Ika-Pitong Kabanata

98 9 2
                                    

"Noong unang panahon, noong iisa lang ang wika ng lahat ng nilalang sa mundo, ay mayroong nilalang na may taglay na kagandahan na hindi masukat ninuman. Tinawag siyang Tanglaw ng karamihan, pagkat wari'y kumikinang ang kaniyang maputing balat kahit na siya'y nasa kadiliman. Para sa kaniyang ama, siya ay ang kaniyang munting Marin."

"Makalinga at may dalisay na kalooban si Marin. Araw-araw ay inaawitan niya ang lahat ng kaniyang nadaraanan – maging halaman man ito, hayop, ilog o di kaya'y malawak na lupain. Sa bawat yabag niya ay sumisibol ang panibagong halaman at sa bawat salita niya'y matiwasay na dumadaloy ang ilog patungo sa mga tigang na lupa upang ito'y madiligan. Inalagaan niya ang lahat ng bagay at nilalang sa lupaing ipinagkatiwala ng Tagapaglikha sa kanila. Hindi naglaon ay nakuha ni Marin ang tiwala ng lahat ng kaniyang pinapangalagaan at bilang ganti ay nangako ito na dudulog sa himok ng dalaga."

"Dahil sa taglay na kabutihang loob at angking kagandahan ni Marin ay pinuntuho siya ng karamihan, kabilang na dito ang tatlong magiting na Panginoon ng karatig na lupain. Nasa kanila na ang lahat ng katangian na hahanapin ng isang dalaga – matalino, makisig at maasahan sa pangangalaga ng nasasakupan. Subalit sa kabila ng taos-pusong pagluhog ng mga binata ay wala ni isa sa kanila ang nakakuha ng puso ng dalaga."

"Isang araw, habang inaawitan niya ang mga musang sa kagubatan ay may himig na sumaliw sa kaniyang awitin. Kasama ang mga musang, hinanap niya kung saan nagmula ang himig at nakita niyang ito'y likha ng isang intrumento na tinutugtog ng isang binata."

"Nabighani si Marin sa musika ng binata at di niya napigilang sabayan ang himig nito. Nang makita siya ng binata ay natulala ito sa taglay niyang kagandahan at sa nakahahalinang tinig nito. Nagpakilala ang binata bilang si Garduque, isang musikero mula sa malayong lupain. Muli siyang tumugtog at sinabayan ito ng awit ng dalaga. Magmula noon ay araw-araw na silang nagtatagpo sa kagubatan, inaawit ang kanta ng kalikasan hanggang sa kalaunan ay ang himig ng pag-ibig ang maririnig mula sa kanilang bibig."

"Nang matuklasan ng ama ni Marin ang tungkol sa kaniyang lihim na pag-ibig ay nalungkot ito. Nabibilang sa lahi ng mga tao si Garduque at nabibilang lang ang taon na nilalagi nila sa mundo, samantalang ang lahing engkanto tulad nina Marin ay hindi tumatanda at tumatagal ng higit sa tatlumpung salinlahi ng mga tao. Liban pa dito, ay mababa ang turing sa mga tao ng ilang mahiwagang nilalang. Kinausap niya si Marin at sinabing walang patutunguhan ang pag-ibig niya kay Garduque, subalit ipinahayag ni Marin na wala na siyang ibang iibigin maliban kay Garduque."

"Nang mabalitaan ng mga mahiwagang nilalang na nasasakupan nina Marin na mas pinili ng dalaga ang isang tao kaysa sa kapwa engkanto, ay nagalit ang mga ito. Isang pangkat ng mga mahiwagang nilalang na galit sa tao ang lihim na nagplano ng paraan upang mawala sa kanilang nasasakupan ang binata. Nilinlang nila si Garduque na kumuha ng itim na perlas sa pusod ng karagatan upang patunayan ang pag-ibig niya sa dalaga. Tanging ang pag-ibig kay Marin ang laman ng isip, nagpasya si Garduque na sisirin ang dagat para sa itim na perlas."

"Nanghilakbot si Marin nang malaman niya ang panlilinglang na ginawa kay Garduque. Tumakbo siya sa dalampasigan, di alintana ang mga paso na natamo niya mula sa tampisaw ng tubig-alat sa kaniyang balat. Lason para sa mga engkanto ang asin at ang tubig-alat mula karagatan ang isa sa pinakaiiwasan nila. Handa na siyang tumalon sa karagatan nang pigilan siya ng tatlong manliligaw."

"Naantig ang kanilang damdamin sa busilak na pagmamahal ng dalaga kay Garduque. Hindi nila maatim ang dalamhati nito na handang pagdaanan ang matinding pasakit mailigtas lang ang kaniyang iniirog."

"Gamit ang kanilang kapangyarihan ay hinimok nila ang karagatan na maglatag ng tuyong lupa na kanilang matawiran. Umuugong ang lupa at mula sa karagatan ay umusbong ang tatlong kapuluaan na hugis-barko."

Mata ng BagyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon