Chapter 6

359 9 1
                                    

"Nerissa..."

Napatigil siya sa paghakbang nang makita ang taong tumawag sa kanya.

Nagsalubong ang mga kilay niya nang makita si David sa tabi ng kanyang kotse.

"Ano ang ginagawa mo rito?" tanong niya. "What do you want?"

"Puwede ba tayong mag-usap?"

Sa halip na sumagot ay bahagya siyang tumalikod at binalingan si Lawrence na kasunod niya. "Akin ang susi," aniya, sabay lahad ng kamay.

Agad naman nitong dinukot ang susi sa bulsa at ibinigay sa kanya.

"Nerissa, please, let's talk. Pakinggan mo naman ang paliwanag ko," sabi nito na iniharang ang katawan sa pinto ng kanyang sasakyan nang lumapit siya roon.

"I told you many times before that I'm not interested to hear any of your explanations," malamig na sabi niyang pinipigilan na mabulyawan ang lalaki.

Kanina pa sa loob ng restaurant ay inis na inis na siya. Hindi na nilubayan ni Lily si Lawrence at ang magaling na lalaki ay tila siyang-siya naman sa pakikipag-usap sa babae. Dinig niya ang usapan ng mga ito, pati ang lantarang pagbibigay ng motibo ni Lily sa binata.

Kaya naman kahit maaga pa ay nagpaalam na siya sa mga kasamahan, nagdahilan siyang masama ang pakiramdam kaya hindi na siya pinigilan ng mga ito. At ngayon ay gusto pa yatang dumagdag ng David na ito sa init ng ulo niya.

"Hindi mo naman kasi alam ang totoo. Hindi ko kilala ang babaeng iyon," sabi pa nito.

"Oh, really?" sarkastikong sabi niya. Humalukipkip pa siya.

"Isinama ko siya rito para sabihin niya mismo sa iyo ang totoo. Inosente ako." Tumingin ito sa isang babae na nakatayo malapit sa kanila. Noon lamang niya napansin ito.

Ilang sandaling tinitigan niya ito bago niya naalalang ito ang babaeng nahuli niyang kahalikan ni David. Wala itong anumang bahid ng makeup sa mukha at disente na ang suot.

At dinala pa talaga niya rito ang babae niya! naisaloob niya. Ano ang akala ni David, sa sinabi nito ay mababawasan ang galit niya? Malas nito na kinausap siya nito ngayong sobrang sama ng mood niya.

"I don't have time for this, okay? Now, get out of my way!" utos niya rito.

"But—"

Napatigil ito sa akmang pagtutol nang pukulin niya ito ng matalim na tingin. Laglag ang mga balikat na umalis ito sa pagkakaharang sa pinto ng kanyang kotse.

Pagkabukas ng pinto ay nilingon niya si Lawrence na tahimik na nagmamasid sa kanila. "Let's go," yaya nito.

Nang makaupo na ito sa driver's seat ay iniabot niya rito ang susi.

Hanggang sa makalayo sila roon ay hindi na niya sinulyapan si David at ang kasama nitong babae.

"SIYA 'yong ex mo, 'di ba?" basag ni Lawrence sa katahimikan. Mas pahayag iyon kaysa tanong.

Nasa daan pa rin sila pauwi sa kanyang bahay at mula nang umalis sila sa restaurant ay wala na silang imikan.

"Gusto kong magbakasyon. Bukas na tayo aalis," sabi niya sa halip na sagutin ito. Nanatiling nakatutok ang mga mata niya sa labas ng bintana.

"Biglaan naman yata," komento nito. "Saan mo naman balak magbakasyon, mahal na prinsesa?"

Nang tumingin siya rito ay nakita niyang may nakapaskil na ngiti sa mga labi nito nang sabihin iyon.

Dahil doon ay tila nabawasan ang init ng ulo niya. Pero nang tumingin uli ito sa kanya at naliuli siyang nakatingin dito ay inirapan niya ito.

Tumawa ito nang mahina. "Bakit ba kanina pa mainit ang ulo mo? May topak ka ba ngayon at hindi na naalis ang panunulis ng nguso mo?"

Falling In Love With My Bodyguard - Haze PradoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon