Huwag na kayong magpaabot ng dilim bago umuwi," bilin ni Nanay Rose. "Ingatan ninyo ang inyong mga sarili at itong si Nerissa," sabi pa nito at nginitian siya.
"Oho, 'Nay," sagot ni Lawrence na abala sa paglalagay ng mga baon nila sa likod ng kotse. Pupunta sila sa lupain ng isang tiyuhin ng mga ito. Naisipan ng mga ito na ipasyal siya. Actually, si Marie talaga ang nakaisip na pumunta sila roon.
Isa iyon sa mga plano nito para paglapitin daw sila ng kuya nito. Kahit ilang beses na niyang sinabi rito na mali ito ng interpretasyon sa sinabi niya ay buo na ang paniniwala nitong may gusto siya sa kuya nito. Ang sabi nito ay tutulungan siya nito sa kuya nito at magsisimula iyon sa araw na iyon.
Nang araw na maabutan sila ni Lawrence na nag-uusap sa kusina ay sinabi sa kanya ni Marie na magyayaya itong mag-picnic sila, na sa araw na iyon nila gagawin iyon. Nagpaiwan si Nanay Rose dahil walang maiiwan sa bahay na ayon kay Marie ay mas pabor daw dahil mas magagawa nila ang plano nito.
Ang ipinagmamalaki nitong plano ay gagawa ito ng paraan para magkaroon siya ng chance para masolo niya ang kuya nito. Binilinan pa siya nitong magsuot ng swimsuit dahil may ilog sa pupuntahan nila. Idinagdag pa nitong iyong revealing ang isuot niya para makita ng kuya nito kung gaano kaganda ang kanyang katawan.
Nasa-shock siya sa mga sinasabi nito. Pero kahit ganoon ay sinunod pa rin niya ang payo nito gayong kung tutuusin, mas matanda at mas may experience siya sa pakikipagrelasyon kaysa rito. Dapat ay alam na niya ang gagawin ngunit parang bigla siyang naging baguhan dahil kay Lawrence. Isa pa, nakikita niyang nagkakatotoo ang sinabi noon ni Marie na balak akitin ni Josie ang binata. Laging nag-uusap ang mga ito. Hindi siya papayag na magtagumpay ang Josie na iyon sa balak nito.
Gagawin ko lang ito dahil ayaw kong mapariwara si Kuya, pagdadahilan niya tuwing maiisip kung bakit nakikiayon siya sa plano ni Marie.
Wala pang isang oras ay narating na nila ang pakay na lugar. Pagkababa ng kotse ay namamanghang pinagmasdan niya ang paligid. Patakbong lumapit siya sa ilog na napakalinaw ang tubig.
"Ang ganda naman dito!" bulalas niya habang isinasawsaw ang isang kamay sa tubig. Maligamgam iyon dahil sa init ng sikat ng araw.
"Sabi na sa 'yo, magugustuhan mo rito, eh," nagmamalaking saad ni Marie. "Palagi kaming namamasyal dito noong mga bata pa kami."
Sinimulang ilabas nina Lawrence at Troy ang kanilang mga dala habang sila ni Marie ay magkatulong na naglatag ng sapin sa damuhan. Pagkatapos maiayos ang lahat ay umupo na sila at nagsimulang kumain.
"Hay, grabe, busog na busog ako," ani Troy na hinimas pa ang tiyan. "Ang sarap ng mga niluto mo, Ate," puri nito sa kanya.
"Oo nga. Ang galing mo palang magluto, Ate Nerissa," humahangang sabi naman ni Marie. "Puwede ka na palang mag-asawa."
"Ano ba 'yang sinasabi mo, Marie?" saway agad dito ni Lawrence.
"'Di ba, gusto mo sa babae 'yong marunong magluto, Kuya?" ayaw paawat na tanong ni Marie. Kung kanina ay muntik-muntikan na siyang masamid, si Lawrence ay natuluyan na. Ngunit kahit nagkandasamid-samid na ay nagawa nitong hilahin ang buhok ng kapatid.
Pero tila inasahan na iyon ni Marie dahil agad itong nakawala at hinila patayo si Troy. "Samahan mo muna ako, Troy. Manguha tayo ng mga duhat." Hawak pa rin sa braso na hinila nito si Troy. "Bilis!"
"Sandali lang naman!" protesta ni Troy. Hindi ito pinakinggan ni Marie na lihim siyang kinindatan.
Tumingin siya kay Lawrence nang maiwan silang dalawa. Naglalaro sa isip niya ang plano ni Marie.
Nanlaki ang mga mata ni Lawrence nang makita niyang isa-isang hinuhubad ni Nerissa ang mga damit nito habang naglalakad ito papalapit sa ilog. "Hoy, a-ano'ng gagawin mo?" Hindi na siya nakapiyok nang tuluyang tumambad sa kanya ang katawan nito na tanging dalawang pirasong saplot na lamang ang suot.
BINABASA MO ANG
Falling In Love With My Bodyguard - Haze Prado
Roman d'amourSanay si Nerissa na hinahangaan at pinaluluguran. Kaya nabibigla siya sa ikinikilos ni Lawrenee, ang "forced"bodyguard niya. Forced dahil ang daddy lang niya ang may gustong magkaroon siya ng bodyguard. At sa dinami-rami naman ng puwede nitong i-hir...