Chapter 2

186 16 19
                                    

Nagising si Yakal na kumikirot ang buong katawan. Sinubukan niyang bumangon subalit umikot ang kaniyang paningin at bumigay ang kaniyang mga tuhod.

"Ang lagusan," bulong niya. Madilim pa rin ang langit at wala siyang maaninag maliban sa makakapal na itim na ulap sa himpapawid. Inanod siya ng ilog palayo sa lugar kung saan niya nakita ang lagusan. Hindi siya pamilyar kung saang lugar siya dinala nito subalit nakasisiguro siyang malayo ito kung saan siya nagmula sapagkat wala siyang nakitang tirahan ng mga tao.

Itinukod niyang muli ang kaniyang kamay upang makatayo subalit lumubog ito sa malambot na putik at nalugmok ang kaniyang mukha dito. Humiyaw siya sa inis nang mabigo siyang muli sa kaniyang tangka na pagbangon. Kusang bumagsak ang kaniyang katawan sa putikan kaya't mas minabuti niyang humiga at hintaying mabawi ang kaniyang lakas bago subukang bumangon.

Sandali niyang ipinikit ang kaniyang mga mata at pinakiramdaman ang paligid. Lahat ng huni ng kapaligiran ay umalingawngaw sa kaniyang tainga, mula sa sipol ng hangin hanggang sa tilamsik ng patak ng ulan ay malinaw niyang naririnig. Iwinaksi niya ang lahat ng ito mula sa kaniyang isipan at binuhos ang kaniyang diwa sa paghahanap ng ugong ng dagitab. Hinintay niya ang pamilyar na pagdaloy ng kuryente sa kaniyang katawan na wari'y balaning humihigit sa kaniya, subalit nanatiling ang tubig-ulan ang tanging dumampi sa kaniyang katawan.

Hindi maari ito.

Tumanggi si Yakal na sumuko at bagkus ay hinigpitan pa niya ang pagkakapikit ng kaniyang kulay abong mga mata at nilunod lahat ng tunog na kaniyang naririnig upang hanapin ang ugong ng dagitab.

"Naririto pa 'yon. Hindi maaring wala na ang lagusan," bulong niya sa sarili, pilit na pinipigilan ang nagbabadyang luha mula sa kaniyang mga mata. Kahit na hindi pa niya nababawi ang kaniyang lakas ay ginamit niya ang kaniyang kapangyarihan upang himukin ang mga puno na ihatid sa kaniya ang hangin na lulan ang huni ng lagusan subalit mariing tinanggihan siya nito.

Susubukan niya sana muling pakiusapan ang mga puno nang marinig niya ang mga yabag ng paa malapit sa kaniyang kinahihigaan. Agad na lumipad ang kaniyang kamay patungo sa punyal sa kaniyang tagiliran. Mapanganib, iyan ang babala ng ilog sa kaniya kanina nang masaksihan niya ang pag-salakay sa buhawi. Kung isa sa mga aswang o manananggal na sumalakay kanina ang papalapit sa kaniya ay maaring malagay sa peligro ang buhay niya. Kitang-kita niya kung paano sinira ng mga ito ang Kasunduan nang salakayin nila ang kapwang Sinumpa at sigurado siyang hindi mag-aatubili ang mga ito na kitilin ang isang engkanto na katulad niya.

Hindi siya kumibo mula sa kaniyang kinaroroonan. Maliban sa mga yabag na kaniyang naririnig ay tanging ang pang-amoy na lamang ang maghuhudyat ng kung anong uri ng nilalang ang paparating. Itinuon ni Yakal ang kaniyang diwa sa kaniyang pang-amoy, umaasang sana'y hindi ang masangsang na singaw mula sa mga aswang kaniyang masagap.

Rosal. Ito ang halimuyak na sumalubong kay Yakal. Nakahinga siya ng maluwag nang mapagtanto niyang ang mga yabag na kaniyang narinig ay mula sa isang tao. Nanatili siyang nakahiga sa putikan, kampante na walang problemang maidudulot ang mga tao sa kaniya, lalo na't tumatakas mula sa paningin ng mga tao ang mga nilalang na kagaya nila. Muli niyang ipinikit ang kaniyang mga mata upang hanapin ang dagitab mula sa lagusan.

"Pakiusap kaibigan, kailangan ko ang tulong niyo," pakiusap niya sa puno ng niyog na malapit sa kaniya.

"Ay palaka! Ay mali! May tao!"

Inis na inis na minulat ni Yakal ang kaniyang mga mata. Nawala siya sa kaniyang paglilimi ng dahil sa sigaw. Tumambad sa kaniyang harapan ang isang dalagang basang-basa ang kasuotan at puno ng putik ang laylayan ng kaniyang pantalon. Buhat niya ang isang batang babaeng tila walang malay.

"Sorry po, kuya," wika nito habang nakatitig sa kaniya.

Napakunot-noo si Yakal sa dalaga. Hindi niya mawari kung siya ba ang kinakausap nito. Inilibot niya ang kaniyang paningin sa paligid upang sigurihin kung may iba pang kausap ang babae subalit wala siyang nakitang ibang nilalang. Ibinalik niya ang kaniyang pansin sa babae na nakakunot rin ang noo bago at sinundan rin ang direksyon kung saan siya tumingin.

Mata ng BagyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon