Puting kisame ang unang bumuglaw kay Nerissa nang magmulat siya ng mga mata. Nalukot ang kanyang ilong nang amuyin niya ang amoy-gamot sa paligid. Naihawak niya ang isang kamay sa kanyang noo nang makaramdam siya ng kirot doon. Pakiramdam niya ay sinagasaan siyang pison dahil sa nararamdamang pananakit ng mga kasukasuan.
Inalala niya ang dahilan kung ano ang nangyari at naroon siya sa lugar na iyon nang bumukas ang pinto. Pumasok ang dalawang lalaking hindi niya kilala. Ang unang lalaking pumasok ay may-katandaan na at nakasuot ng puting coat. Nahinuha niyang isa itong doktor.
Ang isa pang lalaking nahuhuli sa paglalakad ay mas matangkad at di-hamak na mas bata kaysa sa unang lalaki. Dito natutok ang mga mata niya. Kapansin-pansin naman talaga ito dahil sa taas nito at pangangatawan. Sa suot nitong short-sleeved polo ay nakatutok ang malapad na balikat at dibdib nito. Guwapo ito kahit mukhang suplado dahil sa pagkakatikom ng mukha. Beterano sa nakikita niyang awtoridad sa panggahasa ng mukha nito, mukhang sanay itong mag-utos.
"Gising ka na pala, Miss Puentebella," nakangiting sabi ng matandang lalaki.
Napabaling siya rito mula sa pagtitig sa matangkad na lalaki. "Sino ho kayo? What am I doing here?" tanong niya.
"I'm Doctor Santos," pakilala nito sa sarili. "You met an accident earlier this morning. Ito si Mr. Montano ang nakakita sa nabanggang kotse at dinala ka niya rito sa ospital."
Napahawak siya sa kanyang noo nang maalala ang nakakakilabot na pangyayari. "Salamat po sa pagsuri ninyo sa akin," aniya.
"In-inform na nga pala namin ang pamilya mo na andito ka sa ospital," sabi nito. "Sige, Miss Puentebella, magpahinga ka na uli. It was nice meeting you, hija."
Nakangiting inilahad nito ang kanyang kanang kamay sa kanya. Hindi niya ito tinanggap.
"Maiiwan ko na kayo at titingnan ko pa ang ibang pasyente," sabi nito pagkatapos bitiwan ang kanyang kamay. Tinungo na nito ang pinto at lumabas.
Nanatili sa loob ng kuwarto ang matangkad na lalaki na mula pa nang pumasok doon ay hindi pa nagsasalita. Nakatitig lamang ito sa kanya kaya hindi niya maiwasang mapailing, bagay na ipinagtataka niya.
Bilang isang artista, sanay siya na palaging nasa kanya ang atensiyon ng mga tao. Marami siyang mga tagahanga, hindi lamang mga ordinaryong tao kundi maging kapwa niya artista at mga taong nasa mataas na lipunan. Pero iba ang reaksiyon niya sa titig ng lalaking nakatayo sa harap niya. Ang nakapagtataka, blangko naman ang ekspresyon sa mukha nito.
"Maraming taga-media ang naghihintay sa labas. Gusto mo bang magpa-interview?" basag nito sa katahimikan.
Napatawa siya nang marinig ang buo at baritonong tinig nito.
"Miss, narinig mo ba ako?" May kaunting inis ang tinig nito.
"A-ah, ayoko. Huwag kang magpapapasok ng media rito sa loob," aniya.
"Okay," sabi nito.
Muling naghari ang katahimikan sa pagitan nila. Nag-isip siya ng puwedeng sabihin.
"S-salamat nga pala sa pagliligtas mo sa akin, Mr. Montano," kiming sabi niya.
Mas malinaw na ang isip niya kaysa kaninang magising siya at naalala na niyang ito ang lalaking namulatan niya nang saglit siyang magkamalay pagkatapos mabangga ang kotse niya.
"Wala 'yon. Kahit sino ay gagawin din ang ginawa ko. Magpasalamat na lamang tayo at napadaan din ako sa lugar na iyon kung saan ka naaksidente at nadala agad kita rito sa ospital," sabi nitong pormal pa rin ang mukha. "Basta sa susunod, ingatan mo ang sarili mo. Huwag kang magmamaneho nang lasing," panenermon nito sa kanya na para bang matagal na silang magkakilala.
BINABASA MO ANG
Falling In Love With My Bodyguard - Haze Prado
RomanceSanay si Nerissa na hinahangaan at pinaluluguran. Kaya nabibigla siya sa ikinikilos ni Lawrenee, ang "forced"bodyguard niya. Forced dahil ang daddy lang niya ang may gustong magkaroon siya ng bodyguard. At sa dinami-rami naman ng puwede nitong i-hir...