"MATAGAL pa ba siya, Fer?" Kanina pa nilalamukos ni Catherine ang laylayan ng suot niyang bestida na ipinahiram sa kanya nito. Napakabaduy raw ng suot niya at hindi nararapat iharap sa prospective employer niya.
"Darating na 'yan. Huwag kang mainip," sagot nito habang tinitikman ang nilulutong kare-kare. "Tikman mo nga ito. Okay na ba ang lasa?"
"Okay na," aniya matapos tumikim ng malapot na sarsa ng kare-kare. Nag-half-day ito sa trabaho para sa paghahanda ng napakaespesyal na hapunan nila. Bukod sa kare-kare ay nag-ihaw rin ito ng liempo.
"Tulungan mo na akong mag-set ng table, baka dumating na siya."
Pagkatapos mai-set ang mesa ay may kumatok sa pinto.
"Ay, andiyan na siya!" excited na wika nito, saka hinarap siya. "Relax, Cathy. Huwag kang magpapakita ng pagka-tense. Kailangan ay confident ka, okay? 'Pag nate-tense ka pa naman, nagmumukha kang tanga."
Napalabi siya pero pinalampas niya ang sinabi nito. She tried to relax. Nag-concentrate siya bago huminga nang malalim. Narinig niya ang boses ng dumating. Kung iyon ang pagbabasehan, tila napakaguwapo ng panauhin.
At parang pamilyar ang dating niyon sa pandinig niya. Like she had heard it somewhere before, hindi lang niya maalala sa ngayon.
Pumuwesto na siya sa mesa, patalikod sa pintuan. Ayaw muna niyang magpakita sa prospective boss niya. Para sa kung anong dahilan, asiwang-asiwa siya.
Ah, almost two years living a monastic life, heto siya, tila bagong nagiging tao.
"Cathy, nandito na si Sir Jarrod Zaldivar."
Napakunot-noo siya. Zaldivar...?
"Catherine...?"
Napaigtad siya. Katabi na pala niya ang lalaki. At gayon na lamang ang kabiglaan niya nang makilala si Mr. Zaldivar. Ito ang unico hijo ng boss ni Fer?
"M-Mr. Zaldivar!" sambit niya at napatayo siyang bigla. Tiningnan niya si Fer. "S-siya ang sinasabi mong...?"
"Sir Jarrod, siya ho si Cathy. Catherine Mananquil," pakilala ni Fer. "Cat, si Mr. Jarrod Zaldivar, ang unico hijo ng boss kong si Mrs. Lumen Zaldivar."
"We've met," saad ni Jarrod.
"Ho?"
Inunahan na niya si Jarrod. "No'ng isang araw na galing ako rito. P-pinaangkas ako ni S-Sir Jarrod sa kotse niya."
"Yep. Nakita ko kasi siyang naglalakad na parang tulala," segunda ni Jarrod. "I thought she needed a ride, and we ended up having lunch together. Ang nakakainis lang, I forgot to get her number para may bago akong textmate." He smiled at her.
"W-wala ho akong cellphone, Mr. Zaldivar."
Tumaas ang isang kilay nito. "Huwag mo na akong hohoin, and please huwag mo akong tawaging 'Mr. Zaldivar.' Just call me 'Jarrod.'" Binalingan nito ang naguguluhang si Fer. "She's hired, Fer. No need for a resume or a job interview."
Napapalakpak si Fer. "O, ayan, Cat, may one million ka na!" anitong biglang napahiya kay Jarrod. "Oops!"
"It's all right, Fer. Talaga namang willing akong magbayad ng isang milyon basta magawa lang niya nang maayos ang trabaho niya. Kung hindi, five hundred thousand lang ang makukubra niya. In the meantime, mag-dinner muna tayo at mukhang napakasarap ng inihanda ninyo."
Ipinakilala na rin ni Fer si Clarence kay Jarrod at nagsimula na silang kumain. Panay ang kuwentuhan nina Jarrod at Fer habang sila ni Clarence ay nanatiling tahimik na observer lamang. Sumasagot naman siya kapag tinatanong pero hindi siya nagboboluntaryo na magsalita.
BINABASA MO ANG
Girlfriend For Hire - Camilla
Romance"I like kissing you. I only kissed you once, gusto kong masundan iyon. At huwag kang aangal, lubog ka sa utang sa akin."