Chapter 3

474 7 0
                                    

Sinabi ko nang ayoko. Hindi ko kailangan ng bodyguard, for Pete's sake!" sabi ni Nerissa. Padabog siyang umupo sa sofa. "We want you to have a bodyguard because your life is in danger," sabi ng kanyang daddy.

Naiinis na napaubo siya ng hangin. Nang makalabas siya ng ospital, kinausap siya ng kanyang mga magulang tungkol sa kagustuhan ng mga ito na ikaw siya ng bodyguard. Nalaman ng mga ito mula sa mga pulis na nawalan ng preno ang kanyang kotse kaya siya naaksidente.

Aminado siyang natakot siya nang malaman niya mula sa imbestigasyon ng mga pulis na may sumabotahe sa kotse niya para mawalan ito ng preno. Lalong nadagdagan ang pangamba ng mommy at daddy niya nang di-sinasadyang nasabi niya na may natanggap siyang text message na nagbabanta sa buhay niya.

Pinadalhan ulit siya ng text message ng taong nagsabing niloloko siya ni David noon. Hindi niya binura ang naunang text message kaya alam niyang iisang tao lamang ang nag-text sa kanya dahil parehong numero pa rin ang gamit nito.

"Masuwerte ka at iyan lang ang nangyari sa iyo. Sa susunod, hindi ka na makakaligtas!" Kinilabutan uli siya nang maalala ang eksaktong text message na natanggap niya. Ganoon din ang naramdaman niya noong una niyang mabasa ito. Iyon ang dahilan kaya pinipilit siya ng mga magulang niya na magkaroon ng bodyguard.

"Nananakot lang siguro ang gumawa noon," mabuwisit na katwiran niya.

"Nananakot? Someone's trying to kill you at ganyan lang ang sasabihin mo?" wika ng mommy niya.

"Hindi pa man ay nasisiguro kong kasamahan mo sa trabaho ang gumagawa ng mga bagay na iyan. Masyadong magulo ang mundong pinasok mo, Nerissa. Maraming inggiterong taong gustong magpabagsak sa iyo," ang sabi ng kanyang ama. "Mas mabuti pang tigilan mo na ang pag-aartista at magtrabaho ka sa kompanya natin. Mas mapapanatag kami ng mommy mo kung iyon ang gagawin mo."

"What?" bulalas niya. "I love my work at hindi ko iiwan ang showbiz dahil lang sa isang walang kwentang tao!" mariing sabi niya.

"Kung hindi mo gagawin ang gusto ng daddy mo, you have no choice but to have a bodyguard," wika ng mommy niya.

Matagal na siyang pinapatigil ng mga ito sa pag-aartista pero hindi siya sumusunod sa gusto nila. Kung patuloy siyang tatanggi, magkakaroon siya ng bodyguard. Tiyak na gagawa na ng paraan ang daddy niya para masira ang kanyang career at mapilitan siyang iwan ang show business.

"Okay. Tagal na akong inaamuy-amuyin ng daddy mo na bodyguard," sumusukong sabi niya.

"Salamat naman at natapos na rin ang usapang ito," ang sabi ng daddy niya. "Maghahanap na kami ng taong puwedeng magbantay sa iyo. Maraming panahon na ang nasayang. Dapat ay nasa isang business trip na ako ngayon." Tumayo ito at lumabas ng bahay.

"Ngayon na mismo kayo hahanap ng bodyguard ko, Mommy?" dismayadong tanong niya.

"Kailangan dahil pareho kaming may inaasikaso ng daddy mo. We have business transactions to attend to outside of the country. Dapat may magbantay na sa iyo habang wala kami rito," sagot nito. Iniwan na rin siya nito para maghanda sa pag-alis kasama ng daddy niya.

Naiinis na napabuntong-hininga siya. Aalis na naman ang mga ito para asikasuhin ang mga negosyo nila. Mula pa noong bata siya ay ganoon na ang gawain ng mga ito. They were always busy with their businesses abroad. Umuuwi lamang ang mga ito sa Pilipinas upang tingnan ang iba pang negosyo nila sa bansa at para na rin alamin kung may ginawa siyang kalokohan.

Lumaki siyang yaya ang kasa-kasama niya. Dapat ay sanay na siya na wala ang mga magulang niya sa kanya, pero hindi niya maiwasang malungkot kapag naiisip niyang mas mahalaga sa mga ito ang negosyo kaysa sa kanya. "Nag-aalala nga ako pero aalis din agad sila at iiwan ako sa ibang tao," pagkausap niya sa sarili. Nagrebelde ang damdamin niya nang maalala ang pagkuha ng mga magulang niya ng bodyguard para sa kanya.

Falling In Love With My Bodyguard - Haze PradoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon