Ika-Siyam na Kabanta

148 8 12
                                    

Makalipas ang ilang sandali ay bumalik sa ulirat si Sonarra kasunod si Michelle na patuloy pa rin ang paghikbi.

"Ako lang ang may pakay sa Gintong Baka, bakit kailangang subukin rin sila?" tanong ni Yakal.

"Naririto kayo upang humingi ng sangguni, tumugon lamang ang gintong baka sa tanong sa kaibuturan ng iyong puso," sagot ng pari. Umugong sa kuweba an gatungal ng isang bata na siyang nagpalingon sa kanilang lahat. "Ngayong alam na ng gintong baka ang inyong pakay, panahon na upang ipakilala ang inyong sarili sa kaniya at sa inyong mga kasama. Sa inyong pagpapakilala ay ilahad ninyo ang inyong layunin sa pagpunta sa lugar na ito. Isang paalala, hindi niyo ikabubuti ang pagpapanggap at paglilinlang. Tanging ang katotohonan lamang ang tinatanggap ng gintng baka. Magsimula tayo sa iyo, binibini."

Tumingin ang pari kay Sonarra at yumukod rito.

"Ang ngalan ko'y Sonarra, pagpupugay sa mayayabong na puno ng narra sa kakahuyan na aking pinangngalagaan," pahayag ni Sonarra. "Ako ang Lakambini ng Malindig, kaisa-isang anak na babae nina Marin at Garduque. Naririto ako nang dahil sa dalawang bagay."

Umugong ang hangin ang nakakabinging batingaw ng isang kamapana. Tinakpan nilang lahat ang kanilang tainga subalit halos wala itong bisa sa pagsalag sa tunog. Tila inalog ang kanilang mga ulo mula sa ugong nito. Tanging ang pari lamang ang hindi natinig sa malakas na tunog nito.

"Ang katotohanan binibini," sabi ng pari.

"Naririto ako nang dahil sa tatlong pakay. Una, bilang gabay nina Michelle at Viola. Ikalawa, upang ihatid ang aking kapatid sa wastong sangguni." Tumingin siya kay Yakal at saka yumuko. "At huli, pigilan ang aking kapatid na tumuloy sa lagusan sa pag-asang tanggapin niya ang tungkulin bilang isang Lakan ng Marinduque."

Namilog ang mga mata ni Yakal sa sinabi nito.

"Patawad, subalit mas kailangan ka ng Marinduque kaysa sa akin," ani ng tinig nito. "Hindi ko na maatim ang pamamalakad ni Balete. Napakarami nang nagdurusa sa kaniyang mga kamay."

"Ikaw naman, binibini," sabi ng pari kay Michelle.

"Ako si...Michelle, subalit hindi ako mas kilala ako bilang MJ. Hindi ako taga-Marinduque. Isa akong dayo rito. Isa lang ang pakay ko, ang maiwasto ang pagkakamali na ginawa ko," bigkas niya. Tumingin siya kay Yakal at yumuko. "Patawarin mo ako, sa akin nagsimula ang lahat nang ito."

"Anong ibig mong sabihin?" pagtataka ni Yakal.

"Ang lagusan na tinutukoy niyo...hindi ko akalain na ang pagsasara pala noon ang epekto ng desisyon ko." Nagimulang humikbi si Michelle.

"Anong ginawa mo, Michelle?" Inalog ni Yakal ang dalaga.

"Pumayag ako sa kasunduan ng mamababarang, maibalik lang sa akin ang boyfriend ko."

"Anong kinalaman niya sa lagusan?"

"Umibig siya sa isang engkantada. Hindi ako naniwala na kinuha siya ng engkantada kaya napadpad ako dito. Nakita ko sila, nakasakay sa isang bangka papunta sa buhawi. Ang saya nila at hindi mo makatanggap iyon. Kaya noong lumapit ang mambabarang, agad akong pumayag sa alok nito. Hindi ko akalain na sa simpleng pagbasa ko ng orasyon ay aabot sa pagkawasak ng lagusan at ang pagkwala nang aking kalayaan. Patawarin mo ako, Yakal," iyak nito.

Hindi umimik ang engkanto sa kaniya ang iniwas ang tingin dito. Bumagsak ang kaniyang tingin sa pari na nakatitig sa kaniya.

"Ikaw naman," sabi nito.

"Ang ngalan ko'y Yakal, ang huling anak ni Marin at isang taong hindi ko alam ang ngalan. Isa lang ang pakay ko, ang mahanap ang mata ng bagyo upang makalisan sa mundong ito."

Umugong sa hangin ang kampana at napatakip silang lahat ng tainga.

"Ang katotohanan," sabi muli ng pari.

"Totoo ang sinasabi ko! Layunin ko ang makaalis sa mundong ito! Iyan ang sinabi ko sa gintong baka kanina."

Bumatingaw muli ang kampana.

