Naiinis na bumangon si Nerissa mula sa kanyang kama. Nang tingnan niya ang oras, nakita niyang pasado ala-una na ng madaling-araw.
Kanina pa siya pabiling-biling sa higaan kaya naisipan niyang lumabas na muna ng kuwarto. Walang ingay siyang naglakad hanggang sa makababa siya ng hagdan. Paliko na siya patungo sa komedor nang makarinig siya ng malakas na labusaw ng tubig.
Nagtatakang napatingin siya sa direksiyon ng swimming pool. Sino ang gagamit niyon sa ganitong oras? naitanong niya sa sarili.
Nagpatuloy siya sa paglakad ngunit sa halip na sa komedor ay ang swimming pool ang pinuntahan niya. Nang makalapit doon, muntik na siyang mapasinghap sa kanyang nakita.
Pabalik-balik na lumalangoy si Lawrenee na ang tanging saplot ay isang skimpy trunks!
Agad siyang nagtago sa pader at naitutop ang kamay sa bibig para pigilan ang sariling makalikha ng ingay. Pakiramdam niya ay sumali siya sa isang marathon sa sobrang lakas ng kabog ng kanyang dibdib.
Dahan-dahan niyang inilabas ang ulo at sinilip ang binata na tumigil na sa paglangoy. Nakalutang na lamang ito sa tubig at nakatingin sa langit, tila may malalim na iniisip.
Nang mapansin niyang mukhang aahon na ito, dali-dali siyang naglakad palayo roon. Dumiretso na siya sa komedor at nang makapasok doon ay agad siyang nagsalin ng malamig na tubig sa baso at inisang-lagok iyon.
"Bakit kasi bumaba-baba ka pa, eh," paninisi niya sa sarili. Hindi siya makatulog kaya siya bumaba pero dahil kay Lawrenee, daig pa niya ang nakainom ng sampung tasa ng matapang na kape dahil pakiramdam niya ay gising na gising ang lahat ng ugat sa kanyang katawan.
Binuksan niya ang refrigerator para ibalik ang pitsel at inilabas ang cake na nakita niya sa loob. Mahilig siya roon pero dahil malakas iyong makataba ay iniiwasan niya ang pagkain niyon. Pero ngayong natetensiyon siya, kakalimutan na muna niya ang pagda-diet.
Nakakailang subo na siya ng cake nang mapalingon siya. Muntik na siyang mapatili nang makitang nakasandal sa pinto ng komedor si Lawrenee at nakatingin sa kanya.
"Ano'ng ginagawa mo riyan at hindi ka man lang nagsasalita?" naiinis na sita niya rito nang makabawi siya sa pagkagulat.
"Tiningnan ko lang kung ano 'yong kaluskos na narinig ko mula rito," sagot nito. Kumuha rin ito ng tubig sa refrigerator.
Sumubo uli siya habang lihim na sinusulyapan ito. Nakasuot na ito ng roba pero naiisip pa rin niya na kanina lamang ay kapirasong saplot lamang ang suot nito.
"Ikaw, bakit nandito ka?" tanong din nito nang humarap sa kanya kaya iniiwas niya ang mga mata.
"Hindi ako makatulog."
"Pareho pala tayo. Maalinsangan ang panahon kahit na may aircon kaya naisipan kong maglunoy sa swimming pool. I hope you don't mind."
"Hindi. Hindi naman bawal gamitin iyon."
Umupo ito sa tabi niya. "Hindi ko akalain na malakas ka palang kumain ng matamis," sabi nito habang nakatingin sa plato niya.
"Ito ang outlet ko kapag nate-tense ako," paliwanag niya.
"Iniisip mo pa rin ba ang nangyari kagabi?" tanong nito, ang tinutukoy ay ang kotseng muntik nang bumangga sa kanya.
"Medyo," sagot niya pero ang totoo ay mas naisip niya ang pagkakadagan nito sa kanya kaysa ang muntikan nang pagkabangga sa kanya.
"Huwag mo nang masyadong intindihin iyon."
Tumango lang siya at binalot na sila ng katahimikan.
"Gusto mo ba?" Naalala niyang alukin ito.
BINABASA MO ANG
Falling In Love With My Bodyguard - Haze Prado
RomanceSanay si Nerissa na hinahangaan at pinaluluguran. Kaya nabibigla siya sa ikinikilos ni Lawrenee, ang "forced"bodyguard niya. Forced dahil ang daddy lang niya ang may gustong magkaroon siya ng bodyguard. At sa dinami-rami naman ng puwede nitong i-hir...