigan ka sa kaniya, Utoy," malumanay na wika ng matanda. "Mukhang mabait naman 'yong mga bata."
"Paano ho kayo nakasisigurado diyan? Bihira lang umusal ng salita ang paslit, samantalang ang..." sandali siyang tumigil, pinag-iisipan niyang mabuti kung anong salita ang nararapat gamitin upang mailarawan ang dalaga.
"Binibini," dugtong ni Ninunong Agono.
Napasinghal si Yakal sa sinabi ng matanda. "Binibini bang maituturing ang babaeng iyon? Salungat ng kaniyang asal ang wastong kilos para sa isang binibini."
"Iba na panahon ngayon, Utoy. Ay parang mas sinauna ka pang mag-isip kaysa sa akin. Lahat ay nagabago. Lalo na ideng mga tao, mabilis silang sumabay sa agos ng pagbabago," ani ng nuno.
"Subalit ang tamang asal ay hindi ho dapat nababali ng paglipas ng panahon," pangangatwiran ni Yakal. "Hindi ho ba kayo nagtataka na hambing sa paslit na ubod nang tahimik ay siya namang labis na kaingayan ng babaeng iyon? Kung minsan nga'y napapaisip ako kung may lahing babaylan ba ang babae at baka ninakaw na nito ang tinig ng kawawang bata."
"Masyado ka namang mapanghusga, Utoy," natatawang wika ni Ninunong Agono. Sumipol ang palayok sa harap ng matanda na siyang ikinagulat nito. "Ay gusing tinamaan ng sampung kidlat!"
Lumipad ang hawak nitong sandok at tumilapon sa kinauupuan ni Yakal. Walang hirap na nasalo ito ng maliksing kamay ng engkanto. "Nakagitla naman ideng salabat na ide! Sino bagang nagsabi nakapagpakalma ideng salabat? Ay lalo atang maiksi ang pamamalagi ko sa mundo!"
Hinawi ng matandang nuno ang usok na sumingaw mula sa butas ng palayok at inalis ito mula sa pagkakasalang sa apoy.
"Ilang araw na rin silang namamalagi sa punso. Hanggang ngayon ho ba ay hindi pa rin bumabalik ang alaala ng dalawang mortal?" usisa ni Yakal.
![](https://img.wattpad.com/cover/43851592-288-k985451.jpg)
BINABASA MO ANG
Mata ng Bagyo
FantasyIlang daang taon nang hinihintay ni Yakal ang pagdating ng isang malakas na bagyo na magsisilbing lagusan patungo sa kabilang buhay ng mga engkanto. Sa gitna ng pananalasa ng bagyo, isang di inaasahang pangyayari ang pumigil sa kaniya upang makatawi...