Chapter 9

430 7 0
                                    

"Magkagalit ba kayo ni Kuya?" pabulong na tanong ni Marie.

"Hindi," matipid na sagot ni Nerissa habang patuloy sa pagsasampay. Nasa likod-bahay sila at tinutulungan niya ito sa paglalaba. Huling banlaw na lamang ang ginagawa nila kaya nagprisinta na siyang magsampay. Isa iyon sa mga gawaing-bahay na natutuhan niya habang naroon siya. Hindi na siya tulad ng dati na umaasa sa mga katulong.

She would never be the same again pagkatapos niyang matutong magmahal sa unang pagkakataon, para lamang masaktan dahil ang nararamdaman niya ay walang katugon mula sa lalaking mahal niya.

"Bakit hindi kayo nagpapansinan? At bakit hinahayaan mong lumapit si Josie kay Kuya?" Bothered ang boses nito. "Baka mapikot at maagaw siya sa iyo si Kuya ng bruhang 'yon!" Naiinis na initsa nito ang pinigang damit.

Lihim din siyang nabahala sa sinabi nito. Mula nang gabing nasabi niyang mahal niya si Lawrence ay hindi na sila nag-uusap. Kung gaano nila iniiwasan ng binata ang isa't isa, siya namang dalas ng pakikipag-usap nito kay Josie.

Pero ano naman ang puwede niyang gawin? Hindi naman makapal ang mukha niya na ipipilit ang sarili sa binata gayong direktang sinabi nito na hindi siya nito gusto. Nasasaktan siya nang labis sa malamig na pakikitungo nito sa kanya.

"Tao po..."

Nagkatinginan sila ni Marie nang marinig ang tinig. Agad itong tumayo at tiningnan kung sino ang nasa gate. Nakita niyang napasimangot ito.

"Speaking of the devil." Tinungo nito ang pinto. Siya naman ay sinilip ang mga ito.

"Bakit?" tanong ni Marie.

"Nandiyan ba si Lawrence?" tanong ni Josie. Posturang-postura ito, tila may lakad.

"Wala siya rito," pormal na sagot ni Marie. Isa pa iyon sa ikinasasama ng loob niya. Maagang-maagang umalis si Lawrence paluwas sa Maynila nang hindi sinasabi sa kanya. Nang tanungin niya si Nanay Rose ay sinabi nitong hindi rin nito alam kung bakit lumuwas ang anak nito.

"Gano'n ba?" Tumingin sa kanya si Josie. "May usapan kasi kaming lalabas," kunwari ay malungkot na pahayag nito. Pero agad na napalis iyon nang tumunog ang hawak nitong cell phone. "Nag-text sa akin si Lawrence. Nasa Maynila pala siya. Doon na lang daw kami magkita kung gusto ko." Tuwang-tuwang ibinulsa nito ang cell phone. "Sige, bye!"

Nagpupuyos ang kalooban na tinapos niya ang ginagawa. Kapagkuwan ay umakyat siya sa kuwarto. Sinundan siya ni Marie doon.

"Baka nagkukunwari lang ang Josie na iyon na magkikita sila ni Kuya," sabi nito habang isinasara ang pinto.

"Paano niya nalamang nasa Maynila si Lawrence?" Hindi ito nakaimik sa tanong niya.

"Iwan mo muna ako, please."

Nag-aalalang tiningnan siya nito bago tumalima. Nang mapag-isa ay ibinagsak niya ang kanyang katawan sa kama. Hindi na niya napigilan sa pagtulo ang kanyang mga luha. Wala talaga siyang halaga kay Lawrence. Nahiling niyang mahuli na ang nagtatangka sa buhay niya nang sa ganoon ay hindi na niya kailangang laging kasama ang binata.

Tahimik siyang umiiyak nang tumunog ang kanyang cell phone. Dinutdot na kinuha niya iyon. Ang PA ni Jenny ang tumatawag.

"Hello, Jenny?" aniya habang pinupunasan ang nabasang pisngi.

"N-Nerissa..." Napakunot-noo siya nang marinig ang garalgal na tinig nito. "Puwede bang pumunta ka rito sa bahay?"

"Bakit? May nangyari ba?" Nag-alala siya nang mahinigang tila may problema ito.

"Si R-Rudy, iniwan na niya ako," anitong ang tinutukoy ay ang nobyo nito. "Sumama siya sa ibang babae." Narinig niya ang pag-iyak nito. "Gusto ko nang mamatay!"

Falling In Love With My Bodyguard - Haze PradoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon