Chapter Nine

526 9 0
                                    

CHAPTER NINE

NAKAPIKIT si Maybelle habang nakasandal sa sofa nang maramdaman niya ang munting kamay na naghubad ng kanyang mga sapatos. Pinilit niyang dumilat. Napangiti siya nang makita si Yna sa kanyang paanan.

“Come here, honey, you kiss Mommy,” nakalahad ang mga kamay na tawag niya rito. Sabik na niyakap niya ito.

“Are you tired, Mommy?” tanong nito, pagkuwa’y kumandong ito sa kanya.

“Yes, honey. Pero kapag in-embrace at hinalikan mo ‘ko, mawawala na ang pagod ko.”

Tuwang-tuwa siya nang sunud-sunod nitong hinalikan ang kanyang pisngi saka siya niyakap nang mahigpit. “I love you, Mommy.”

“I love you, too,” tugon niya bago ito niyakap nang mahigpit. Kahit gaanong hirap ang napagdaanan niya ay napapawi iyon sa tuwing nayayakap na niya ito.

“Mommy, where’s my donut?”

Natapik niya ang kanyang noo. Sa pagmamadali niyang makauwi ay nakalimutan niya ang bilin nito. “I’m sorry, honey. Nakalimutan ko ang pasalubong mo. Bukas na lang, ha? Ipapasyal din kita sa Jollibee.”

“Promise?”

“Promise,” nakangiting sabi niya. “Tawagin mo na si Lola. Sabihin mo maghain na siya para makakain na tayo.”

“Yes, Mommy,” anito saka tumalima. Patakbo itong umakyat sa hagdan.

Huminga siya nang malalim nang mapag-isa. Sumagi sa kanyang isipan kung ano ang magiging reaksiyon ni Jess kapag nalaman nitong nagbunga ang kanilang kapusukan. Hindi niya maipagkakaila rito si Yna dahil kamukhang-kamukha nito ito. Tanging ang kulay ng balat lang niya at dalawang biloy sa sulok ng mga labi ang namana ni Yna sa kanya.

Bigla siyang napalingon nang maramdaman ang mga yayat na mga kamay sa kanyang balikat. “Masaya yata ang bunso ko, ah,” puna ng kanyang ina.

“Mama?”

“Kanina pa ako sa likuran mo pero hindi mo ako napapansin. Nakangiti ka pa riyan. Ano ba ang nakapagpasaya sa anak ko, ha?” Tumabi ito sa kanya sa sofa.

“N-nakita ko siya kanina, Mama. A-ang ama ng anak ko.” Hindi niya naikubli rito ang kasiyahang nararamdaman niya.

“Nag-usap ba kayo?”

“Opo. Pero hindi tungkol kay Yna. Hindi ko po sinabi sa kanya na nagbunga ang kapusukan namin noon. Wala pa ho siyang alam.”

“Ano ang napag-usapan ninyo?”

Malungkot na napailing siya. “Hindi pa ho kami nag-uusap nang pormal. Pero simula bukas ay araw-araw na kaming magkakasama dahil siya ang bagong manager namin.”

Bumuntong-hininga ito. “May balak ka bang sabihin sa kanya ang tungkol kay Yna?”

“Hindi ko alam, Mama. Nangangamba ho akong baka hindi niya kilalanin ang aking anak. Bilang ina ni Yna ay hindi ko po iyon kayang tanggapin kung sakali. At isa pa ho, baka may asawa at anak na siya. Ayaw ko naman hong masira ang pamilya niya nang dahil lang sa amin ni Yna.” Nalungkot siya sa naisip na posibilidad.

“Maaaring tama ka pero may karapatan si Jess na malaman ang tungkol kay Yna. Nasa kanya na iyon kung tatanggapin niya si Yna o hindi. Ang mahalaga’y maipagtapat mo sa kanya ang totoo. Ganoon din si Yna, may karapatan itong makilala ang kanyang ama. Lumalaki na ang bata, balang-araw ay hahanapin nito ang kanyang ama.”

“Alam ko ho ‘yon, Mama. Wala naman ho akong balak ilihim sa kanila habang-buhay ang katotohanan. Sasabihin ko rin ho sa kanila ang totoo. Hindi nga lang muna ngayon. Maghihintay ho ako ng tamang pagkakataon.”

Limutin Man Kita by Isabela BallesterosWhere stories live. Discover now