"Marahil ay kanina, iyan lang ang layunin mo. Ngayon, ano na ang pakay mo?"

Tumingin siya rito bago binaling ang tingin sa paligid. Nakita niya ang kaniyang kapatid, puno ng pag-asa ang mga mata nito na sanay sagutin niya ang dulog ng kalikasan.

"Hindi ka na nag-iisa ngayon, Yakal. Sabihin mo lang at hindi kita iiwan," wika ng tinig ng kaniyang kapatid sa kaniyang isip. Tumingin si Sonarra sa kaniya, bakas ang pagkarinyo sa asogeng mata nito. Ngumiti ito sa kaniya at bumaling sa gawi ni Michelle. "Isa pa baka, magkaroon ka ng iba pang dahilan para mamalagi dito."

Lumingon siya kayMichelle na nahuli niyang nakatitig sa kaniya bago nito iniwas ang kaniyang tingin. Bakas ang pagsisisi sa kaniyang mukha. Hindi man niya aminin ay napalapit na rin ang loob niya sa dalaga. Hindi man sila malapit sa isa't-isa ay alam niyang hahanp-hanapin niya ang tinig nito.

Sa unang pagkakataon ay napagtanto ni Yakal kung ano ang meron siya na wala noon. Nakahanap na siya ng dahilan upang hindi lumisan. Nahanap niya mula kina Ninunong Agono, Michelle, Viola at Sonarra ang pamilya na ipinagkait sa kanya.

Ito ang iyong tahanan. Dudulog kami sa himok mo. Magkakahalong tinig ang nangusap sa isip niya. Ang diwa ng hangin, tubig, lupa, kakahuyan at mga hayop ay sabay-sabay na binati siya.

Ikaw ang aming napili. Ikaw lang ang hihirangin namin bilang Lakan.

"Ang pakay mo, ginoo," pag-uulit ng pari.

"Ang pakay ko ay ang hingiin ang sangguni ng Gintong Baka sa aking pagpapasya," sagot ni Yakal.

Hinintay niya na bumatingaw muli ang kampana subalit nanatiling tahimik ang kapaligiran.

"Mabuti," nagagalak na wika ng pari. Tumingin ito kay Viola at sinabing, "At huli sa lahat, ikaw munting binibini."

"Ang pangalan ko'y Viola at wala akong pakay sa lugar na ito."

Napatigil ang lahat sa sinabi ng bata. Hinintay nila ang pagtunog ng kampana subalit hindi ito dumating.

Napakunot-noo ang pari sa bata. Nginitian lamang siya ng bata bilang tugon. "Ngayong kayong lahat ay nakapasa sa ikalawang pagsubok, halika't sumama kayo sa akin upang harapin ang gintong baka."

Yumukod ang pari sa kanila upang sundan siya. Matagal silang naglakad sa iba't-ibang lagusan hanggang sa sila'y pumasok sa bukana na naiilawan ng mga diamante at mamahaling bato na nakausli sa pagitan ng mga bato at lupa.

Pumasok sila rito at halos masilaw sila sa sumalubong sa kanila. Sa loob ng malawak na kuweba ay daan-daang baka na kulay ginto ang pakalat-kalat.

"Para sa huling pagsubok, hanapin ninyo ang gintong baka sa loob ng silid na ito," wika ng pari. Tumingin sa isa't-is sina Yakal, Sonarra at Michelle, litong-lito sa gagawin nila. "Mayroon kayong isang oras para hanapin ang gintong baka. Isang beses lang kayong maaring pumili."

"Anong gagawin natin?" tanong ni Michelle.

"Marami akong nabasang ulat at salaysay tungkol sa gintong baka, gamit iyon, maari nating alisin ang mga bakang hindi tumtugma ang katangian ayon sa aking naipon na kaalaman," mungkahi ni Sonarra.

"Tama," pagsang-ayon ni Yakal.

"Ah, tulad ba nito. 'Yong baka na ito hindi ginto ang dumi kaya hindi na siya iyon?" turo ni Michelle sa isang gintong baka likod ni Yakal. Tinakpan niya ang kaniyang bibig sa alingasaw nito. "Ang baho ng dumi niya, parang sa normal nab aka lang."

"Ganoong na nga," sabi ni Sonarra.

"Hindi niyo na kailangang gawin iyan," singit ni Viola. Hindi pinansin ni Michelle ang kawalan ng salitang 'po' sa pangungusap nito. "Alam ko nasaan ang gintong baka."

"Talaga?" sabay na bigkas nina Yakal, Sonarra at Michelle.

"Nakasisigurado ka ba, munting binibini?" tanong ng pari at tumango ang bata. "Tandaan mo, isang pagkakataon lang."

"Sigurado ako. Sigurado ako na ikaw ang gintong baka," wika ng bata sa pari.


Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 19, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Mata ng BagyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon